Unyon ng kaguruan sa UST, nagsampa ng "notice of strike"
Nagtungo sa upisina ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros sa Maynila ang University of Santo Tomas Faculty Union (USTFU) noong Marso 25 para magsampa ng “notice of strike.” Nagdesisyon ang unyon na isampa ito sa ahensya dahil sa hindi pagkakasundo sa administrasyon sa usapin ng collective bargaining agreement (CBA) para sa 2021-2026.
Matatandaan na noong Marso 14 ay nagdeklara ang unyon ng deadlock o hindi pagkakasundo dahil sa hindi katanggap-tanggap na mga alok ng administrasyon. Isang taon na mula nang sinimulan ng unyon ang pakikipagnegosasyon para sa CBA.
Kabilang sa iginigiit ng USTFU ang 100% benepisyo sa kalusugan para sa lahat ng kasapi ng unyon, mas mataas na badyet para sa mga promosyon, Christmas bonus, longevity pay, dagdag na araw ng bakasyon, pagkakaloob ng 11th at 12th month pay para sa mga propesor, at iba pa.
Panawagan rin nilang kaagad na ibigay sa mga guro at empleyado ang ₱220 milyong na katumbas ng 70% bahagdang ng koleksyon ng matrikula sa akademikong taon ng 2020-2021 at 2023-2024.
Nagpahayag ng suporta sa unyon ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines at ang balangay nitong ACT Private Schools. Sumuporta rin sa pakikibaka ng USTFU ang ACT Teachers Party-list at si Rep. France Castro, kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
“Ang katapangan at kapasyahan ng USTFU ay nagpapakita ng kolektibong kamulatan at lakas ng kaguruan ng unibersidad sa pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng kanilang kapwa edukador na pinahihirapan ng hindi makatarungang bayad,” anang ACT Private Schools.
Panawagan nila sa administrasyon ng UST na dinggin ang kahingian ng kanilang mga guro na gumagampan ng mahalagang tungkulin sa pagtataguyod ng misyon at layunin ng unibersidad sa paghubog ng mga estudyante na “competent, compassionate at committed.”
Anang ACT Private Schools, batid ng kanilang mga kasapi ang nararanasang hirap ng mga guro ng UST dahil maraming mga guro sa mga pribadong unibersidad ang biktima rin ng “tumitinding komersyalisasyon ng sistema ng edukasyon na inuuna ang kita bago ang tao, na nagreresulta sa malubhang pagsasamantala sa mga edukador.”
“Nakakaalarma na ang isang institusyon na kumikita ng bilyun-bilyon mula sa walang humpay na pagtaas ng matrikula ay nagdadamot sa mga guro nito,” pahayag ni Castro. Lalo umanong kapuna-puna ang ginagawa ng UST dahil sunud-sunod ang naging pagtataas ng singil sa matrikula at bayarin sa nagdaang mga akademikong taon.
“Sa panahong tumataas ang presyo ng bilihin at pangunahing pangangailangan, hindi makatarungang pigilan ang makatarungang dagdag-sahod para sa mga guro,” ayon pa kay Castro.
Naglunsad ng gabi ng panalangin at pakikiisa ang USTFU sa kampus ngayong gabi, Marso 26, isang araw matapos magsampa ng pabatid sa welga. Dumalo at nakiisa sa kanilang pagkilos ang mga kasapi ng Ugnayan ng mga Nagkakaisang Manggagawa ng UST Hospital at mga kabatang aktibistang Tomasino.