Unyonista sa industriya ng BPO, pinatay sa Bacolod City

,

Nanawagan ng hustisya ang grupong BPO Industry Employees Network (BIEN) Philippines sa pagpaslang sa unyonista at kasapi nitong si Alex Dolorosa sa Bacolod City. Natagpuan ang kanyang bangkay sa Villa Sto. Rosario, Barangay Alijis noong Abril 24.

Ayon sa BIEN Philippines, si Dolorsa ay isang paralegal at unyonista-organisdor ng balangay nito sa Bacolod City. Bahagi din siya ng Pambansang Konseho ng BIEN Philippines at susing tao sa pagbubuo nito sa Bacolod, ayon pa sa grupo.

Liban dito, siya ay aktibistang kabahagi ng BEGLAD, organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng LGBT+ sa industriya ng BPO.

Ayon sa ulat ng pulis, posibleng pinatay si Dolorosa sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng umaga ng Abril 24. Huling nakitang buhay si Dolorosa noong gabi ng Abril 23.

“Ang paraan ng pagpatay sa kanya ay sumasalamin sa kawalang pag-iral ng batas at walang-katapusang kultura ng kawalang pakundangan sa bansa,” pahayag ng grupo.

Pagdidiin nila, hindi maikakaila na mayroong kinalaman sa kanyang trabaho bilang paralegal ng BIEN at organisador nito ang pagpatay kay Dolorosa. Naging biktima na rin si Dolorosa sa nakaraan ng paulit-ulit na pagmamanman ng mga ahente ng estado.

“Ang pagpatay kay Dolorosa ay nagbibigay-diin sa panganib [sa aming trabaho] at ang gubyerno ay nananatiling bulag at bingi sa aming kalagayan sa paggawa,” dagdag pa ng BIEN Philippines.

Anila, dagdag ang mga bantang ito sa umiiral na red-tagging at paninira sa mga manggagawa ng mga pwersa ng estado. “Dalawa sa aming mga pambansang kasapi ay kumakaharap ng gawa-gawang kaso, at ang aming mga organisdor at kasapi ay kumakaharap ng panggigipit at pananakot sa social media,” paliwanag pa ng grupo.

Giit ng grupo, ang gusto lamang nila ay mag-organisa ng mga unyon sa industrya ng BPO, na anila ay “mistulang ayaw ng gubyernong gawin” nila.

Panawagan ng grupo sa gubyerno na tiyakin ang kaligtasan, seguridad at proteksyon ng lahat ng mga manggagawa sa BPO.

AB: Unyonista sa industriya ng BPO, pinatay sa Bacolod City