Balita

USAID, instrumento ng kontrol ng imperyalismong US

Tumampok ang papel ng USAID o US Agency for International Development sa Pilipinas bilang instrumento ng US matapos ipahayag ng bagong-upong presidente nito na si Donald Trump na isasara niya ang naturang ahensya.

“Kinakatawan ng ahensya ang ‘soft power’ ng Amerika, katapat ng ‘hard power’ ng Central Intelligence Agency nito,” pahayag ni Prof. Bobby Tuazon, direktor para sa Policy Studies at pangalawang tagapangulo ng grupong CenPEG (Center for People Empowerment in Governance).

Ang “soft power” ay ang kakayahang impluwensyahan ang mga desisyon at pag-uugali ng mga mamamayan, grupo, organisasyon o estado sa pamamagitan ng pang-aakit o panghihimok sa halip na pamimilit o karahasan. Hinuhubog nito ang mga kagustuhan ng mga estado, organisasyon, grupo o mamamayan nang hindi gumagamit ng tahasang pamimilit, pero tungo sa parehong resulta na ninanais nito.

Sa kaso ng Pilipinas, ginamit ng US ang USAID, hindi para tulungan ang bansa, kundi para supilin ang panlipunang disgusto sa hanay ng mamamayan na deka-dekada nang sadlak sa kahirapan at inhustisya, ayon kay Tuazon. Matagal nang kinukwestyon ng CENPEG ang tunay na layunin ng ahensya sa Pilipinas, lalo’t marami sa mga pinopondohan nitong grupo at programa ay may kaugnayan sa kontra-insurhensya at hindi sa mga programang nagtutulak ng tunay na pag-unlad sa ekonomya at lipunan.

Nakaayon sa heopulitikal na interes ng US ang mga proyektong kinasasangkutan ng USAID sa bansa sa larangan ng pamamahala (governance), seguridad at ekonomya.

“Ang mga matagal nang usapin ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas ay hindi masosolusyunan ng mga programa ng dayuhang ayuda na nagsisilbing kasangkapan lamang para sa impluwensyang pampulitika,” ayon kay Tuazon.

“Ang tunay na landas tungo sa pambansang pag-unlad ay nakasalalay sa mga patakarang itinakda ng sarili na nag-aangat sa mga mahihirap, hindi sa mga agenda na ipinapataw mula sa labas.”

AB: USAID, instrumento ng kontrol ng imperyalismong US