Usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDFP, ipinanawagan ng bagong-buong grupo

,

Isang linggo bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr, nagtipon ang kilalang mga indibidwal at lider sa Sto. Domingo Church Compound, Quezon City para sa isang talakayan at upang maghatid ng malakas na mensahe sa rehimeng Marcos kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Binuo nila ngayong araw, Hulyo 16, ang Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) para itulak ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang CLPI ay binubuo nina dating komisyoner ng Commission on Human Rights na si Karen Gomez-Dumpit, Dr. Melba Maggay, Dean Manny Quibod, dating Negros Occidental Gov. Lito Cosculluela, Atty. Leo Malagar, Koko Alviar, Dr. Mike Tan, Chris Millado, Bp. Ruby-nell Estrella, Bp. Colin Bagaforo, Abp. Jose Palma, Samira Gutoc, Rose Hajahay, Guiamel Mato Alim, dating Ambassador Victoria Bataclan, Mitzi Tan, at Atty. Tony M.A. La Viña.

Nanawagan ang grupo kay Marcos Jr na magpahayag ng “malinaw at tiyak na kagustuhang isulong ang mapayapa at napagkasunduang solusyon sa matagal nang umiiral na armadong tunggalian” sa Pilipinas. Anito, ang makatarungang kapayapaan ay kinakailangan para sa mas maunlad na estado ng bansa.

Noong Nobyembre 28, 2023, magkahiwalay na inianunsyo ng Negotiating Panel ng NDFP at mataaas na upisyal sa gabinete at militar ng GRP ang balak ng dalawang panig na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Isinapubliko nila ang magkasanib na pahayag na pinirmahan ng NDFP Negotiating Panel at ng GRP noong Nobyembre 23, 2023 sa Oslo, Norway.

Ang Oslo Joint Statement ay deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang usapan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.

Anang CLPI, malugod nilang tinanggap ang pahayag na ito ng GRP at NDFP. “Lumikha ng malaking pag-asa at optimismo sa hanay ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan ang pahayag,” anito. Ikinabahala nito na mula noon ay wala pang positibong pag-unlad, laluna mga tinatanaw para sa pagbubukas ng pormal na mga negosasyon. Matatandaang nagpahayag na ng pagtutol ang ilan sa mga upisyal ng gubyerno at matataas na upisyal panseguridad ng rehimeng Marcos sa negosasyong GRP-NDFP.

“Nababahala kami na ang katahimikang ito ay nagpapahiwatig ng pagbalik sa patakaran ng todong-gera ng gubyerno, na nakaturol sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan gamit ang armadong lakas ng estado,” pahayag ng CLPI.

Idiniin din ng CLPI na sa harap ng patakarang ito, napakatitinding paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ang hindi maitatangging naitatala. Kabilang dito ang tahasang pagkakaso ng “terrorismo” at “terrorism financing” at walang tigil pa rin na Red-tagging.

Sa dalawang taon ng rehimeng Marcos sa poder, naitala ng Ang Bayan ang 2,107 bilang ng mga kaso kung saan hindi bababa sa 424,679 ang bilang ng mga biktima. Sa abereyds, mayroong 580 biktima ng paglabag sa karapatang-tao kada araw sa huling dalawang taon.

“Hahantong lamang ito sa pagpapatindi pa ng mga ugat ng armadong tunggalian,” ayon sa CLPI. Kahit pa umano ilang ulit ipagdiinan ng GRP na signipikanteng napahina nito ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), ipinakikita ng kasaysayan na nakapagpapatuloy ang armadong paglaban hanggang nananatili ang mga kundisyong nagbibigay katarungan dito—ang lumalawak na sosyo-ekonomiko at pampulitikang mga suliranin.

“Sa harap ng umiigting na tunggalian at tensyon sa pagitan ng malalaking kapangyarihan laluna sa rehiyong Asia-Pacific, naniniwala kami na napapanahong isulong ang lahat ng paraan, laluna ang mapayapaang mga paraan, para tugunan at maghatid ng napagkasunduang solusyon sa kasalukuyang armadong tunggalian, para mapagkaisa ang mamamayan at tipunin ang mga rekurso tungo sa pagpapanday ng independyente at maka-kapayapaang patakarang panlabas,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang CLPI sa GRP na magtalaga na ng mga myembro sa negotiating panel nito. Suportado rin nila ang pagpapalaya sa mga konsultant sa kapayapaan ng NDFP na anila ay makakatulong sa muling pagbubuo ng negotiating panel ng NDFP.

AB: Usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDFP, ipinanawagan ng bagong-buong grupo