Balita

Walang patumanggang pamamaril ng 2nd IB sa Masbate, kinundena

Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang pinalalabas ng 2nd IB na engkwentro na naganap sa Barangay Nadawisan, Cataingan, Masbate noong Abril 23, alas-5 ng umaga. Anang yunit, walang nangyaring labanan at sa halip ay walang patumanggang nagpaputok ng baril ang mga sundalo para palabasing nagkakabarilan.

Ayon sa gawa-gawang kwento ng 2nd IB, nagsagawa sila ng operasyong pagtugis sa lugar kasunod ng impormasyong nakalap hinggil sa presensya ng BHB sa lugar. Pinalalabas pa nitong tumagal ng limang minuto ang sinasabing labanan.

Para buuin ang gawa-gawang kwento, nagpakana pa ang mga sundalo ng pagkakumpiska ng dalawang baril, dalawang anti-personnel mines (APMs), mga bala, detonating cords, medical supplies, at ilang personal na kagamitan sa barangay. Tinawag na kasinungalinan ng BHB-Masbate ang lahat ng ito.

“Pinangangambahan ng mga sibilyan na madamay sa ginagawang mga pakanang engkwentro ng militar,” ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB sa prubinsya. Aniya, ganito ang nararamdaman ng mga residente dahil makailang ulit nang idinadamay ng pwersa ng reaksyunaryong estado ang mga sibilyan sa nakaraan upang pagtakpan ang kanilang kabiguang masukol o tuluyang madurog ang hukbong bayan sa prubinsya.

Dagdag pa ng tagapagasalita, hindi malabong dumami pa ang bilang ng mga pekeng engkwentro at karahasang militar sa paglapit ng araw ng eleksyon. “Sa mga pakanang ito, ninanais ng pwersa ng reaksyunaryong estado na ipakitang naghahasik ng kaguluhan ang BHB. Papalabasing nananatiling nasa hotspot o hindi matiwasay ang magiging halalan sa prubinsya,” aniya.

Nanawagan si Ka Luz sa masang Masbatenyo na kumilos para ilantad at labanan ang kahangalan at di makatarungang gerang ilinunlunsad ng reaksyunaryong estado ni Marcos Jr laban sa mamamayan. “Singilin si Marcos Jr at kanyang mga tutang sandatahang lakas sa paghahasik ng pasismo at terorismo sa kanayunan,” panawagan niya.

AB: Walang patumanggang pamamaril ng 2nd IB sa Masbate, kinundena