War games ng militar sa loob ng UP Mindanao, kinundena ng mga estudyante
Kinundena ng Anakbayan-UP Mindanao ang paglulunsad ng 11th Regional Community Defense Group (RCDG) ng war games sa loob ng University of the Philippines (UP)-Mindanao kahapon, Oktubre 24. Ayon sa grupo, anim na tauhan ng 11th RCDG ang nagpraktis ng mga pormasyong militar sa harap ng cultural complex ng kampus.
Ang mga war games at ang simpleng presensya ng 11th RCDG sa kampus ay malinaw na iligal at malalang paglabag sa UP-DND Accord, ayon sa grupo. Ang naturang kasunduan ay nagbabawal sa pagpasok ng militar o pulis sa mga kampus ng UP nang walang paunang abiso at pahintulot mula sa administrasyon, upang protektahan ang kalayaan at seguridad ng mga mag-aaral at guro.
Naniniwala rin ang grupo na labag ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ng 1998, partikular ang Artikulo 4(7), na naglalayong protektahan ang mga institusyong tulad ng mga paaralan mula sa anumang atake o operasyon ng militar. Gayundin, nilalabag nito ang Children’s Welfare Code ng Davao City (1994) na nagbabawal sa paggamit ng mga paaralan bilang mga kampo o himpilan ng militar.
“Ang mga litrato ay malinaw na nagpapakita ng mga armas na dala ng mga tauhan ng militar, at malinaw na ito’y paglabag sa mga prinsipyong sumasaklaw sa karapatan ng mga mag-aaral na mag-aral sa isang ligtas at payapang kapaligiran,” pahayag pa ng grupo.
Nanawagan ang Anakbayan-UPMin sa administrasyon ng kampus ang agarang pagpapaalis sa 11th RCDG sa loob ng kampus. Hindi makakalimutan ng mga estudyante ng UP Mindanao ang naging pangako ng kasalukuyang administrasyon ni Chancellor Lyre Anni Murao na paaalisin ang 11th RCDG sa loob ng UP Mindanao. Nakahimpil ang yunit militar, sa pamumuno ni Col. Josue Caberto, sa Camp San Gabriel, Mintal Tugbok District, Davao City.
Ipinaalala ng Anakbayan-UPMin sa mga estudyante ang nakamit ng dating konseho sa pangunguna ni dating USC Chairperson Fauzhea Guiani na pagbubuo ng komite para sa relokasyon ng 11th RCDG. “Tila napako ang pangako ng administrasyong Murao na hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong mga hakbang hinggil sa pagpapaalis ng 11th RCDG,” dagdag nito.
Siningil ng Anakbayan-UPMin ang administrasyon ng kampus na maging tapat at tupdin ang mga pangako, at huwag maging sunud-sunuran sa militar. “Ang mga insidenteng ito ng lantarang panghihimasok ng militar at ng 11th RCDG sa kampus ay hindi lamang mga datos at balita lang, dapat ay ang pagkakaroon ng agarang aksyon hinggil dito at huwag hayaang gamitin ang ating mga espasyong pang-akademiko sa pamamasismo,” pagdidiin ng grupo.
Ang naturang yunit militar din ang sinasabing pinagmumulan at nagsasanay ng mga kasapi ng pribadong armadong pwersa ng alyado ni Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy. Inaakusahan ang pribadong armadong pwersa na ito na pumapaslang sa mga tumutuligsa at lumalaban kay Quiboloy. Ginagamit rin niya ang pwersa para mangamkam ng lupa.