Pahayag

ACC kaisa sa pagkundena sa malalang paglabag sa karapatang-tao ng AFP at PNP

Nakikiisa at sumusuporta ang Armando Catapia Command- NPA Camarines Norte (ACC-BHB) sa pagkundena ng NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command) sa AFP at PNP sa malubhang paglabag sa karapatang-tao . Hindi kaiba ang dinaranas ng mga Sorsoganon sa mga taga Camarines Norte sa ilalim ng Focused Military Operations at Community Support Program Operations (CSPO). Isinailalim sa nasabing kambal na talim na operasyong militar ang Camarines Norte simula pa noong unang kwarto ng 2018 hanggang sa kasalukuyan. Mahaba ang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao ng 96th IB, 9ID Philippine Army sa mamamayan ng Camarines Norte at ang kaakibat nitong kahirapan sa mamamayan.

Lansakang paglabag sa karapatang-tao ang dinaranas ng mamamayan sa Camarines Norte sa kamay ng 96th IB, 9ID PA. Ilan dito ang nararanasang tortyur dahil sa paulit-ulit na pagpapatawag at pag-iimbestiga sa mga taumbaryo para makapiga ng impormasyon kaugnay sa rebolusyonaryong kilusan, panghaharas sa mga lider masa, kaso ng pekeng pagpapasurender at ang masahol pa ay ang mga kaso ng “extrajudicial killings”. Sa barangay Anameam bayan ng Labo may mag-asawang tinutukan ng baril at pilit na pinapaamin tungkol sa NPA habang hinahalughog ang kanilang bahay. Iba’t ibang pamamaraan para iharas ang mga lider masa tulad ng pagpapadala ng sulat na may nakapintang bungo, ang pagdikit/pagbuntot sa kanila ng mga nakasakay sa motorsiklo, at pagsubaybay ng militar mismo sa kanilang aktibidad sa baryo. Ginagawa din ang panggigipit sa mga pamilya ng mga pinaghihinanalaan nilang NPA. Sa bayan ng Labo, mayroong di bababa sa animnapu (60) katao ang biktima ng “fake surrenderee” sa barangay Exiban, Macogon, Malaya, Malatap liban pa ito sa sa Anameam, Bagong Silang, Maut, Calabasa at Malangkaw Basud na tiyak na marami pa. Sapilitan silang ipinailalim sa programang E-CLIP. Karamihan sa kanila ay pinapirma sa kasulatan kung saan nagsaad na sila ay “nakapaloob sa pulitiko-militar na naorganisa ng NPA at boluntaryo at hindi pinilit ng mga kasundaluhan para humiwalay at magsuporta sa armadong grupo at makipagtulungan sa barangay official at CSP team ng Bravo Coy ng 96th IB, 9ID PA”. Ang iba ay napilitang pumirma dahil nalinlang ng militar sa pangako na sa kanilang pagpirma ay hindi na sila muling gagambalain. Pero taliwas ang nangyari dahil paulit-ulit pa rin silang ipinapatawag para tumugon sa programa ng E-CLIP. Ang malala pa ay ang minaniobra ng militar na kasulatan sa barangay tulad ng “non-residency certificate” sa mga masang tinukoy nila sa listahan na NPA surrenderee. Mapanghati ito sa mga taumbaryo dahil sa pagpwersa sa mga opisyal ng barangay na itakwil ang mga lehitimong residente ng baryo para lamang masabi silang NPA gayong sila ay mga ordinaryong sibilyan na matagal nang naninirahan sa lugar. Ang paglalaway sa malaking pondo sa programang E-CLIP ang malinaw na nasa likod ng pekeng pagpapasurender.

May malubhang epekto sa kabuhayan ng magsasaka ang walang taros na militarisasyon sa kabukiran at kabundukan dahil karamihan sa kanila ay natatakot nang pumunta sa kanilang linang at “koprahan” sa pangambang maabutan ng operasyon ng militar. Ang pagbase ng militar sa gitna ng baryo, tulad sa mga barangay hall, day care center at barangay chapel ay nagdudulot ng takot sa mga taumbaryo. Inilalagay nito sa bulnerableng kalagayan ang mga taumbaryo sa paggamit sa kanila bilang “human shield”, na labag sa Internasyunal na Makataong Batas. Higit na malala ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang “extrajudicial killings”, ang ala-tokhang na pagpatay katulad ng kina Lope Elnar, Ernesto Natada , Allan Casulla, Joseph Baning at William Tallon na pawang mga magsasaka sa Camarines Norte.

Malinaw sa mga mamamayan ng Camarines Norte na ang nasa likod ng pokus na operasyong militar at Community Support Program Operations, liban sa layuning supilin ang lehitimong paglaban ng masa, ay ang proteksyunan ang malalaking dayuhang kumpanya sa mina. Nakaambang muling mag opereyt ang Mount Labo Mining Corporation. Inihahanda na sa ngayon ang konstruksyon ng mga mayor na pasilidad tulad ng mga kalsada na siya namang ginagwardyahan ng mga militar.

Gayunman, taliwas sa inaasahan ng AFP at PNP sa pagpapadeklara ng persona non grata ang BHB. Abut-abot ang paghingi ng pag-unawa ng mga brinasong mga konseho ng barangay at sangguniang bayan, dahil ayon sa kanila napilitan lang silang gawin ang resolusyon. Pinatutunayan nito na walang bisang legal at pulitikal ang buktot na iskema sa pagturing na persona non grata ang BHB at iba pang mga pambansa demokratikong organisasyon dahil may malalim na pag-ugat ang rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan ng Camarines Norte bunga ng mga solidong tagumpay sa pagsusulong ng interes ng masa.

Dapat magkaisa at magkapit-bisig ang masang Bikolnon para itakwil at labanan ang militarisasyon at kaakibat nitong mga paglabag sa karapatang- tao sa lahat ng sulok ng Kabikolan. Pinatunayan na sa lahat ng lugar na sinaklaw ang CSP Operation ay nagdulot lamang ito ng ibayong kaguluhan, dekadenteng kultura sa baryo at ibayong pahirap sa masa. Dapat magpursige sa landas ng militante at armadong paglaban ang mamamayang pinagkakaitan ng karapatan sa buhay at kabuhayan para makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran na nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Oplan Kapanatagan, ELCAC-JTF, Executive Order 70 at Memorandum Order 32, biguin!
Panloloko at pang-aapi ng mga PNP at AFP CSP teams, itakwil at labanan!
Rehimeng US-Duterte, ibagsak!

 

ACC kaisa sa pagkundena sa malalang paglabag sa karapatang-tao ng AFP at PNP