AFP-PNP, tigilan na ang pang-aatake sa mga kagawad ng midya!

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Wala talagang patawad ang pagkaberdugo ng mersenaryong hukbo. Kahit ang pagkakapaslang sa mamamahayag na si Percival ‘Percy Lapid’ Mabasa ay ginamit nilang tuntungan para pailalim na makapangharas at maiparamdam ang kanilang pagmamanman sa mga kagawad ng midya. Ilang mga mamamahayag ang nagsiwalat na pinuntahan sila ng mga hindi unipormadong pulis sa kanilang mga pribadong tirahan upang diumano’y ‘kumustahin’.

Hindi nakapagtatakang takot ang naramdaman ng mga mamamahayag matapos ang mga surpresang bisitang ito. Una, alam ng publiko na pulis ang nasa likod ng higit 30,000 kaso ng pagpatay sa ilalim ng Oplan Tokhang at ng libu-libo pang kaso ng pampulitikang pamamaslang. Araw-araw, laman ng mga balita ang mga bumulagtang bangkay ng mga sibilyan. Nanlaban umano ang lahat ng napatay – kahit yaong mga bata at menor de edad, matatanda at may kapansanan. Ikalawa kalakhan ng pang-aatake sa midya, mula sa panghaharas at red tagging hanggang sa pamamaslang, ay pakana ng mismong estado at ng armadong pwersa nito. Hindi ba’t ilang kaso na ang napatunayang tinaniman ng kung anu-anong ebidensya ng mga pulis ang mga mamamahayag upang sila ay maaresto? Kung ganito ang kalakaran sa bansa, sino nga naman bang hindi mag-iisip na may panganib na kalakip ang pagbisita ng pulis o militar?

Hindi makapagpapanggap na maamong tupa ang mga halimaw na mersenaryo. Matagal nang basa ang papel nila sa mga mamamahayag at sa malawak na hanay ng sambayanan. Alam ng lahat na ang tunay na intensyon nila sa pagbisita sa mga tagapagtanggol ng katotohanan ay ang pailalim silang pagbantaan at balaan na nagmamasid ang pulis sa bawat nilang galaw. Isa sa mga pinag-iinitan ng rehimen at ng armadong pwersa nito ang hanay ng midya dahil sa kanilang susing papel sa pagmumulat sa masa sa tunay na kalagayan ng lipunan at sa pagtatanggol sa kasaysayang pilit na binabaluktot ng pamilyang Marcos. Sa unang 100 araw pa nga lang ni Marcos II sa pwesto, 16 na kaso na ng paglabag sa karapatang tao ng mga mamamahayag ang naitala. Kabilang dito ang dalawang kaso ng pampulitikang pamamaslang.

Nakikiisa ang NDF-Bikol sa pakikibaka ng mga mamamahayag para sa kanilang mga karapatan at kalayaang sibil. Walang pagod nilang linalabanan ang disimpormasyon at mga pekeng balitang siya namang itinataguyod ng AFP-PNP at kanilang mga amo.Tatak ng isang tunay na desperado at kontra-mamamayang pamahalaan ang isang gubyernong nambubusal ng bibig at nagpapatahimik sa lahat ng tipo ng paglaban at oposisyon. Higit kailanman dapat magkaisa at maging matatag ang mga mamamahayag at ang buong sambyanan sa paglaban para sa kanilang mga demokratikong interes.

AFP-PNP, tigilan na ang pang-aatake sa mga kagawad ng midya!