Pahayag

Agad palayain si Wigberto Villarico, konsultant sa kapayapaan ng NDFP

Mariing kinukondena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Marcos at ang mga armadong ahente nito sa pag-aresto kahapon ng umaga sa Quezon City kay Wigberto Villarico, konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines.

Iginigiit ng Partido na dapat igalang ang mga karapatan ni Villarico at agaran siyang palayain. Lahat ng gawa-gawang kaso laban sa kanya ay dapat agad na iatras. Iginigiit namin na dapat igalang ang karapatan niya sa sariling abugado at sa pinili niyang duktor.

Si Villarico ay 68 taong gulang at may mga karamdaman at nangangailangan ng medikal na atensyon. Mayroon siyang spondylitis, altapresyon, arrhythmia sa puso, hika, paglaki ng prostate at iba pa.

Bilang konsultant ng NDFP para sa negosasyong pangkapayapaan, aktibo si Villarico sa pagbibigay-atensyon sa mga isyu, alalahanin at kahingian ng mga manggagawa, magsasaka at mga minorya, mga estudyante at iba pang sektor sa Southern Tagalog. Isinagawa ang pag-aresto at pagkulong sa kanya, at sa kasama niyang si Marjorie Lizada, sa gitna ng isang bagyo na mahigpit niyang sinusubaybayan upang makatulong sa pagbibigay ng payo sa mga pwersa ng NDFP sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng tulong at rekurso para sa mga nangangailangan.

Bilang konsultant ng NDFP, si Villarico ay protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Siya ay may mga dokumento na nagpapatunay sa kanyang pagkakakilanlan bilang konsultant. Sa ilalim ng JASIG, pumayag ang gubyerno ng Pilipinas na hindi isasailalim ang mga konsultant, tauhan, at mga miyembro ng NDFP sa paniniktik at pag-aresto.

Ang pag-aresto kay Villarico ay tahasang pagwawalang-bahala sa JASIG. Dapat panagutin ang mga tauhan ng militar at pulis na responsable sa pag-aresto kay Villarico. Alinsunod sa JASIG, si Villarico, gayundin si Liza, ay dapat agarang palayain.

Si Villarico ang ikatlong konsultant pangkapayapaan ng NDFP na ikinulong ng gubyernong Marcos sa nakaraang ilang linggo. Sa unang bahagi ng kasalukuyang buwan, inaresto at ikinulong ng mga pwersa ng militar at pulis si NDFP Peace Consultant Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte. Ilang araw lamang ang nakararaan, inaresto si NDFP Peace Consultant Simeon Naogsan o Ka Filiw ng Cordillera People’s Democratic Front sa Ilocos Norte.

Walang duda, ang sunud-sunod na pag-aresto sa mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP ay ginawa upang idiskaril ang mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan ng NDFP-GRP, sa panahong nagsusumikap ang dalawang panig na isulong ito, batay sa Oslo Joint Declaration ng Nobyembre 2023. Malinaw, may ilang elemento sa loob ng rehimen ni Marcos na ayaw magtagumpay ang mga pagsisikap na ito.

Hinihingi namin na si Villarico, Tuna at Naogsan, at iba pang mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP ay agarang palayain upang makalahok sila sa mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan.

Agad palayain si Wigberto Villarico, konsultant sa kapayapaan ng NDFP