Ahente paniktik ng 93rd IB, pinarusahan ng BHB-Leyte
Isang araw matapos ang matagumpay na taktikal na opensiba laban sa 14th IB, pinarusahan naman ng BHB-Leyte Island (Mt. Amandewin Command o BHB-MAC) ang isang ahente paniktik ng 93rd Infantry Battalion.
Ipinatupad ng BHB-MAC ang desisyon ng hukumang bayan na patawan ng parusang kamatayan si Jerry Morfe, 54, kasapi ng Barangay Intelligence Network sa Barangay San Javier, Jaro, Leyte, noong Oktubre 16, alas-11:10 ng gabi.
Sa isinagawang imbestigasyon, napatunayang aktibong naniktik si Morfe laban sa rebolusyonaryong kilusan sa utos ng 93rd IB. Pinakahuli sa listahan ng kanyang mga krimen ang pagpapareyd sa isang yunit ng BHB sa San Javier noong Disyembre 30, 2024. Siya mismo ang naghanda ng mga ruta ng mga pasistang tropa papasok at palabas ng erya sa pagsalakay nito sa BHB.
Matagal nang naniniktik para sa militar si Morfe. Noong 2012 palamang ay pinayuhan na siya ng BHB na itigil ang pagpapagamit sa pasistang militar at pagsali sa mga bandidong grupong tulisan. Ngunit hindi niya ito pinakinggan at sa halip ay mahigit isang dekadang ipinagpatuloy ang kontra-rebolusyonaryong gawain.
Ang aksyong militar ng Pulang hukbo sa Leyte ay ang ikalawang inilunsad nito sa loob ng dalawang araw. Una nitong hinaras ang 14th IB sa pagitan ng Odiong at Caraye, bayan ng Javier noong Oktubre 16 kung saan nagtamo ang pasistang miltiar ng maraming kaswalti.
“Ito ay nagsisilbing babala sa mga kagaya ni Morfe na may utang na dugo sa mamamayan. Itigil niyo na ang pagpapagamit sa pasistang militar, ang pagtataksil sa kapwa ninyo masang inaapi at pinagsasamantalahan,” ani Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-MAC.
Iskemang “tanim-baril” ng 802nd IBde, nalantad
Pinasinungalingan din ni Malaya ang alegasyon ng 14th IB at ng 802nd Infantry Brigade na may nakumpiskang riple ang pasistang militar sa operasyong haras ng hukbong bayan sa Javier.
“Tanim-baril pa more. Una, 24 oras na hindi iniulat ng pasistang militar na nadepensiba sila sa BHB. Nang mabalita ang kanilang pagkatalo, nagpalabas sila ng pekeng impormasyon na nakaiwan daw ng baril ang BHB. Nag-abala pa silang kumuha ng litrato ng isang lumang riple at ng mga kagamitan. Lalo lang silang lumabas na desperado at katawa-tawa,” ani Malaya.
Kinundena rin ni Malaya ang pagganti ng 14th IB sa mamamayan ng Barangay Caraye, Javier. Kasunod ng kanilang pagkatalo, ipinataw sa baryo ang hamlet o “lockdown” kung saan pinagbabawalan ang masa na tumungo sa kanilang sakahan.
“Ito mismo ang dahilan kung bakit patuloy na magpupunyagi ang BHB. Ang pagpapahirap ng militar sa masa ang nagbibigay sa kanila ng dahilan na lumahok sa digmang bayan.”
802nd IBde, tuluy-tuloy ang pag-atake sa masa
Ang hamlet sa Caraye ay bahagi ng sustenidong focused military operations ng 14th IB at 93rd IB sa ilalim ng 802nd IBde sa mga bayan ng Javier, MacArthur, Abuyog, Mahaplag, Baybay, Albuera, Ormoc, at Burauen, Leyte, at Sogod, Southern Leyte mula pa noong Agosto 15.
Bago pa ang mga aksyong militar ng BHB, walang tigil na ang operasyong panunugis at panunupil ng AFP sa buong isla.
Sa mga komunidad, ipinatatawag ng pasistang sundalo ang masa sa mga asembliya upang pagbantaan na kung magbigay sila ng kahit kapiranggot na asin o bigas sa BHB, ipakukulong sila habambuhay. Sapilitang pinasusuko ang mga baril na ginagamit ng taumbaryo sa pangangaso at paghahanapbuhay. Ihinaharap sa kanila ang mga traydor upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan, habang ipinagkikibit-balikat ang kahirapan ng masa na siyang ugat ng armadong tunggalian.
Sa ibang bahagi ng Leyte tulad ng Carigara, kasama ng mga sundalo ang kapulisan sa operasyong militar. Naglipana naman ang dikit-dikit na detatsment ng militar sa kanlurang bahagi ng ikalimang distrito ng Leyte at bahagi ng Southern Leyte.
Sa tala ng BHB-MAC, hindi bababa sa 99 na barangay sa buong isla ng Leyte ang sinakop ng mga operasyong panunupil ng 14th IB at 93rd IB mula Enero ngayong taon.