Pahayag

Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Anhing "Ka Oca/Korne" Ingayan Da-it, magiting na kumander at mandirigma ng BHB, mahusay na guro at doktor ng masa!

Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Lucio De Guzman Command-NPA Mindoro kay Anhing “Ka Oca/Korne/Jumong/Harsi” Ingayan Da-it, magiting na kumander at mandirigma ng NPA, kapita-pitagang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM, mahusay na guro at doktor ng masa, ulirang ama at marangal na katutubong Hanunuo-Mangyan.

Likhang-sining ng Kabataang Makabayan.

Pinaslang siya ng mga elemento ng 68th IBPA, 1st IBPA, 5th SRB matapos na masugatan sa labanan at mahuling buhay noong Hulyo 9, 2026 sa Sityo Sto. Cristo, Barangay Lourdez, Magsaysay, Occidental Mindoro.

Nagbuwis ng buhay si Ka Oca sa magiting na pagharap ng mga yunit ng NPA-Mindoro sa mabangis na atake ng National Action Plan for Unity, Peace and Development(NAP UPD) ng rehimeng US-Marcos Jr. sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan. Habang walang malinaw na solusyon sa kahirapang nararanasan ng mga magsasaka at mamamayang Mindoreño, militarisasyon at terorismo pa sa kanayunan sa tabing ng Unity Peace and Development.ang tugon ng papet, pasista, pahirap at korap na rehimen.

Nagluluksa ang mamamayang Mindoreño at sambayanan sa pagkamartir ng isang magiting na hukbo ng bayan na walang pag iimbot na inialay ang kaisa isang buhay alang-alang sa kanilang kapakanan. Nakakuyom ang mga kamaong pinagpupugayan ng mga Mangyan ang kanilang lider at mahal na kasama.

Nagmula sa pamilyang magsasakang Hanunuo si Ka Oca. Hindi na nakapagtapos ng pag aaral sa burges na paaralan kundi nag-aral na sa aktwal na pakikihamok sa buhay. May asawa at may 4 anak at nangangarap na mabuhay ng masagana at payapa.

Subalit ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan ang hindi nagpahintulot sa kanya upang makamit ang pangarap na ito. Upang itaguyod ang pamilya, maliban sa pagpapaunlad ng kanyang minanang lupa ay namasukan bilang katulong sa bukid sa mga mayayamang malawak ang lupain sa kanilang bayan. Upang dagdagan ang kita ay namimili din ng produktong bukid upang siyang magbenta sa tyanggihan subalit mapagsasamantalahan din sa mababang presyo, at iba pang pandaraya gaya ng talsik, resiko at ng arbitraryong pagtatakda ng tenor (pagkaklase) ng kalakal. Kung kaya kahit anong pagsisikap na kamtin ang pangarap para sa pamilya, naranasan din ang lkabis-labis na pagsasamantala sa kanila. Dagdag pa ang mababang pagtingin sa kanila dahil sa pagiging Mangyan. Naroon din ang banta sa kabuhayan ng mga proyektong pagmimina at eko-turismo sa kanilang lugar.

Saksi siya at naging katuwang ng NPA sa paglalansag sa mga pastuhan at pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang katulad niya. Namulat siya na kung hindi dahil sa rebolusyunaryong kilusan ay hindi mapapalaya ang libu-libong ektaryang lupain na pinakikinabangang ngayun ng mga magsasaka at Mangyan kabilang ang lupaing kanilang binubungkal at pinagyayaman.

Ang kundisyong ito ang nagtulak sa kanya upang maging bahagi ng organisasyong masa sa kanilang lokalidad at bandang huli ay pinamunuan ito. Pinaunlad ang tulungan sa bukid at iba pang gawain ng mga magsasaka, habang gumagampan din ng iba pang teknikal na suporta sa NPA. Kalaunan pinili niyang tahakin ang landas ng armadong paglaban.

Bilang isang NPA, naging mahusay siyang kumander, progandista, edukador at doktor ng masa. Matiyaga siyang magturo masa, ibinabahagi ang kasaysaysan ng Pilipinas hanggang sa kasaysayan at pakikibaka ng Mindoreño, at ang pagkakaisa bilang sandata lalo na ng kapwa Mangyan na higit na napagsasamantalahan.

May mga pagkakataong dinadayo siya ng mga masa upang magpaturo ng karate o arnis, para sa kanya pagpapataas ito ng kumpyansa ng masa na kumaharap sa araw araw nilang buhay. Pinaunlad niya ang kanyang sarili sa larangan ng paggagamot dahil alam niya na pinagkaitan na ng gubyerno ng serbisyong pangkalusugan ang mga Mindoreño lalo na ang mga katutubong Mangyan at tanging ang NPA lamang ang inaasahan ng mga ito na kumakalinga sa kanila. Mula sa paghihilot, akyupangtura, paggamit ng halamang gamot hanggang pagbubunot ng ngipin ay pinagpakahusayan niya. Tinitiyak niyang sa bawat pagpasok sa mga komunidad ay nakapagbibigay ng serbisyo sa masa.

Kung sa usapin ng tunggalian sa pagitan ng masa, si Ka Oca din ang hanap ng masa lalu na sa mga katutubong Hanunuo at Buhid. Liban sa pagkabatid sa kultura ng Mangyan-Hanunuo at kasaysayan nito ay kinilala ang kanyang liderato dahil sa matiyagang pakikipagtunggali at paglilinaw ng linya at mga prinsipyo ng rebolusyunarong kilusan kaugnay sa hustisya.

Dahil sa ipinakitang pagkalinga ni Ka Oca sa masang pinaglilingkuran, minahal siya ng masa. Dito higit na sumalig ang masa sa armadong rebolusyon bilang solusyon sa suliraning kinakaharap lalo na ang bantang pagkamkam sa kanilang lupain ng mga dayuhan at lokal na kapitalista kasabwat ang mga lokal na burukrata. Sa kabila ng terror na hatid ng berdugong si Jovito Palparan ng pamunuan nito ang Oplan Habol Tamaraw sa Mindoro, napatunayan nilang ang NPA lamang ang totoong naglilingkod sa kanila.Sa ganitong diwa, maging ang kanyang mga anak na noon ay umabot na sa hustong gulang ay sumunod sa kanyang tinahak na landas. Tatlo sa kanyang anak ang naging pultaym na mandirigma ng NPA.

Dahil dito, naging banta sa kaaway ang pamilya niya. Tinarget ng pagpapasuko at kumbersyon ang pamilya sa pamamagitan ng sabayang paggamit ng dahas at ng inasukalang lason. Tusong ginamit ang asawa at kasunod nito ang mga anak ni Ka Oca upang himukin siyang bumaba at sumuko at patayin siya kung hindi makumbinsing talikuran ang rebolusyon. Subalit mahal ni Ka Oca ang kanyang pamilya at sambayanan. Hindi siya kailanman yumukod sa mga pasista na kasangkapan ng mga naghaharing uri sa pagsasamantala at pang-aapi sa kanila, kahit pa ang kapalit nito ay pagtalikod sa asawang naatim ang pakikipagsabwatan sa kaaway. Nanatili siya sa BHB, higit na nagpakatatag sa pagharap sa pagsubok at higit pang pinanday ang sarili sa rebolusyon.

Muling kumaharap sa pagsubok ang buhay at pakikibaka ni Ka Oca nang siya ay nagkasakit. Naobliga siyang magpahinga sa lokalidad, at sa panahong ito ay nakapagtayo ng bagong pamilya. Sa harap ng limitasyon dulot ng pag-edad at paghina ng kalusugan, minabuti niyang manatili na sa lokalidad. Sa panahong ito, nagpatuloy siya sa pakikibaka -nagsilbing tagapayo ng mga samahang masa, at mga sangay ng partido, hindi lamang sa pagpapagana ng organisasyon kundi sa pagpapaunlad ng produksyon. Muli siyang naging tagapamagitan sa pag aayos ng mga kaso at tunggalian ng mga masa. Sa pagpapaigting ng Rehimeng US-Duterte ng JCP-Kapanatagan, hindi napanatag ang kanyang pamilya ng bombahin ng 203rd Bde ang kanilang komunidad at panganganyon sa mga bundok. Nasaksihan nila ang araw araw na drone operations sa kanilang komunidad. Nagpalipat-lipat ang kanyang pamilya kung saan relatibong maluwag ang sitwasyon para makapaghanapbuhay. Habang nakikitungo sa kaaway ay nakikitungo din si Ka Oca sa kanyang kalusugan. Hindi siya kailanman pinatahimik ng kaaway, muli siyang hinainan ng pagpapasuko, gamit ang mga taksil na masa at mga oportunistang lider. Pinanindigan niya ang kanyang panuntunan “hindi ako kailanman susuko sa kaaway”. Dahil hindi naman totoong pinahintulutan ng pasistang estado na mamuhay siya ng “payapa” gaya ng ipinapangalandakan nito, nagpasya siyang bumalik sa pagkilos sa NPA.

Higit siyang nagpakahusay sa paggampan ng mga gawain sa yunit ng mula sa gawaing propaganda, edukasyon at medikal. Bilang kumander, pinamunuan niya ang ilang tim at iskwad ng gawaing masa sa mga eryang rekoberi at ekspansyon. Sa mga panahong ito wala siyang ibang hangad kundi mapagkaisa ang mga magsasaka at katutubong Mangyan upang tutulan ang mga proyektong mina, dam, TREP, renewable energy eko-turismo at iba pang “pangkaunlarang proyekto”. Sama-samang ipinagtanggol ang lupang kanilang binubungkal at ang lupaing ninunong binawi nila sa mga panginoong maylupa na may malalawak na pastuhan; sama-samang kumilos upang mapataas ang antas ng produksyon at ang produktong kanilang pinagpagalan; at, sama-samang labanan ang walang katapusang pang aalipusta sa kanila ng mga pasistang militar, ang pagpapasuko, red tagging at iba pang anyo ng paglabag sa kanilang karapatan.

Pinatunayan ni Ka Oca ang walang hanggang pagmamahal sa masang pinaglilingkuran. Hindi kailanman natinag ng pagkakasakit ang kagustuhang maglingkod sa masa. Taong 2025 ng ma-diagnose siya ng COPD, ( chronic obstructive polmunary disorder). Dahil dito binigyan na siya ng kunsiderasyon na kumilos na.lamang.sa lokalidad. Subalit mas pinili niyang maipakat at kumilos sa yunit ng NPA kaysa manatili at kumilos sa lokalidad.

Nang pumutok ang isyu ng talamak na kurapsyon na pinangunguluhan ng hari nitong si Ferdinand Marcos Jr. lalong sumidhi ang pagnanais niyang lumapag sa masa upang maging kabahagi sa pagmumulat kaugnay nito. Sa lokal, naging maingay ang isyu ng pagbagsak ng presyo ng sibuyas at mga produkto ng mga magsasaka. Nanawagan ang mga magsasaka sa Occidental Mindoro na umaksyon ang gubyerno ni Marcos Jr. upang pigilan ang pagbagsak ng.presyo ng sibuyas. Sa halip na suportahan, inaprubahan nito ang importasyon ng sibuyas sa panahon din ng anihan na nagpalala sa pagkalugi ng mga magsasaka. Hindi nagpahuli at boluntaryong sumama si Ka Oca sa yunit na maglulunsad ng masusing imbestigasyon at.konsultasyon sa magsasaka. Dito tumambad sa mga kasama ang mas masahol pang kalagayan matapos na malugi sa pagtatanim ng sibuyas ay walang puhunan ang maraming magsasaka para sa pagtatanim ng palay. Pinalala ang sitwasyon ng pagtaas ng gastos sa produksyon dahil sa pagtaas ng presyo ng farm inputs.

Ipinakita ng praktika ni Ka Oca na ang mga limitasyon, tulad ng karamdaman, pag-edad at bagal ay napangingibabawan. Kahit lumarga sa eryang ekspansyon at rekoberi, basta mataas ang diwa at handang harapin ang sakripisyo at kahirapan kakayaning gumampan ng gawain hanggang kamatayan.

Sa loob ng 28 taon ng buhay at pakikibaka ni Ka Oca kung saan ang labingwalo ay ginugol bilang pultaym sa NPA, ipinamalas niya ang walang hanggang pagmamahal sa bayan.

Magsilbing inspirasyon ang kanyang buhay at pakikibaka sa lahat ng rebolusyunaryong pwersa. Gawing huwaran ang kanyang katatagan sa pagharap sa mga pagsubok at magiting na paglaban sa Focused and Sustained Military Operations (FSMO) na taktika sa kasalukuyang kontra insurhensyang digma ng rehimeng US-Marcos II.

Tiyak na magpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayang Mindoreño. Ang kasalukuyang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at ang papatinding pasismo at terorismong estado ay magtutulak sa mga Mindoreño upang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Ang matinding pang-aapi at pang aalipusta sa mga katutubong Hanunuo at sa lahat ng Mangyan ay matabang lupang nagpapayabong ng armadong paglaban. Ito lamang ang magbibigay ng katarungan sa walang katapusang pagyurak sa kanilang karapatan.

Ang kalagayang ito ang magbubuklod sa lahat ng uri at sektor upang hawakan ang sandata at itutok sa mga mapagsamantang panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador., dayuhang kapitalista at kasabwat na burukrata-kapitalistang pinangungunahan ng papet, pasista, pahirap at korap na rehimeng US-Marcos Jr.

Mabuhay ang ala-ala at pakikibaka ni Ka Oca !

Isulong ang Digmang bayan hanggang tagumpay!

Sumapi sa NPA!

Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Anhing "Ka Oca/Korne" Ingayan Da-it, magiting na kumander at mandirigma ng BHB, mahusay na guro at doktor ng masa!