Palakasin ang armadong pakikibaka para gupuin ang pasismo at teror ng estado
Ang Anti-Terrorism Act ng 2020 ang isa sa pinakamapamuksang sandata na ginamit ng reaksyunaryong pamahalaan laban sa mamamayang Pilipino na naghahangad ng pagbabagong panlipunan. Sa pagpapatupad nito, dumami lamang ang paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas sa ngalan ng pagsugpo sa “terorismo”, na ang biktima ay ang mamamayang pinagbintangang may kaugnayan sa mga tinatakang terorista.
Maalalang noong Hulyo 2020, pinirmahan at pinatupad ng rehimeng US-Duterte ang tinawag nilang Batas Kontra Terorismo. Isinulong ito sa senado sa panunguna ng pasistang si Gen. Ping Lacson. Pumalit ito sa naunang Human Security Act.
Higit na mabangis ang ATA 2020 na nasa likod ng pagkakabuo ng Anti-Terrorism Council na arbitraryong nagtatatak ng mga “terorista” kahit sa hanay ng mga sibilyan. Ipinapatupad nito ang pang-aaresto kahit walang warrant of arrest at magditine nang lampas sa taning kapag napaghinalaang sangkot ang isang tao sa terorismo. Madalas itong isampa sa mga indibidwal na diumano’y may kaugnayan sa CPP-NPA, ngunit ang mas nakakabahala ay ginagamit itong panakot at banta kaninuman na nais patahimikin ng estado. Wala itong pinipili at sinumang kritikal sa reaksyunaryong pamahalaan ay hindi ligtas sa batas na ito. Pinakamasaklap ang impyunidad na iniresulta nito sa walang habas na pagpatay sa mga biktimang pinararatangang mga “terorista”. Halimbawa ay ang karumaldumal na pagpatay sa tinaguriang Bloody Sunday noong Marso 2021, naganap ang pakyawang pagpaslang sa hanay ng mga aktibista sa Timog Katagalugan kung saan siyam (9) ang naging biktima ng extra judicial killing sa ilalim ng Synchronised Enhanced Military and Police Operations. Sa pareho ring buwan, pinatay ang lider-manggagawa na si Dandy Miguel habang pauwi matapos magtrabaho sa pinapasukang pagawaan sa Laguna.
Sa ika-anim na taon ng ATA, pinakinabangan ng rehimeng US-Marcos II ang batas na minana sa kriminal at mamamatay-taong si Duterte. Ipinagpatuloy ito ni Marcos Jr. kung saan mula 2022-2024, mayroong kabuuang 42 kaso ang isinampa laban sa karaniwang sibilyan, aktibista at lider ng organisasyong masa sa bisa ng ATA at Anti-terrorism Financing Law. Samantala, mayroong 10,543 kaso ng red-tagging sa ilalim ng termino ni Marcos Jr.
Hindi naglulubay ang kontra-rebolusyonaryong gera laban sa CPP-NPA at buong sambayanan dahil sa desperasyon ng rehimen na ipawalang-saysay ang pambansa demokratikong paglaban ng mamamayang Pilipino. Hindi lamang ang karapatang tao ng mamamayan ang nilabag ng estado kundi tahasang nilalapastangan nito maging ang mga karapatang tao ng mga armadong pwersang direktang kalahok sa digmaan alinsunod sa internasyunal na makataong batas na nakasaad sa Protocol II ng Geneva Conventions. Bukod sa pagdamay sa mga sibilyan, makahayup ang pagtrato nito sa mga pwersa ng NPA. Karamihan sa mga paglabag sa mga Pulang mandirigma ang pambababoy sa mga labi, paggamit ng overkill na mga armas pandigma, paglabag sa karapatan ng mga hors de combat o mga mandirigmang wala nang kapasidad na lumaban at pambobomba’t walang habas na pamamaril sa mga komunidad. Ang mga kasong ito ang dahilan kung bakit si Marcos Jr., kabilang ang noo’y pangulo ng US na si Joe Biden at dating presidente ng GRP na si Duterte ay hinatulang maysala ng International Peoples’ Tribunal sa mga paglabag sa internasyunal na makataong batas.
Sa patuloy na pangangayupapa ni Bongbong Marcos Jr sa kanyang among US at sa imperyalistang patakaran nito, lalong naging mabangis ang ATA 2020 para tiyakin na mahahadlangan ang anumang pagtutol ng mamamayang api. Sa harap ng napipintong pagsambulat ng armadong sigalot sa Asia Pacific dahil sa patuloy na panghihimasok ng US sa bansa para gamiting piyon ang Pilipnas sa niluluto nitong gera laban sa China, lalong nagagamit na sandata ang ATA 2020 para patahimikin ang lahat ng anyo ng paglaban ng taumbayan.
Nananawagan ang Melito Glor Command ng NPA sa mamamayan ng buong rehiyong Timog Katagalugan na patuloy na labanan ang pekeng batas laban sa terorismo, sa halip ay ituon ang paglaban ng mamamayan sa numero unong teroristang rehimeng US-Marcos II. Singilin ang estado sa mga paglabag nito sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Igiit ang hustisya sa mga krimen sa bayan.
Marapat na ipanawagan ang pagbabasura ng ATA at iba pang mga batas at institusyon na kaakibat nito. Palakasin ang panawagan na ilipat ang pondong laan sa terorismo ng estado tungo sa serbisyong panlipunan at iba pang mga proyektong kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Kasabay ng paglulunsad ng mga anti-pasistang pakikibaka para igiit ang karapatang tao, marapat kilalanin ng mamamayang Pilipino ang kawastuhan at pagkamakatarungan ng pagsalig sa rebolusyon bilang sandata para labanan ang reaksyunaryong gera ng estado. Ginagamit ng kasalukuyang bulok na sistema ang pasismo at terorismo para ipagpatuloy ang kasalukuyang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Tanging sa pag-aarmas ng mamamayan maaaring wakasan ang terorismong hatid ng pasistang estado. Palakasin ang NPA bilang instrumento ng mamamayan para ibagsak ang estado at tunay na hukbo na tagapagtanggol ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan.