Statement

Aktibong Depensa sa Baco, Oriental Mindoro, matagumpay! Isang sundalo ng 203rd Bde, patay! Pulang Saludo sa magiting na paglaban ng NPA-Mindoro!

Buong giting na nilabanan ng isang yunit ng NPA Mindoro ang umatakeng mga pasistang sundalo ng 203rd Bde ngayong 5:45 ng umaga ng Agosto 9, 2025 sa Barangay Mangangan 2, Baco, Oriental Mindoro. Tiniyak na maunang maputukan ng mga Pulang mandirigma ang umatakeng kaaway dahilan upang magkamit ng kaswalti sa kaaway kabilang ang isang patay. Muling binigo ng NPA-Mindoro ang masinsin at largadong Focused ang Sustained Military Operation (FSMO) sa buong Oriental Mindoro na hindi na napatlangan sa nakaraang dalawang buwan. Hindi lamang nailagan ng NPA-Mindoro ang kabi kabilang FSMO bagkus aktibo itong nakapag depensa at nakapinsala laban sa mga umaatakeng pasista.

Ang labanang naganap sa Baco, Oriental Mindoro at sa iba’t ibang panig ng Pilipinas nitong nakaraang mga linggo ay muling nagpapasubali sa kasinungalingang ibinuga ni Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang mga tauhan sa AFP-PNP na diumano’y wala nang nakatayong grupong gerilya sa buong bansa. Maging sa Mindoro, malayo sa katotohanan ang bukambibig ng 203rd Bde na insurgency-free ang Mindoro.

Isa ang bayan ng Baco sa pinakamahihirap na bayan sa buong Oriental Mindoro kung saan laganap ang kakulangan at kawalan ng lupa, kawalan ng hanap buhay, at labis na kakulangan ng serbisyong panlipunan, mga malilinaw itong batayan kung bakit buhay at nagpapatuloy ang rebolusyon pangunahin ang armadong pakikibaka sa mga bayang kagaya ng Baco.

Magpapatuloy ang Bagong Hukbong Bayan-Mindoro na isulong ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan bilang pangunahing lunas sa nagnanaknak na krisis sa lipunang Pilipinong pinaghaharian ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Tinatawagan namin ang aping mamamayan ng Mindoro na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan upang tuloy-tuloy na palakasin ang armadong pwersa ng sambayanan at kamtin ang katarungan, tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang mamamayang nag-aarmas!

Ibagsak ang rehimeng US-Marcos!

Digmang Bayan, sagot sa kahirapan!

Aktibong Depensa sa Baco, Oriental Mindoro, matagumpay! Isang sundalo ng 203rd Bde, patay! Pulang Saludo sa magiting na paglaban ng NPA-Mindoro!