Ang pondong pampubliko ay para sa pangangailangan ng taumbayan hindi sa pork barrel at black budget ng pangkating Marcos-Duterte

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sadyang ang rehimeng Marcos-Duterte rehimen ay walang anuman kung hindi isang pagpapatuloy lamang ng naunang administrasyon. Kahit nga ang prayoridad nito sa pondo ay parehas ang masahol na larawang ipinipinta – mga burukrata kapitalistang kinukumpuni ang pambansang badyet para sumang-ayon sa kanilang adyenda ng walang sagkang korapsyon at pasismo.

Wala talagang hiya ang pangkatin ng iilang naghaharing-uri. Tigas-mukha nitong kinaltasan ang alokasyon para sa sosyoekonomikong pag-unlad at ilinaan ang bulto ng kabang-bayan sa mga proyekto kung saan pinakamalalim ang kanilang dukot. At gaya nang dati, ang bayang Pilipino na naman ang dehado. Para pagbayaran ang pagkamahal-mahal na layaw ng iilan, pipigain ang masa ng mas marami at mas mataas na mga buwis, aapihin at pagsasamantalahan sila hanggang sa buto sa gitna ng resesyon at walang humpay na implasyon.

Ilan sa matitingkad na bahagi ng alokasyon ng pondo para sa 2023 ay ang P49.1 bilyong kaltas sa pondo para sa panlipunang seguridad kabilang na yaong para sa mga pamilya at bata, kawalan ng trabaho, pabahay at iba pa, na buong kakapalan ng mukha pa nilang tinawag na ‘pagsasayang ng pondong publiko’. Ang sektor ng agrikultura, isa sa pinakaimportanteng pundasyon ng pambansang ekonomya, ay makatatanggap lamang ng gamunggong P184.1 bilyon kumpara sa gahiganteng P1.196 trilyon para sa imprastruktura. Ang confidential at intelligence funds naman na kilala bilang black budget ay lumobo sa P9.6 bilyon mula sa P1.7 bilyon pa lamang noong 2016. Ang mutil-bilyong black budget na ito ay literal na humihigop ng pera, dahil walang nakaaalam saan ito gagastusin, tiyak nang gagamitin na naman ito para pondohan ang militarista at kontra-mamamayang mga programa.

At syempre pa, sino ba naman kundi ang dalawang pinakamataas na upisyales ang makakakuha ng pinakamalaking hati sa perang pinaghirapan ng taumbayan. Ang Presidential pork barrel ni Marcos II ay umaabot ng P2.8 trilyon. Ito ay 54% ng buong badyet pambansa. Samantala, si VP Sara Duterte ay kokontrol sa P712.9 bilyon para sa kanyang upisina at sa Dep-Ed. Ang pondo ng OVP ay inaprubahan agad nang wala man lang tanong bilang kunsiderasyon umano. Ang tanong ay kung nasaan ang sinasabing paggalang, ang sinasabing kunsiderasyon pagdating naman sa karaniwang tao.

Muli, ibinubunyag ng bulok na estado ang sarili nito bilang palaruan ng mayayaman at iilang naghahari-harian. Habang nagkakandamatay ang mahihirap na pamilya sa kahirapan at kagutuman, ang mga Marcos, mga Duterte at iba pa nilang masugid na tagasunod ay nagpapakaligaya sa bunga ng pawis at dugo ng mamamayang nagkakandakuba upang mabuhay.

Sinusuportahan ng NDF-Bikol ang kilusang masa laban sa sinadyang baluktot na pagprayoridad ng rehimeng Marcos-Duterte sa pondo ng publiko. Karapatan ng taumbayan na busisiin kung paano ginagastos ng mga nahalal na upisyales kunong ito ang kanilang pera at igiit na unahin ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.

Sa huli, ang tanging paraan para wakasan ang paulit-ulit na siklong ito ay ang wasakin ang sistemang nagpapahintulot sa mga lintang burukrata na mamugad at panatilihin ang mga sarili sa kapangyarihan. Dapat bagtasin ng mamamayan ang landas ng armadong rebolusyon at pagpursigihan ang ganap na tagumpay nito. Tanging doon lamang magiging mapagpasya ang bayan sa kanilang pondo at higit sa lahat, sa kanilang sariling kapalaran.

Ang pondong pampubliko ay para sa pangangailangan ng taumbayan hindi sa pork barrel at black budget ng pangkating Marcos-Duterte