Wakasan ang walong dekadang malakolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas!
Bagama’t dineklara ang Hulyo 4 bilang “US-RP Friendship Day,” walang tayong pakikipagkaibigang matatamo sa mga Amerikano. Sa halip, ang relasyon ng US at ng Pilipinas ay relasyon ng amo at tuta; ng panginoon at alipin; ng mapanakop at sinasakupan. Hitik na hitik ang ganitong relasyon sa ilalim ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr. Mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, walang kapaguran si Marcos sa pagsusulong ng mga patakaran at panukalang pabor sa US.
Nilagdaan ni BBM ang Bilateral Defense Guidelines bilang panibagong andana ng mga kasunduang “panseguridad” sa pagitan ng Pilipinas at US. Kasabay nito, pinalawig niya ang mga base militar ng US sa ilalim ng EDCA. Sa dalawang panukala na ito, pinadali ni Marcos ang panghihimasok at tuwirang pagkukuta ng US sa ating bansa.
Sinabayan ito ng pagpapalawak ng mga joint military exercises tulad ng Balikatan at Salaknib, at ng pagpirma ng mga kasunduang VFA sa France, Japan, at iba pang bansa. Nagsisilbi ang lahat ng ito upang itransporma ang Pilipinas bilang base ng US at NATO laban sa pangunahing imperyalistang karibal nito na China.
Naglalaro si Marcos sa balangkas ng Indo-Pacific Strategy ng US. Masaya siya na magsilbi bilang susing kawing ng US laban sa China kapalit ng mga pabuya at proteksyon na manatili sa puwesto. Sa loob ng apat na taon, walang tigil ang pagbuhos ng US ng pondo at armas sa pasistang AFP. Tinulungan ng US si Marcos para kontrahin ang paksyong maka-Duterte sa loob ng militar at makakapit sa poder ng kapangyarihan. Nagsisilbi si Marcos hangga’t nananatili siyang may silbi sa US.
Pinakamalala ngayon ang pagpasok ni Marcos sa inisyatibang Pax Silica. Layunin nito na ipagamit sa US ang lupa sa Pampanga at Tarlac para tayuan ng “economic security zone,” kung saan walang kontrol ang Pilipinas at walang bisa ang batas ng bansa dito. Bahagi ito ng itatatag na Luzon Economic Corridor na aabot ng Batangas.
Layunin ng Pax Silica na magbuo ng industriyal na kapasidad bilang paghahanda sa giyera nito sa China. Linalapit ng Pax Silica ang mga pagawaan ng semiconductor, AI data center, at iba pa kasabay ng patuloy na pagbubuo ng US ng mga pasilidad pang-militar, tulad ng mga supply depot, pagawaan ng bala, daungan, at iba pang instalasyon.
Ang lahat ng ito ay hayagang paglabag sa Konstituyon ng bansa. Bukod dito, hayagang pagbebenta ito ng soberanya ng bayan para sa solong ganansya ng US.
Malinaw na walang pakinabang ang sambayanang Pilipino sa patuloy na paglukob ng US sa ating bayan. Nananatiling pangunahing patriyotikong tungkulin ngayon ng bawat Pilipino na ipaglaban ang ating soberanya at isulong ang isan ganap na demokrasya.
Nananawagan ang National Democratic Front of the Philippines sampu ang lahat ng rebolusyonaryong organisasyon sa Laguna, sa lahat ng magigiting na anak ng ating lalawigan: wakasan ang paghahari ng US sa ating bayan! Lumahok, isulong, at pagtagumpayan ang digmang bayan para sa pambansang paglaya!
Nananatili ang demokratikong rebolusyong bayan bilang pinakamabisa at pinakamasaklaw na kilusang anti-imperyalista sa ating bayan. Sa paglahok natin sa rebolusyon, inaabante natin ang mga pambansa at demokratikong panawagan ng sambayanan tungo sa tunay na kalayaan at sosyalistang landas.
Makabayang tungkulin natin ngayon na pagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan. Dapat tayo magpatuloy na mag-organisa habang pinapalakas ang Bagong Hukbong Bayan bilang ang anti-imperyalistang hukbo ng sambayanan. Ito ang pinaka mapagpasyang tungkulin sa ngayon ng lahat ng makabayan at patriyotikong Lagunense na nag-aasam ng tunay na paglaya.
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Imperyalismo ibagsak!