Pahayag

Hindi Kaibigan ng Sambayanang Pilipino ang Imperyalistang US

, ,

Mas matamang markahan ang araw na ito bilang 80-taong pag-iral ng huwad na kalayaan sa Pilipinas. Ang deklarasyon ng Hulyo 4 bilang Philippine-American Friendship Day ay naglalantad sa pakana ng mga papet na rehimen na hugasan ang kamay ng US mula sa mga patung-patong na krimen at kalupitan nito sa sambayanang Pilipino simula pa noong 1899-1913 kolonyalisasyon ng US sa bansa hanggang sa kasalukuyang panahong nananatiling neokolonya ng US ang Pilipinas.

Ang kahulugan ng ipokritong ‘pagkakaibigan’ na ito sa kasalukuyang konteksto, ay ang mas masahol na pangangayupapa ng rehimeng Marcos II sa Imperyalismong US. Kabilang ang Pilipinas sa masterplan na Pax Silica Initiative ng US kasama ang 14 pang bansa na naglalayong konsentrahin ang kontrol ng mga estratehikong rekurso at supply chain na kailangan sa produksyon ng mga gamit-pandigma, mga makabagong industriya at mas mauunlad na teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence.

Isinugo ng rehimeng Marcos II ang 1,620 ektaryang lupain sa loob ng New Clark City sa Tarlac na pagtatayuan ng Economic Security Zone o “Golden Node” ng Pax Silica. Magsisilbi itong ekslusibong engklabo para sa mga kumpanyang Amerikano at kaalyado nito na malayang makakapandambong ng yamang-mineral sa bansa. Ito rin ang magsisilbing pook kung saan pinag-iisa ang lahat ng proseso ng produksyon ng mga kagamitang militar ng US.

Ginagawa pang arsenal at palaruang pandigma ng US ang Pilipinas sa balangkas ng Balikatan 2026 na nagpapasok ng mga gamit-pandigma at mga tropa ng Amerika at iba pang bansa para sa pagsasanay sa nagbabadyang inter-imperyalistang gera sa Asya-Pasipiko na kakaladkarin at iipitin ang Pilipinas sa gitna. Dahil dito, lalo pang lumalaki ang presensyang militar ng US sa 9 na EDCA sites at mga sikretong pasilidad nito sa bansa.

Isa pang malinaw na indikasyon nito ang planong pagpapaunlad sa Sangley Point bilang airbase ng US na gagamitin bilang lagakan ng advanced security systems sa paniktik at mga sasakyang himpapawid-militar ng US lalo’t malapit sa South China Sea. Nilagyan lamang ito ng tabing na pagdedebelop bilang komersyal na paliparan sa polisiyang “dual-use” upang hindi sumingaw ang plano sa Tsina.

Galak na galak at mayabang pa nga ang asta ni Marcos, ni Gilbert Teodoro at ng AFP dahil nasa Pilipinas ang amo nitong US. Nauulanan sila ng limpak-limpak na pera, gamit-pandigma maski dayuhang tropa na tuwirang sumasama sa mga operasyong militar sa kanayunan upang paigtingin ang kontra-rebolusyonaryong gera nito laban sa NPA at pakawalan ang pasismo laban sa sambayanan. Kaya aroganteng ipinahayag ng utak-pulburang si Teodoro, sa utos ng US, na tahasang tumanggi sa usapang pangkapayapaan. Ang gubyerno ni Bongbong Marcos at mga kasapakat nito, ang pinaka klarong imahe ng mga sunod-sunurang papet ng US.

Labas-masok pa ang US sa bansa sa pamamagitan ng rehimeng US-Marcos II na responsable sa lalong pagpapatibay ng mga hindi pantay na kasunduan at tratado tulad ng 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), 1998 Visiting Forces Agreement (VFA), 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at Mutual Logistics Service Agreement na nagdadala ng panganib sa bansa. Huwag nating kakalimutan na pagpatay, panggagahasa at iba pang karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao ang idinulot ng mga tropang Amerikano sa mga Pilipino nang walang pananagutan sa bisa ng mga kasunduan at tratadong ito.

Ito ang mga instrumento at makinarya ng US upang mapanatili at higit pang makonsolida ang dominasyon nito sa ekonomya, pulitika, at kultura ng Pilipinas sa pagpapanatili ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema ng lipunang Pilipino. Pumupostura lamang itong kaibigan ng Pilipinas para linlangin ang mamamayan at mapagtakpan ang imbing layunin nitong pigain ang yaman natin hanggang sa matuyo ang mga rekurso ng ating bansa.

Kaya ang araw na ito, ay araw ng kawalan ng tunay na kalayaan. Para mabago ito, kinakailangan nating sagutin ng digmang bayan ang Imperyalistang gera ng US bilang namumukod-tanging landas na magtitiyak ng ganap na paglaya ng bayan. Simula pa 1896, istorikong patunay na armadong pakikibaka lamang ang lalagot sa tanikala ng mga dayuhang nang-aapi at nagsasamantala.

Ang AFP, ang rehimeng US-Marcos II, at ang Imperyalismong US ang mga kaaway ng sambayanan. Ang mga tunay na kaibigan ng sambayanan ay ang magigiting na mamamayang nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Buhayin natin ang patriyotikong paglaban ng sambayanan na tutupok sa paghahari ng Imperyalismong US sa bansa!

Digmang bayan sagot sa Imperyalistang gera ng US!
Sumapi sa NPA!

Hindi Kaibigan ng Sambayanang Pilipino ang Imperyalistang US