Armadong paglaban ng mamamayan, sagot sa pasismo ng estado at gera ng imperyalismong US

, ,

Taas-kamaong binabati ng Melito Glor Command-NPA ST ang magiting na paglaban ng mamamayang Indian sa pinaigting na pasistang pag-atake ng rehimeng Modi sa anyo ng Operation Kagaar. Sinimulang ipatupad noong Enero ang operasyong ito kung saan ang salitang Kagaar ay nangangahulugan ng “katapusan”. Bahagi ito ng Operation SAMADHAN-Prahar—isang estratehikong kontra-insurhensyang kampanyang sinimulan noong 2017 laban sa mamamayang Indian na pinondohan ng imperyalismong US at iba pang monopolyo-kapitalistang kumpanyang naglalaway sa likas-yaman ng bansang India.

Inilunsad ng rehimeng Modi ang operation Kagaar sa hibang na pagnanais na wakasan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian na pinamumunuan ng Communist Party of India-Maoist (CPI-Maoist) at lubusang ibuyangyang ang kanilang bansa sa imperyalistang pandarambong at pagsasamantala. Nakatuon ang operasyon sa malawak na kabundukan at kagubatan ng Central India kung saan matatagpuan ang malalaking deposito ng mga mineral tulad ng iron, copper, ginto, zinc, lead, manganese, chromite at bauxite. Ang mga lugar ding ito ang malawakang pinagkukunan ng mga troso at kinukumbert tungong malalaking plantasyon. Ang nasabing lugar ay bahagi ng lupang ninuno ng mga Adivasi o mga katutubo ng India.

Instrumento ng rehimeng Modi ang 10 libong pwersang militar, paramilitar at mga ispesyal na yunit kontra-insurhensya sa pagsupil sa pakikibaka ng mamamayang Indian. Ipinakat ang mga ito sa 300 kampo-militar kung saan nakadeploy ang 500-2,000 pwersang naaarmasan ng malalakas na baril, tig-dalawang mine-proof na sasakyan at mga war tanks. Ipinakat ang mga kampo-militar mula tatlo hanggang limang kilometrong layo mula sa Bastar na tinukoy ng rehimeng Modi na base ng mga Maoist.

Iisa ang mukha ng pandarambong at pasismo ng mga estadong papet ng imperyalismong US. Tulad ng rehimeng Marcos Jr., kinatatangian ng malawakang pambobomba, maiigting na operasyong militar at extrajudicial killings (EJKs) ang kampanyang panunupil ng rehimeng Modi sa mamamayang Indian na nakikibaka para sa lupa at iba pang mga demokratikong karapatan. Dati pa man, ipinatutupad na ng reaksyunaryong estado ng India ang henosidyo sa mga Adivasi. Hindi na rin mabilang ang kaso ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga Adivasi upang bigyang-daan ang pagpasok ng malalaking korporasyon sa mina, dam at plantasyon. Ibayo pa itong pinatindi ng pasismo laban sa minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan o mas kilala sa tawag na pasismong Brahmanic Hindutva. Sa anim na buwang pananalasa ng Operation Kagaar, naitala ang dagdag pang mga kaso ng brutalidad ng rehimeng Modi kabilang na ang 130 kaso ng EJKs at patumpatong na mga kaso ng walang-patumanggang pamamaril at pambobomba sa komunidad ng mga Adivasi at mamamayang Indian.

Tulad ng palabas ng rehimeng Marcos Jr., pinalalabas din ng rehimeng Modi na ang kalakhan ng mga biktima ng EJKs ay kasapi ng tinatakan nilang “rebeldeng Maoist” at pinalalabas na mga napaslang sa mga engkwentro sa pagitan ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) at mga pwersa ng estado. Kahit ang mga kababaihan at bata ay biktima ng mala-demonyong operasyong ito. Naitala ang pagkamatay ng isang anim-na-buwang gulang na bata dahil sa pagpapaulan ng bala ng mga pwersa ng estado at pagkamatay ng dalawang bata dahil sa pagsabog ng isang bala ng mortar na naiwan ng mga paramilitar sa Bijapur, Chhattisgarh. May naitala ring panggagahasa at pamamaslang sa isang binging babaeng Adivasi sa kaparehong rehiyon. Nito lamang Abril 16, naitala ang pamamaslang ng mga pwersang panseguridad sa 29 Adivasi at pwersang rebolusyonaryo kung saan 15 rito ay mga kababaihan.

Hindi nalalayo ang dinaranas na pagsasamantala at militarisasyon sa mga komunidad ng mga Adivasi sa dinaranas ng mga katutubong Dumagat, Remontado, Manide, Palaw’an, at Mangyan sa rehiyong ST. Tulad ng mga katutubong Dumagat at Remontado sa Rizal, pinalalayas din ang mga Adivasi sa tabing ng mga “proyektong pangkaunlaran” na nagpapahintulot sa pagtatayo ng mga dambuhalang dam. Sistematikong kinakamkam ng pasistang estado ng India ang lupa ng mga Adivasi sa tabing ng mga proyekto para sa wildlife reserves na halos walang pinag-iba sa ginagawang pagpapalayas ng rehimeng Marcos Jr. sa mga katutubong Mangyan para sa proyektong Tamaraw Reservation sa isla ng Mindoro. Sa kaibuturan ng mga proyektong ito, nagtatago ang tunay na layunin ng rehimeng Modi at rehimeng Marcos Jr. na hawanin ang landas para sa pagpasok ng malalaking kumpanya ng mina sa India at Pilipinas. Pangunahing makinarya sa panlilinlang ng estado ang mga institusyong nagkukunwang maka-katutubo tulad ng National Commission Indigenous Peoples upang lasunin ang isip ng mga katutubo at paasahin ang huli sa hatid nitong “kaunlaran”. Ngunit, matagal nang nalantad sa mga katutubo na ang kaunlarang tinutukoy ay para sa naghaharing uri at hindi para sa kanila. Kaya’t dumudulo ang pasistang rehimen sa militarisasyon, red-tagging at sapilitang pagpapasuko sa mga katutubong lumalaban sa mapangwasak na mina tulad ng ginagawa ng rehimeng Marcos Jr. laban sa mga komunidad ng mga katutubong Manide sa hangganang Quezon-Bicol at sa mga Palaw’an sa Timog Palawan na saklaw ng malalaking dayuhang pagmimina. Upang supilin ang paglaban ng mamamayan, hinaharass at sapilitang pinaggigiya sa operasyon ng sundalo, at arbitraryong binobomba at iniistraping ang mga komunidad ng mga katutubo.

Ang karahasan mismo ng estado ang nagtuturo sa mga katutubo ng pangangailangang maglunsad ng armadong paglaban upang maipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na dumarami ang mga katutubong sumusuporta at sumasapi sa NPA sa kabila ng mas pinatinding operasyong militar at psywar na pakete ng ethno-centric approach ng NTF-ELCAC.

Batid ng imperyalismong US na sa pamumuno ng Partido Komunista, maipagtatagumpay ng mamamayan sa mga aping bansa ang kanilang mga pambansa-demokratikong pakikibaka. Kaya naman, tulad ng sa Pilipinas, idineklara rin ng rehimeng Modi na “akto ng terorismo” ang pagsapi sa CPI (Maoist) at ang armadong paglaban ng mamamayang Indian na pinangungunahan ng PLGA. Sa tabing ng “gera kontra-terorismo”, binibigyang-matwid ng imperyalismong US ang walang habas at hindi makataong panunupil sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayan sa mga malapyudal at malakolonyal na mga bansang katulad ng India at Pilipinas. Ngunit tulad ng magiting na paglaban ng NPA dito sa bansa, ubos-kayang binibigo ng mga rebolusyonaryong mandirigma ng PLGA ang mga kampanyang panunupil ng rehimeng Modi at pinangungunahan ang armadong pagtatanggol sa karapatan at lupa ng mamamayang Indian.

Inspirasyon ng mga NPA ang kapangahasan at sakripisyo ng PLGA at mamamayang Adivasi sa paglulunsad ng digmang bayan. Inaatasan ang lahat ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng Melito Glor Command-NPA ST na maglunsad ng matutunog na batayang taktikal na opensiba sa gitna ng tumitinding pasismo ng rehimeng US-Marcos II bilang pagsuporta sa armadong paglaban ng mamamayan ng India at buong masang api! Sa malalim na suporta ng masa, isagawa ang hakbang-pamamarusa sa mga sagadsaring kaaway-sa-uri na nag-ooperate ng mapaminsalang mina, malalaking logging concessionaires at malawakang nangangamkam ng lupa ng mga katutubo at magsasaka.

Dapat na aktibong magdepensa ang lahat ng yunit ng milisyang bayan at mga yunit pananggol-sa-baryo laban sa mga elemento ng militar, pulis, at paramilitar na naghahasik ng teror sa mga baryo. Dahil sa tumitinding pasismo ng mga papet na estado, lalong nagiging malinaw sa mamamayan ang kawastuhan ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM. Nananawagan ang MGC-NPA ST sa lahat ng mabubuting anak ng bayan na tumangan ng armas at sumapi sa NPA! Tanging sa paglulunsad ng pambansa-demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng Partido, ganap na makalalaya ang sambayanang api mula sa pagsasamantala at pasismo ng imperyalismo!###

Armadong paglaban ng mamamayan, sagot sa pasismo ng estado at gera ng imperyalismong US