Statement

ARMAS-BDS: Mabuhay ang ika-52 aniberseryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sugpuin ang pandemya ng pasismo! Lansagin ang pasistang rehimeng US-Duterte!

,

Buong pwersang pinagpupugayan ng Artista at Manunulat ng Sambayanan Balangay Deborah Stoney (ARMAS-BDS) ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ika-52 anibersaryo nito. Tunay ngang kasama ang suporta ng malawak na hanay ng masang-api, hindi magagapi, hindi mapipigilan, at hindi matatalo ang hukbo ng mga mamamayan tungo sa pagpapalaya ng lipunan.

Ngayong panahon ng de facto martial law at militaristang lockdown ni Rodrigo Duterte, naging matindi ang mga pagsubok na kinaharap ng sambayanan bunsod ng pagpapahirap ng rehimen sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakilos ng mga pwersa ng estado sa kalunsuran at kanayunan, pagkakait ng ayuda at batayang serbisyong panlipunan, at lantarang pag-raid, aresto, ay pagpatay sa mga tao, lalo na sa hanay ng mga progresibong grupo at indibidwal.

Sa mga nakaraang linggo, nasaksihan muli ng bayan ang pagkaberdugo ng estado sa pamamaslang ng siyam na lider-aktibista kasabay ng ilegal na pag-aresto sa limang indibidwal sa Timog Katagalugan.

Kagabi lang din ay pinaslang si Ka Dandy Miguel, bise-tagapangulo ng Pagkakaisa ng Manggagawa ng Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU), sa Calamba, Laguna sakay ang kanyang motorsiklo. Mapulang sinasaludo ng ARMAS-BDS ang mga buhay na kinitil ng estado at nakikiramay sa mga yumaong namatayan.

Ang mga pinaslang ng mga pulis at militar ay mga marangal na aktibistang may hangarin para sa tunay na pagbabago ng lipunan, hindi sila mga terorista. Sila lamang ay kaisa sa mga panawagan ng mga mamamayan sa Timog Katagalugan—lupa, sahod, trabaho, karapatan—ngunit pagpatay ang sagot ng estado sa kanila.

Malinaw ang pakay ng rehimen na panatilihin ang kasulukuyang sistemang mapang-api na tuloy-tuluyan nang nabubulok. Sa pamamagitan ng iba’t ibang taktikang kontra-insurhensya, pananakot, at pagpatay, ang mga pwersa ng estado ay nais patahimikin ang kritisismo upang pigilan ang mga tao sa pag-aalsa laban sa naghaharing-uri. Takot at desperado ang estado dahil kinikilala nila ang kakayahan ng mga pormasyon tulad ng mga unyon, kooperatiba, at iba pang mga organisasyon sa pagbabago ng mga patakaran ng mga institusyong kanilang kinabibilangan—upang pawiin ang pagsasamantala.

Ngunit hindi mapipigilan ng rehimeng Duterte ang pagkamulat ng mga tao. Hangga’t may pagsasamantala, pangaabuso, at pagpatay, hinding hindi maiiwasan ang pag-angat ng pulitikal na kamalayan ng masang-api. Sa gabay ng Partidong pinanghahawakan ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, tutunggaliin ng sambayanan ang bawat kontradiksyong tungo sa lipunang walang pagsasamantala.

Sa militaristang lockdown ni Duterte, higit na tumitindi ang mga atake sa mamamayan. Lalong-lalong nagiging lehitimo ang pangangailangang mag-alsa—humihinog ang kalagayan ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Marapat lang na ang bawat artista at manunulat ay makilahok sa pakikibaka at iangat ang diskurso upang isapul at ipaintindi sa masa ang mga ugat ng kahirapan: ang imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Higit nating patalasin ang kamalayan ng ating hanay at ng mga mamamayan upang pagtibayin ang pwersang rebolusyonaryo sa kanayunan. Higit pa sa sining, marapat ding magpasya ang bawat artista at manunulat na tumangan ng armas at mismong makilahok agraryong rebolusyon!

Kabataan, sugpuin ang pandemya ng pasismo! Tutulan ang digmaan sa kultura ng estado! Tumangan ng armas at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte! Sumapi sa BHB!

Ipagdiwang ang ika-52 na anibersaryo ng BHB! Ipagpatuloy ang pakikibaka sa kanayunan para sa ganap na kalayaan ng sambayanan!

VIVA CPP-NPA-NDF!

ARMAS-BDS: Mabuhay ang ika-52 aniberseryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sugpuin ang pandemya ng pasismo! Lansagin ang pasistang rehimeng US-Duterte!