"Bagong Pilipinas" ni Marcos Jr, ilusyon

,

Tulad ng kanyang amang diktador, nais ipinta ni Ferdinand Marcos Jr. na naihatid niya ang buong bansa tungong “kaunlaran” sa ilalim ng hungkag na islogang “Bagong Pilipinas”. Ang katotohanan, walang pagbabago sa Pilipinas dahil nananatiling malakolonyal at malapyudal ang katangian ng lipunan. Ang lipunang ito ay pamalagiang nasa krisis kaya’t patuloy na malulugmok ang bayan sa kumunoy ng kahirapan.

Kagaya ng mga naunang rehimen buhat nang itatag ang papet na republika noong 1946, ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pagpapakatuta sa imperyalismong US. Siya ang punong piyesa ng US upang makakubabaw sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng Pilipinas. Ayon sa disenyo ng US, nakasalig ang ekonomya ng bansa sa pag-iimport ng yaring produkto at pag-eeksport ng mga hilaw na materyales na pangunahing sumasagka sa pambansang industriyalisasyon. Pinasisidhi ni Marcos Jr. ang neoliberal na patakaran na lalong nagpapabansot sa ekonomya ng Pilipinas.

Nais pang ihandog ni Marcos Jr. ang patrimonyang yaman ng bansa sa pagraratsada ng charter change (cha-cha). Wala pa mang cha-cha, nananalasa na ang panghihimasok ng mga mapangwasak na proyektong mina, gayundin ng mga huwad na proyektong pangkaunlaran sa anyo ng magagarbong imprastraktura, eko-turismo at programang renewable energy. Ang mga proyektong ito ang sumasagasa sa lupa ng mga magsasaka kaya nagiging malawakan ang pangangamkam ng lupa sa kanayunan.

Kasabay ng pang-aagaw ng lupa ng malalaking burgesya kumprador-panginoong maylupa (MBK-PML), pakitang-taong ibinabandila ng rehimeng Marcos II ang pekeng programa nito sa lupa na kondonasyon ng mga utang ng mga magsasaka sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Kung tutuusin, walang kwenta ang ipinagyayabang ni Marcos Jr. na “pagpapatawad” ng mga utang ng mga magsasaka dahil sa kabi-kabilang mga maniobra ng mga pamilyang MBK-PML para muling agawin ang lupa mula sa mga magsasaka. Sa Timog Katagalugan, patunay ng kabulukan ng CARP ang rekonsentrasyon ng Hacienda Roxas sa Batangas sa kamay ng sabwatang MBK-PML na Roxas-Leviste at sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka sa Lupang Tartaria, Silang, Cavite ng mga Ayala-Aguinaldo.

Hindi naman maabot ng sahod ng mga manggagawa ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng pagsirit ng implasyon. Napakalayo ng pambansang abereyds ng family living wage na ₱1,207 sa pambansang abereyds na kita ng mga manggagawa na ₱440 (Marso 2024).

Ang kalagayan ng mamamayan ang nagpapasubali sa ipinamamaraling “paglago” ng ekonomya ng Pilipinas na diumano’y 5.7% noong unang kwarto. Patuloy pang tumataas ang utang ng Pilipinas na pumalo sa ₱14.9 trilyon sa katapusan ng 2023. Patuloy ring pinagkakaitan ng batayang serbisyong panlipunan ang mamamayan kagaya ng edukasyon at kalusugan. Hindi nasolusyonan ng rehimeng Marcos II ang 91% learning poverty o karukhaan sa pagkatuto batay sa pananaliksik ng World Bank noong 2021. Inilantad naman ng mga eksperto sa kalusugan na umaabot ng 45% ng gastusing pangkalusugan ng isang pamilya ay binubunot mula sa kanilang mga bulsa habang garapalang kinukurakot ang pondo ng PhilHealth. Maanomalya ang paglipat ng P90 bilyong pondo ng PhilHealth tungo sa National Treasury para sa mga proyekto ng reaksyunaryong gubyerno sa halip na matamasa ng milyun-milyong naghihirap na mamamayan.

Sa gitna ng matinding kahirapan ng mamamayang Pilipino, inilalagay pa ni Marcos Jr. ang kanilang buhay sa balag ng alanganin. Nagpapakasangkapan siya sa plano ng US na maghasik ng gera laban sa China sa Asia Pacific. Sa ilalim ng kanyang rehimen, nadagdagan ang mga base militar ng US na silbing istasyon at imbakan ng mga armas-pandigma lalo ng mga armas nukleyar. Samantala, nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan siya sa pang-aatake ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea at pagnanakaw ng yaman sa saklaw ng exclusive economic zone ng bansa. Kriminal na pagpapabaya sa bayan ang pagpapahintulot ni Marcos Jr. sa tahasang pangyuyurak ng mga ito sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Kapalit nito, inaasahan ni Marcos Jr. ang suporta ng US sa habambuhay na paghahari ng kanilang dinastiya at pag-aabswelto sa mga krimen kagaya ng pagnanakaw ng kabang-yaman ng bayan at kaso ng paglabag sa karapatang tao noong Martial Law.

Ang lahat ng pagkilos ng mamamayan para sa lupa, kabuhayan, karapatan at kasarinlan ay tinatapatan ng pasismo ng estado. Habang pinagkakaitan ang bayan ng kanilang makatarungang kahilingan, binubusog ng rehimeng Marcos II ang reaksyunaryong sandatahang pwersa ng estado upang gamitin para supilin ang mamamayang nakikibaka. Walang puknat na inaatake ng militar at pulis ang mamamayan sa kanayunan at kalunsuran na nagresulta sa pagdami ng paglabag sa karapatang tao kabilang ang pambobomba, panganganyon, pamamaslang, iligal na pang-aaresto, iligal na pagdedetine, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, panggagahasa, sapilitang pagpapalikas, red-tagging, pagbabanta, panghaharas at intimidasyon at iba pa. Lahat nang ito ay isinasakatuparan ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng rehimeng US-Marcos II at NTF-ELCAC na nakabatay sa US counter-insurgency guide.

Hindi dapat matinag ang buong bayan sa terorismo ng estado upang maigiit at maisulong ang kanilang demokratikong karapatan. Ang mga demokratikong kahilingan ng bayan ay isinusulong ng CPP-NPA-NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms bilang kalutasan sa ugat ng kahirapan at armadong tunggalian sa bansa. Sa harap ng kawalan ng kaseryosohan ng reaksyunaryong estado na harapin ang rebolusyonaryong gubyerno sa negosasyong pangkapayapaan, nakahanda ang buong rebolusyonaryong pwersa na ibayong isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba upang itatag ang lipunang tunay na malaya, demokratiko at makatarungan.###

"Bagong Pilipinas" ni Marcos Jr, ilusyon