Bagong tagapagsalita ng NDF-EV, itinalaga
Inianunsyo ng National Democratic Front-Eastern Visayas Media Office ang pagkakatalaga kay Kasamang Celine Manlimbasog bilang bagong tagapagsalita ng NDF-EV.
Ang napiling pangalan ni Ka Celine ay hango sa mga pangalan sa pakikibaka ng dalawang minamahal na bayani ng rebolusyong Pilipino sa rehiyon: sina Helenita “Ka Elay/Ka Celine” Pardalis at Antonio “Ka Manlimbasog/Ka Susing” Cabanatan. Si Pardalis ay dating kalihim ng Panrehiyong Komite habang si Cabanatan ay dating kalihim ng Komisyon sa Visayas at naging kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Panrehiyong Komite sa Eastern Visayas.
Humahalili si Ka Celine kay Fr. Santiago “Ka Sanny” Salas. Ipagpapatuloy ni Ka Celine at ng buong NDF-EV Media Office ang pagpapalaganap sa pambansa-demokratikong suri sa maiinit na isyung pambayan.
Nauna nang itinalaga ang mga bagong tagapagsalita ng panrehiyong balangay ng iba pang alyadong organisasyon ng NDF, kabilang sina Elias Sumuroy ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, Joy Marie del Sol ng Kabataang Makabayan, Lorena Banaag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, at Edgar Sarigan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan.
Bukod sa pagtatalaga ng mga bagong tagapagsalita, muli ring inilathala ng NDF-EV Media Office ang Larab, rebolusyonaryong pangmasang pahayagan sa Eastern Visayas, simula noong Oktubre 25 matapos ang mahigit dalawang taong pagkakahinto. Makukuha ang pinakabagong edisyon ng Larab tuwing Sabado sa PRWC o Philippine Revolution Web Central (philippinerevolution.nu).