Batikusin ang kasinungalingan ni Marcos na naaresto ng pulis ang isang kumander ng BHB
Mahigpit naming tinutuligsa ang rehimeng Marcos at ang mga upisyal nito sa pulis sa bulaang pahayag noong Linggo na ang isang matandang lalaking inaresto nila noong Disyembre 7 sa Olongapo City ay si Prudencio Calubid, isang dating kumander ng Bagong Hukbong Bayan, na dinukot ng mga ahente ng militar halos dalawampung taon na ang nakaraan. Kinukundena namin ang pag-aresto sa hindi kilalang matandang lalaki na pinalalabas ng pulis na si Calubid.
Sa katunayan, si Calubid ay dinukot at winala ng mga ahente ng militar noong 2006. Kasama niyang dinukot ang kanyang asawa na si Celina Palma, sina Ariel Beloy, Antonio Lacno at ang kaniyang pamangkin na si Gloria Soco. Ang kanilang sasakyan ay hinarang sa isang ligaw na bahagi ng haywey sa Sipocot, Camarines Sur habang bumibiyahe patimog. Nakita ng isang saksi kung paano sila pinosasan, piniringan, at pwersahang ipinasok sa iba’t ibang sasakyan.
Tahasang kasinungalingan ang maling ulat na binigyan ng publisidad ng Philippine National Police (PNP). Malinaw na motibo nito ang makuha ang ₱7.8 milyong ipinatong ng militar at pulis sa ulo ni Calubid. Ang paghahabi ng kasinungalingang ito ay bahagi rin ng koordinadong opensibang PR ng rehimeng Marcos upang desperadong lumikha ng larawan na sila ay ganap na nagtatagumpay sa paggupo sa armadong paglaban ng bayan.
Ang pahayag ng PNP ay naglalayong hugasan ang kamay ng Armed Forces of the Philippines sa krimen ng pagdukot at pagwala kay Calubid at sa Sipocot 5. Isa itong malaking insulto at pagkutya sa halos dalawang dekada nang paghahanap ng hustisya ng mga pamilya at ang kanilang pakikibaka na hanapin ang kanilang nawawalang mga mahal sa buhay.