Burukratang kapitalismo, katiwalian at krimen sa ilalim nina Duterte at Marcos
Download here: PDF
Ang hidwaan sa pagitan ng magkaribal na reaksyunaryong pangkating Marcos at Duterte, na kapwa matingkad na kumakatawan sa tiwali at kriminal na naghaharing uri, ay lalong naging mabalasik at mabilis na tumitindi. Nagmumula ang tunggalian sa walang-tugot na paghahabol ng pangkating Marcos na monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika, habang nais namang ibalik at panatilihin ng pangkating Duterte ang dati nitong kapangyarihang pampulitika. Ang mga kontradiksyong ito ay tumitindi habang papalapit ang 2025 eleksyong midterm.
Ang sumusunod ang mahahalagang pangyayaring bahagi ng namumuong sitwasyong pampulitika:
a) Sa mahigit sampung araw, tinipon ng rehimeng Marcos ang ilanlibong pwersang pulis at militar sa Davao City. Kinubkob nila ang pribadong ala-relihiyosong lugar ng alipures at tau-tauhan ni Duterte na si Apollo Quiboloy para arestuhin siya at paharapin sa mga kaso ng human trafficking, sexual exploitation at child abuse. Tinangka pa ni Duterte at ng mga kasapakat niya, kabilang ang anak niyang si Vice President Sara Duterte, at mga senador na sina Bato dela Rosa, Bong Go at Robin Padilla, na iligaw ang mga pulis sa hangaring protektahan si Quiboloy mula sa pag-aresto.
b) Bago ito, napauwi at inaresto rin ng rehimeng Marcos si Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac. Tumakas siya sa Indonesia upang maiwasang tumestigo sa Senado kung saan inilalarawan siya na bahagi ng lambat ng operasyon ng mga sindikatong kriminal na Chinese sa Pilipinas. Sinisikap bigyang-akomodasyon ng rehimeng Marcos si Guo upang himuking ibunyag niya ang mga operasyon ng Chinese mafia at iugnay ang mga ito sa pangkating Duterte.
c) Si Sara Duterte, na nagbitiw noong Hunyo bilang kalihim ng edukasyon, ay umastang mapanlaban nang humarap siya sa House Committee on Appropriations. Sinawata niya ang mga tanong tungkol sa kanyang kaduda-dudang paggamit ng daan-daang milyong piso sa “intelligence funds.” Nahaharap siya ngayon sa posibilidad na ma-impeach sa pwesto. Tumanggi siyang humarap sa pangalawang pagkakataon, na animo’y pag-udyok sa Kongresong hawak ni Marcos na kaltasan ang kanyang badyet.
d) Iniimbestigahan ng tinaguriang Quad committee ng House of Representatives nitong mga nakaraang linggo ang maramihang pagpatay noong “war on drugs” sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ilang dating upisyal ni Duterte ang nagbigay ng testimonya na nagtuturo kay Duterte at sa kanyang pinakamalalapit na kasapakat na tuwirang responsable sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang.
Ipinakikita ng mga pangyayaring ito ang mabilis na nahihinog na mga kontradiksyon sa pagitan ng mga pangkating Marcos at Duterte. Malalaman pa kung hahantong ang mga ito sa pagbibigay daan ni Marcos sa pag-aresto kay Duterte upang litisin sa harap ng International Criminal Court kung saan kinasuhan siya ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Kung titingnan ang malawakang operasyon ng pulis at militar laban kay Quiboloy, masasabing sukatan iyon ng kahandaan ng naghaharing pangkating Marcos na gamitin ang armadong lakas upang durugin ang pampulitikang makinarya ng mga karibal nito. Siyempre, hindi ito hahayaan ng pangkating Duterte, at malamang gagamitin ang lahat ng hawak nitong rekurso upang ipagtanggol ang mga interes nito sa pulitika at ekonomya.
Anupaman, maaari pa ring humantong ang hidwaang ito ng mga paksyon sa pagsiklab ng armadong dahas na posibleng yumugyog sa katatagan ng naghaharing rehimeng Marcos, o kaya ay humantong sa higit pa nitong konsolidasyon at monopolisasyon ng kapangyarihang pampulitika. Ang konsolidasyon ng naghaharing pangkating Marcos, sa kabilang banda, ay tiyak magbubunsod ng bagong mga kontradiksyon ng iba’t ibang paksyon ng mga naghaharing uri, gayundin ng magkakaribal na burukratang kapitalistang interes sa loob ng naghaharing pangkating Marcos. Ngayon pa lamang, abala nang naghahanda ang imperyalismong US ng kanilang mga reserbang kabayo na mga grupong pampulitika na binubuo ng mga dating upisyal ng militar at mga grupong antikomunista, na gumagamit ng islogang “malinis na pamamahala” na tumatanaw na palitan ang pangkating Marcos sa 2028.
Anuman ang kaso, ipinakikita ng sitwasyon ang nagpapatuloy na krisis ng naghaharing sistema na lubusang naglalantad sa sarili na naghihingalo at bulok hanggang sa kaibuturan, na pinamumunuan ng mga burukratang kapitalistang nagpapakasasa sa korapsyon at kriminalidad.
Patuloy na naghahatid ang krisis ng naghaharing sistema ng matinding pagdurusa sa mayorya ng sambayanang Pilipino. Habang hinihingi nilang usigin at parusahan si Duterte at ang kanyang kasapakat sa lahat ng kanilang mga krimen, lubos nilang nalalamang hindi nagbago sa saligan ang sistema sa ilalim ni Marcos, maliban sa mukha ng mga taong humahawak ngayon sa renda ng kapangyarihan, na walang kabusugan ang burukrata-kapitalistang katakawan.
Sa harap ng bagong antas ng korapsyon, bumibilis na pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan, pagtaas ng presyo, pagdausdos ng antas ng pamumuhay ng mga tao, at mas masasahol pang anyo ng mga pasistang barbaridad na suportado ng US, lalong naging mahalaga at kagyat ngayon ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.
Krimen at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Duterte
Hinuhubaran ng ginagawang pagsisiyasat at paglalantad sa kongreso at senado ang matinding pagkabulok ng naghaharing sistema. Kahit ginagamit lamang ng ilang pulitiko at payaso sa pagpapansin at pag-abuso sa poder, nailalantad ng mga pagdinig na ito paanong naghalo ang burukrata-kapitalismo at operasyong kriminal, at kung paanong kumakamkam ang mga reaksyunaryo sa kapangyarihan ng malaking halaga ng pera mula sa kalakalan ng iligal na droga at iba pang kabuktutan.
Dahil pinaghaharian ng mga kampon at alipures ni Marcos kapwa ang Senado at Mababang Kapulungan, ang mga pagdinig ay nakatuon sa paglalantad ng direktang pagkakasangkot ni Duterte at ng kanyang mga kasamahan sa ilampung libong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang na ginawa ng mga pulis at kriminal na elemento sa panahon ng huwad na gera kontra droga ng kanyang rehimen. Inilalantad din sa mga pagdinig na ito ang kanyang ugnay sa mga sindikatong kriminal na nakabase sa ibang bansa na sangkot sa tinatawag na operasyong “POGO,” na biglang dumami noong panahong nakaupo si Duterte sa Malacañang.
Kinukumpira ng mga impormasyong ito na nalalantad ngayon sa publiko ang matagal nang paniniwala ng sambayanang Pilipino: na huwad ang tinatawag na drug war ni Duterte at malaking panlilinlang ang kanyang anti-drogang retorika na ang tunay na pakay ay maghari bilang drug megalord. Sa panahon niya, ginamit ni Duterte ang pulis at militar upang tapusin ang lokal na mga gumagawa ng droga upang imonopolyo niya ang suplay ng droga, paburan ang mga drug lord na lumuhod sa kanya at magbabayad sa kanyang proteksyon, at parusahan ang mga tumanggi. Ginamit niya sa pulitika ang huwad na gera kontra droga sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga karibal sa pulitika sa droga upang gawin silang mga target ng pagpatay, at ginamit ang pulitika upang palawakin ang kanyang imperyong kriminal.
Nakipagsabwatan si Duterte at ang kanyang mga kasapakat sa mga sindikatong kriminal mula China na may kontrol din sa mga “gaming operations” na nagsilbing panabing sa online scamming, prostitusyon at iba pang kasuklam-suklam na aktibidad. Sa proteksyon ni Duterte, parang kabuteng naglitawan ang mga “POGO hubs” at mga iligal nitong operasyon. Ang mga kriminal na sindikato na ito ay karugtong din ng operasyon ng malalaking negosyo na sangkot sa pangangamkam ng lupa, human trafficking at pang-aalipin, smuggling, iligal na pagmimina, malawakang mga reklamasyon at iba pa. Nakinabang sila sa mga kontrata ng gubyerno na nagbibigay sa kanila ng tabing ng pagiging lehitimo.
Ang lumalabas na nagkukumpirmang impormasyon ay nagtuturo sa tuwirang personal na pananagutan ni Rodrigo Duterte at ng kanyang mga kasapakat sa pagpatay at iba pang mga krimen. Pinalalakas nito ang paninindigan ng sambayanang Pilipino na panagutin si Duterte, gayundin ang dating hepe ng pulisya na sina Bato dela Rosa, Bong Go at iba pang kasabwat, sa hindi mabilang na krimen sa ilalim ng kanilang pamumuno. Ang mga krimeng ito ay ginawa sa panahon ng kanyang huwad na gera sa droga, gayundin sa antikomunistang kampanya ng pampulitikang panunupil laban sa makabayan at demokratikong kilusang masa, at sa kontrarebolusyonaryong digmaan ng panunupil.
Krimen at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos
Ang mismong rehimeng Marcos, na iniluklok sa pamamagitan ng gawa-gawang “landslide victory” noong 2022 elections, ang pinakamalaking produkto ng empresang kriminal at burukrata-kapitalista ni Duterte. Tulad ng huwad na gera kontra droga, panloloko ang Marcos-Duterte “uni-team” noong 2022. Gayunman, gumuho kaagad ang pagkukunwaring pagkakaisang ito pagkaraan lamang ng isang taon dahil ang kasakiman sa kayamanan at kapangyarihan ng magkabilang panig ay walang kabusugan at hindi pantay na mapagbibigyan sa gitna ng krisis ng naghaharing sistema at ang pagliit ng pakinabang na mapaghahatian.
Mula noong ikalawang hati ng 2023, naging palaaway na sa isa’t isa ang mga pangkat nina Marcos at Duterte. Ang gusto ni Duterte ay pangalagaan ang kanyang impluwensyang militar at pulitika, interes sa ekonomya at operasyong kriminal, habang itinulak naman ni Marcos na konsolidahin, palawakin at imonopolyo ang kapangyarihang pampulitika at ekonomya. Sa mabilis na pagguho ng kanyang impluwensya at kapangyarihan, naging mas tahasang antagonistiko si Duterte at ginamit ang hawak niyang rekurso para tangkaing maglunsad ng mga kudeta at pag-aalsa.
Ang mga pangunahing upisyal ng militar at pulisya ni Duterte ay hinirang ni Marcos sa mahahalagang posisyon sa gubyerno, ngunit kalaunan ay sisipain at papalitan ng mga kaalyado at loyalista ni Marcos. Nagkunwari si Marcos na pinaunlakan ang anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte, na hinirang bilang kalihim ng Department of Education (bagaman ang gusto sana niya noong simula ay Department of Defense), at magbigay ng daan-daang milyong piso ng “confidential funds” kapwa bilang bise presidente at kalihim sa edukasyon.
Sa harap ng pampublikong pagtuligsa sa pekeng gera sa droga ni Duterte, dumistansya dito si Marcos sa pagsasabing “hindi madugo” ang gera kontra droga ng kanyang rehimen. Sa katunayan, patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong pinapatay ng mga pulis at vigilante, ayon sa mga nagbabantay sa balita. Pinakilos ni Marcos ang kanyang mga tauhan upang kunin ang kontrol sa kalakalan ng iligal na droga sa Pilipinas, na dahan-dahang lumipat mula sa isang internasyonal na kartel patungo sa iba, mula sa sindikato ng droga ng China patungo sa kartel ng droga ng US-Mexico Sinaloa, na may smuggling na dumadaan sa Clark Air Base.
Nang maluklok sa poder, nakuha ni Marcos ang suporta ng US sa pagpayag nitong magpalawak ang US ng presensyang militar nito, dagdagan ang mga base militar, at patibayin ang Pilipinas bilang kuta sa estratehikong plano nito na “pigilan” ang paglawak ng impluwensyang pang-ekonomya at militar ng China. Kasunod ng mga layunin ng US, kinansela ni Marcos ang mga kontrata ng gubyerno na pinondohan ng China para sa mga proyektong pang-imprastraktura kabilang ang ₱142 bilyong South Long-Haul railway project, ang ₱82-bilyong Mindanao railway project, at ang ₱51-bilyong Subic-Clark railway project, na pawang kinontrata ni Duterte sa pangako ng malaking halaga ng mga kikbak. Binigyang-katiyak si Marcos ng Japanese Import-Export Bank at World Bank na tutustusan ang mga proyektong iyon na may posibilidad na maibulsa ang mga kikbak para sa kanyang sarili.
Lumala ang katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos kung saan kinokontrol ni Marcos ang bilyun-bilyong piso ng “confidential and intelligence funds” na hindi tinutuos ng publiko, at iba pang “unprogrammed funds.” Noong nakaraang taon, gumastos si Marcos nang hindi bababa sa 1 bilyong piso para sa mga paglalakbay sa ibang bansa, jet-setting sa iba’t ibang bansa sa pagdadahilang para ito sa “pag-imbita ng mga dayuhang mamumuhunan.” Sa gitna ng malawakang kahirapan at kagutuman, si Marcos at ang kanyang pamilya ay namumuhay nang marangya, na gumagastos ng daan-daang milyong piso sa pribadong mga piging at konsiyerto. Nasa kamay niya ang ₱550-bilyong Maharlika Investment Fund na ginagamit upang paboran ang mga kaibigan sa negosyo kapalit ng mga pabor sa pulitika. Ang mga kontrata ng gubyerno ay napupunta sa mga kroni ni Marcos tulad nina Ramon Ang, Enrique Razon, mga Aboitiz, pamilyang Villar at iba pa, na tumatabo ng bilyun-bilyong piso mula sa tinatawag na public-private partnerships.
Magkakasunod na nabasura mula 2022 ang limang malalaking kasong kriminal na kinasasangkutan ng hindi bababa sa ₱202.1 bilyon laban sa mga Marcos na nagmula sa pandarambong at akumulasyon ng iligal na yaman sa ilalim ng diktadurang Marcos noong 1972-1986 (wala pa sa kalingkingan nito ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara ill-gotten ng mga Marcos ang 57-ektaryang Paoay estate sa Laoag.)
Ang burukratang kapitalismo ay nagdudulot ng hindi matutumbasang pagdurusa sa sambayanang Pilipino
Ang reaksyunaryong gubyerno ng mga naghaharing uri ng malalaking burges kumprador at malalaking panginoong maylupa ay pinamamahalaan ng mga burukratang kapitalista na gumagamit ng malawak na kapangyarihan ng estado upang paglingkuran ang interes ng kanilang mga imperyalistang panginoon, ang kanilang makauring interes, sa pangkalahatan, at ang pang-ekonomya at pampulitikang interes ng naghaharing paksyon, at ang kanilang mga dinastiko, pampamilya o personal na interes, sa partikular.
Ang mga burukratang ito, lalo na ang mga matataas na upisyal ng gubyerno, ay mga kapitalista dahil pinapatakbo nila ang estado bilang isang negosyong para sa tubo, o kaya’y ginagamit ang estado upang kumita ng malaking halaga para sa kanilang mga negosyo. Nakakakuha sila ng mga kikbak mula sa mga kontrata ng gubyerno o nanunuhol ng pera para sa pagbibigay ng mga pabor o proteksyon sa mga iligal na aktibidad. Ang pinakaasahol sa mga burukratang kapitalistang ito ay nandarambong sa daan-daang milyon o bilyun-bilyong piso at itinatago ang salapi sa kanilang mga bank account sa ibang bansa o iba pang anyo ng mga ari-arian. May malalaking burges na kumprador at malalaking panginoong maylupa na naging mga burukratang kapitalista rin, na tusong gumagamit ng kapangyarihang ekehutibo at lehislatibo upang paboran ang pagpapalawak ng kanilang mga imperyong pang-ekonomya.
Laluna simula 1986, bumuo ang mga reaksyunaryo ng paparaming partidong pampulitika na sumasalamin sa kanilang pagkakawatak-watak, kadalasan nagbubuo ng bago ang nangingibabaw o naghaharing pangkat. Mula sa dating Nacionalista Party at Liberal Party, inorganisa nila ang mga partido tulad ng PDP-Laban, People Power Party, Pwersa ng Masang Pilipino, Lakas-CMD, at ngayon ay Partido Federal at iba pa. Sa esensya, walang pinag-iba sa isa’t isa ang mga partidong ito ng naghaharing uri.
Pare-pareho ang lahat ng partidong ito sa pangangayupapa sa mga dayuhang kapangyarihang pang-ekonomya at pang-militar, mga patakarang pang-ekonomya ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon at pagpapanatili ng tabing ng demokrasya, kahit pa nagsisikuhan ang mga ito para makakuha ng mas malaking bahagi sa burukrata kapitalistang pakinabang. Lumulukso ang mga reaksyunaryong pulitiko mula sa isang partido patungo sa kabila, na singdali ng pagpapalit ng damit. Tulad ng sinabi ni Estrada, “weather, weather lang yan.”
Inaapi ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng burukratang kapitalistang estado. Labis-labis ang pasan nilang mabibigat na buwis at hindi mabilang na mga bayarin at imposisyon, ngunit hindi nakakukuha ng sapat para sa pangangalagang pangkalusugan, libreng edukasyon, libreng pampublikong pabahay, o mga subsidyo para sa produksyon, disempleyo, mga pampublikong utility at iba pang serbisyong pampubliko na dapat tinitiyak ng estado. Sa halip, ang mga ito ay isinapribado, ginawang komersyalisado at pinatatakbo para sa tubo, kaya ang nangyayayari’y patung-patong ang bayad ng mga tao, o pinagkakaitan sila ng akses sa gayong mahahalagang yutiliti at serbisyo.
Nagpapakasasa sa karangayaan ang malalaking burukratang kapitalista habang lubos ang pagwawalang-bahala sa kahirapan at kagutumang nakapaligid sa kanila. Inilalarawan nila ang kanilang sarili bilang naglilingkod sa mahihirap sa pamamagitan ng pamimigay ng mga grocery bag sa panahon ng kalamidad o sa panahon ng halalan, na ganap na binabalewala ang napakalinaw na ugat ng pagdurusa ng mga tao, at tinatakpan ang katotohanan na sila mismo ang may pananagutan sa pagsasadlak sa masa sa mga kalamidad.
Sa labas lamang ng bakod ng kanilang mga subdibisyon, dumaranas ang karamihan sa mga Pilipino ng matinding gutom at pagdurusa, habang mas marami pa ang nasa bingit ng kahirapan. Dinaranas nila ang kawalan ng lupa, napakababang sahod, kawalan ng kita, malawakang kawalan ng trabaho, pagkakait ng kabuhayan, at pagsirit ng presyo ng mga kalakal at serbisyo. Mabilis na bumubulusok ang antas ng pamumuhay ng malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado at petiburgesya, habang kumakamkam ng palaki nang palaking yaman ang mga naghaharing uri at mga burukratang kapitalista.
Kapag ang mga tao ay nag-oorganisa at nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan at kagalingan, ang mga burukratang kapitalista ay gumagamit ng mapaniil na mga instrumento ng estado upang isagawa ang pampulitikang panggigipit at pasistang panunupil. Ang burukratang kapitalismo ang panlipunan at pang-ekonomyang batayan ng pasismo. Itinututok ng mga pwersang militar at pulis ang kanilang mga baril sa mga tao at walang pag-aalinlangan na kinakalabit ang gatilyo oras na may tumatayo at lumalaban. Ang mga upisyal ng militar at pulis mismo ay mga burukratang kapitalista na nagbubulsa ng perang kinotong sa mga tao.
Ang rehimeng Marcos ay kasalukuyang pinakakonsentradong mukha ng estadong burukratang kapitalista, pasista at neokolonyal. Binibigyang-diin ng lumalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala at ang malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko sa ilalim ng rehimeng Marcos ang pangangailangan at kakagyatan ng paglaban ng sambayanang Pilipino upang wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, at wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema.
Determinadong lumaban nang buong lakas ang mga demokratiko, progresibo at rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino na lubusang batid na walang hinaharap sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema. Ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay dapat pukawin, iorganisa at pakilusin sa landas ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Dapat itayo ang isang malawak na nagkakaisang prente para pakilusin ang lahat ng pwersang anti-pasista at demokratiko upang ilantad, ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Marcos at mga mga kontra-rebolusyonaryong sabit dito. Ang pambansa-demokratikong mga pwersa ang matatag at determinadong ubod at taliba ng anti-pasistang nagkakaisang prente.
Walang anupamang tindi ng pasistang panunupil ang makagugupo sa kapasyahan ng sambayanang Pilipino na labananan ang mga mapang-api at mapagsamantala. Dapat patuloy nilang ipundar ang kanilang organisadong lakas at isulong ang lahat ng anyo ng pangmasang pakikibaka mula sa mga welga hanggang sa mga demonstrasyon sa lansangan. Dapat isulong nila ang mga rebolusyonaryong aksyon, pangunahing sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa anyo ng matagalang digmang bayan, na may estratehikong layunin na agawin ang pampulitikang kapangyarihan at itatag ang demokratikong gubyernong bayan.