Dagdag problema, hindi solusyon ang dala ng pakulong price ceiling ng rehimeng US-Marcos Jr

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dagdag problema at hindi solusyon ang dala ng pinakabagong Executive Order 39 ni Marcos Jr. na nagtatakda ng price ceiling para sa bigas. Pinagbabangga ng naturang atas ang interes ng mga magsasaka para sa makatarungang presyo sa kanilang ani, maliliit na trader para sa kanilang paninda at ng mga konsyumer para sa murang bigas habang pinananatili ang pamamayagpag ng mga kartel. Dahil sapilitang ibababa ang presyo ng bigas nang walang mga istruktural na pagbabago sa sistema ng pagsasaka at merkado, tiyak na lalong babaratin ang mga magsasaka. Magkakandalugi rin ang maliliit na trader at retailer na kumukuha lamang ng suplay mula sa mas malalaking suplayer. Samantala, walang anumang probisyong tumitiyak sa pagtatanggal ng kontrol ng mga kartel sa suplay at distribusyon ng palay. Sa huli, talo na naman ang masa.

Ang kontra-maralita at tila hindi pinag-isipang atas na ito ay repleksyon ng sadyang pagtalikod ng reaksyunaryong estadong mula sa pagsolusyon sa mga problema ng sambayanan. Kung tutuusin, napakasimple ng mga hakbanging dapat sana ay ipatupad nito para mapababa ang presyo ng bigas habang pinuprotektahan ang kita ng mga magsasaka at maliliit na manininda. Pangunahin dito ang pagpapataas sa kakayahan ng mga magsasakang magtanim at umani ng mas malaking bolyum ng palay sa mas mababang halaga. Kakumbina nito ang pagbasura sa lahat ng batas na nagtanggal ng kontrol ng gubyerno sa regulasyon ng suplay at distribusyon ng bigas tulad ng Rice Tariffication Law na nagpaalagwa sa mga kartel. Syempre pa, mahalaga ring pataasin ang kakayahan ng masa na bumili sa pamamagitan ng umento sa sahod tungo sa nakabubuhay na halaga. Kung bibilhin ng gubyerno sa makatarungang halaga ang palay ng mga magsasaka at ibebenta ito sa subsidized na presyo sa pamilihan, bababa ang presyo ng bigas nang hindi naisasapanganib ang kabuhayan ng mga maralita. Ngunit sa huli, hindi nakapagtatakang ayaw itong gawin ng rehimeng US-Marcos Jr. dahil taliwas ito sa interes ng pinagsisilbihang lokal na naghaharing-uri at mga imperyalista.

Sinasadya ng rehimeng gipitin at pigain nang husto ang mga magsasaka upang maitulak ang pagpapaloob ng sistema ng pagsasaka ng palay sa kapitalistang sistema ng produksyon sa pamamagitan ng mga corporate farms at megafarms. Matagal nang pinaglalawayan ng mga kapitalista ang malalawak na agrikultural na lupain ng bansa. Sa korporatisasyon at pribatisasyon ng lupa, lalong makahuhuthot ng mas malaking tubo ang mga dambuhalang negosyante habang matatali ang mga magsasaka sa mapagsamantalang sistemang sahuran. Matatakasan ng gubyerno ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at sa halip ay ipipihit ang reporma sa lupa tungo sa mas agresibong kumbersyon nito pabor sa kagustuhan ng iilang lokal at dayuhang naghaharing-uri.

Sa gitna ng napakatinding sosyoekonomikong krisis at mga kontra-mamamayang `solusyon’ ng rehimeng US-Marcos Jr., walang ibang maaasahan ang sambayanang Pilipino kundi ang sarili nitong lakas. Marapat lamang na magkaisa ang taumbayan at igiit ang mga kongkretong hakbanging tunay na magsisilbi sa kanilang interes at hindi magsasapeligro ng kanilang mga kabuhayan at kinabukasan.

Dagdag problema, hindi solusyon ang dala ng pakulong price ceiling ng rehimeng US-Marcos Jr