Dakilain ang buhay na buong giting na inalay nina Jomari "Ka Jonnel" Palomar at Ising "Ka Mutya" Domingo sa sambayanan! Isulong at ipagtagumpay ang digmang bayan! Kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng teroristang estado!
Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay ng Lucio de Guzman Command (LDGC)-BHB Mindoro kina Jomari “Ka Jonnel” Palomar at Ising “Ka Mutya” Domingo—mabubuting anak ng bayan, mga Pulang mandirigma at tunay na hukbo ng uring magsasaka, bayani ng mamamayang Mindoreño at lahat ng masang aping Pilipino. Ang pagpaparangal sa buhay na inialay nila para sa masa ay panunumpa rin ng ating panata na patuloy na isulong sa mas mataas na antas ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tanging sa mahigpit na paghawak at paggamit sa ating armas sa paglaban at pagdurog sa kaaway mabibigyang hustisya ang pataksil na pagpatay kina Ka Jonnel at Ka Mutya at lahat ng paglapastangan ng rehimeng US-Marcos gamit ang berdugong AFP-PNP sa masang api.
Si Ka Mutya ay hindi armado at nag-iisa nang hulihin ng mga tropa ng 1st Infantry Battallion (IB) bandang ala-una ng hapon noong Agosto 7, 2025 sa Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro. Nasa proseso siya ng pagkuha ng tubig habang nakapwesto ang kanyang yunit sa kanilang gawaing pagsisiyasat sa kalagayan ng mga magsasaka sa baryo. Si Ka Jonnel naman ay magiting na ginampanan ang tungkuling hanapin ang di bumabalik na si Ka Mutya ilang oras matapos na umalis upang umigib ng tubig. Nagawa ni Ka Jonnel na lihim na makadikit sa isang kolum ng kaaway at maunang makapamutok gamit ang pistola laban sa mga ito. Tinamaan siya at namartir sa proseso ng magiting na pakikipaglaban. Dahil sa tinamong pinsala ng kaaway laban sa nag-iisang si Ka Jonnel, makahayop na tinortyur at matapos hindi makumbinsing magbigay ng impormasyon at makipagtulungan sa kanila, pinaslang ng mga ito si Ka Mutya na kanilang nauna ng nahuli ng buhay at malinaw na nasa katayuang hors de combat.
Kung susundin ng 1st IBPA at 203rd Bde ang internasyunal na makataong batas (International Humanitarian Law-IHL), tungkulin nila bilang armadong pwersang nakahuli kina Ka Jonnel at Ka Mutya na tiyakin ang kaligtasan ng mga bihag na nasa kanila nang pangangalaga. Mahigpit ding ipinagbabawal ang anumang pisikal o mental na pagpapahirap. Nilabag ng 1st IBPA at 203rd Bde ang alituntuning ito sa ginawa nila kay Ka Mutya.
Walang hanggan ang galit at pagkundena ng masang aping pinaglingkuran nila Ka Jonnel at Ka Mutya at buong rebolusyonaryong kilusan sa barbarikong pagpatay ng mga pasistang sundalo ng 1st IB sa isang mandirigma. May tuwirang pananagutan dito ang mga kumander ng 1st IB, 203rd Infantry Brigade at commander-in-chief ng AFP na si Ferdinand Marcos Jr. Marapat na mailantad at batikusin si Marcos Jr. at ang buong AFP sa pagpapatupad ng patakarang “take no prisoners” (“huwag nang mambihag”) sa madugong gera nila laban sa rebolusyon at sambayanang Pilipino.
Inilalantad ngayon ng 1st IB na wala ni katiting na interes o kakayahan ang AFP na igalang o ipatupad ang karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Inilalantad ng AFP ang sagad sa pagiging pasista at kabulukang nanunuot sa kanilang mga pwersa at sa digmang inilulunsad nila. Lalo nitong napapatunayan ang katwiran at kawastuhan ng pag-aarmas laban sa mga reaksyunaryong gubyerno upang magtanggol laban sa pang-aapi nito, ng pagsusulong ng armadong rebolusyon para makamit ang tunay na katarungan at kapayapaan. At kung gayon, masasabi nating hindi kailanman masasayang ang buhay na buong giting na inialay nila Ka Jonnel at Ka Mutya sa demokratikong rebolusyon ng masang api.
Si Ka Jonnel, 26 taong gulang, ay nagmula sa pamilya ng mga maralitang magsasaka mula sa Kabisayaan na lumipat sa Mindoro dala ng kahirapan at kawalan ng kabuhayan. Sa loob ng halos isang dekada pinanday ni Ka Jonnel ang sarili bilang Pulang mandirigma at kadre ng Partido. Bilang Pulang mandirigma, katangian ni Ka Jonnel ang pagtanggap nang walang pag-aatubili sa anumang atas at gawain. Ilang ulit na ring pinatunayan ni Ka Jonnel ang katapangan sa pagharap sa kaaway at ang di natitinag na paninindigan sa gitna ng pinakagipit na mga kalagayan. Isang kadreng pulitiko-militar din si Ka Jonnel. Isa sa mga kalakasan niya ang gawaing ekspansyon. Sa katunayan, nitong huling mga buwan, gumampan si Ka Jonnel ng breyktru at napakahalagang papel sa pag-ugnay sa mga bago at nirereaktibang masa, pagtuklas ng bagong mga ruta at himpilan at pag-konsolida sa baseng masa sa panahong sumasagipsip ang psywar ng kaaway. Dahil dito, inabot ni Ka Jonnel ang antas bilang kadreng panlarangan sa Partido at may kakayahang magdala ng iskwad. Palagiang mapangahas na pinatutupad at inaaral ni Ka Jonnel ang mga tungkuling ibinigay sa kanya ng Partido. Patunay sa epektibong pag-organisa at pagpapakilos ni Ka Jonnel sa masa ang pagkilala ng masa sa kanyang pamumuno at ang maya’t mayang pangangamusta at paghahanap sa kanya ng masa.
Si Ka Mutya, nasa 30 taong gulang, ay isang bagong pultaym na mandirigma mula sa hanay ng mga katutubong Mangyan-Hanunuo sa Barangay Paclolo, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bagamat baguhan, nagpakita na si Ka Mutya ng matibay na paninindigan para sa rebolusyon at para sa kapwa niya katutubo. Dati nang biktima ng sapilitan at iligal na pagpapasuko ng mga pasistang sundalo si Ka Mutya. Matapos mapilitang sumuko, ginawa siyang utusan ng mga pasista, pinagtrabaho siya sa palaisdaan nang walang sahod sa loob ng isang buwan at maya’t mayang binubugbog. Dati na siyang sumampa sa NPA noong 2018, kaya naman noong mabalikan ng yunit ng BHB ang kanilang erya, mulat at aktibo siyang tagapagtaguyod ng yunit. Naging mahigpit siyang katuwang para balikan ang mga masa at eryang pansamantalang naiwanan. Napatunayan nyang sa Bagong Hukbong Bayan magiging makabuluhan ang kanyang buhay at dito niya makakamit ang katarungang matagal ng ipinagkait sa kanya ng mapang aping sistema. Kaya naman, muli siyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Gumampan si Ka Mutya bilang upisyal sa lohistika ng iskwad na kinabibilangan at naging malaking katuwang sa pag-sarbey at pag-aaral ng tereyn at mga eryang kabisado niya.
Hamon at inspirasyon, laluna sa mga kabataang magsasaka at katutubo, ang pagkamartir nila Ka Jonnel at Ka Mutya. Pinatutunayan ng kanilang buhay at pakikibaka na sadyang ang lugar ng masang anakpawis—laluna ng mga magsasaka at katutubo na silang pinakaapi sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan—ay ang demokratikong rebolusyong bayan. Pinatunayan ng kanilang karanasan na nagpapatuloy ang pagsuporta sa armadong pakikibaka, paghawak ng armas hanggang pagsampa ng masang magsasaka at katutubo sa Bagong Hukbong Bayan.
Namulat parehas sina Ka Jonnel at Ka Mutya sa matinding kahirapan sa kanayunan—ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ang patuloy na pang-aagaw ng lupa ng mga panginoong maylupa at ng mga burukrata-kapitalista sa katiting na kabuhayang natitira sa kanila, ang pagdadamot ng reaksyunaryong gubyerno sa masa ng batayang serbisyo gaya ng tubig, kuryente, edukasyon at iba pa, ang karahasan at pagmamalupit ng mga pasistang sundalo, pulis at iba pang armadong utusan ng naghaharing uri sa masa. Namulat sila kung paano ang rebolusyong agraryo, ang gubyerno ng mamamayang itinatayo sa kanayunan at ang Hukbong Bayan ang tanging pag-asa ng masang magsasaka at katutubo upang maipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa pagsasamantala at pang-aapi. Ito ang dahilan bakit kusang sinuportahan nila Ka Jonnel at Ka Mutya ang armadong rebolusyon hanggang sa sila mismo’y nagpasya na sumapi sa Hukbong Bayan at ialay ang kanilang buhay rito.
Si Ka Jonnel at Ka Mutya ay mga huwarang mandirigma ng BHB na ibinigay ang kaisa-isang buhay hanggang sa kanilang huling lakas at hininga at kahit sa bingit ng kamatayan ay hindi pinagtaksilan ang masang api at sambayanang Pilipino na kanilang pinaglingkuran. Dapat nating tularan ang kanilang kadakilaan at bagtasin ang landas na pinili nila.
Habang araw-araw na bumibigat ang krisis at kahirapan na nakadagan sa mamamayan, habang walang lubay na umiigting ang terorismo ng estado, hamon din sa lahat ang pagkamartir nila Ka Jonnel at Ka Mutya na ibayong pagtibayin ang paninindigan at patuloy na makibaka sa kabila ng pagluluksa, sakripisyo, kahirapan at kamatayan.
Sa gitna ng salimuot ng kasalukuyang panahon, tanawin natin ang tuloy-tuloy na pagbawi ng lakas ng rebolusyon. Sumalig tayo sa dambuhalang lakas ng masang api na kung maoorganisa at mapapamunuan ng rebolusyon ay tiyak na magluluwal ng laksa-laksa pang mga rebolusyonaryong mandirigma na hahawak sa armas at mga tungkuling naiwan nila Ka Jonnel at Ka Mutya.
Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan!
Mabuhay si Jomari “Ka Jonnel” Palomar!
Mabuhay si Ising “Ka Mutya” Domingo!
Mabuhay ang lahat ng martir ng sambayanan!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan at terorismo ng estado!
Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng mamamayan!
Kabataan at magsasaka, maglingkod bilang mga Pulang mandirigma! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!