Inspirasyon ng kabataan at mamayang Batanguenyo para sa pagsusulong ng Digmang bayan Dakilain ang Pamana ng Tatlong Mahal na Kasama

Nasa kasiglahan ng yugto ng kanilang edad ang mga mahal na Kasamang Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza, Jethro Royce “Ka Alex” Magtira, at Jian Markus “Ka Reb” Tayco. Singbigat ng bundok ng Banoy at Batulao ang kanilang di napapanahong paglisan, malaking kawalan sa yunit ng BHB at ng malawak na inaapi at pinagsasamantalahang masa sa kanlurang Batangas ang kanilang pagpanaw. Pero iisa ang tiyak, ang dugong idinilig ninyo sa mga bukirin at kaparangan ng kanlurang Batangas ay tulad din ng dugo ng marami pang kasama na mag-papaibayo ng marubdob na pagnanasa para sa paghihimagsik at pagtatagumpay ng digmang bayan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, kababaihang magsasaka at kabataang pinukaw at nakadaupang palad ninyo.

Pinagpupugayan ng buong rebolusyunaryong kilusan, partikular ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Timog Katagalugan (PKM-TK) ang tatlong kasamang Pulang mandirigma na nagbuwis ng kanilang buhay para sa masang api at pinagsasamantalahan ng kanlurang Batangas. Ang tatlong martir ay pinaslang ng pasista’t sinungaling na 59th Infantry Batallion ng Philippine Army noong Hunyo 23 sa naganap na labanan sa hangganan ng mga barangay ng Bolbok at Dao, Tuy, Batangas.

Taos-pusong pakikiramay ang ipinaabot ng PKM-TK sa kanilang mga pamilya, kaibigan at iba pang mahal sa buhay. Pakatandaan po ninyo na sa kanilang pagkamartir ay katawang lupa lamang ang nawala sa atin. Ang kanilang dakilang buhay, di pagmakasarili at pag-aalay ng kaisa-isang buhay para sa dambana ng rebolusyon ay di kailanman mapapawi sa gunita ng mamamayang kanilang pinigsilbihan at ng buong kilusan. Kabilang sila sa mga kasama at Pulang mandirigmang ihahatid sa imortalidad!

Anumang pakitang tao ng 59th IB, lokal na PNP ng Tuy para magmistulang maamong tupa ay di na nila mapapawi ang kanilang kamu-muhing track rekord na konsistente sa paglabag sa karapatang tao kabilang ang paglapastangan sa mga labì ng masang sibilyan at kasamang napaslang. Malinaw na ito ay tahasang paglabag kung saan ang 59th IBPA ay mulat na di gumagalang o sumusunod sa mga panuntunan ng digma, International Humanitarian Law, gayundin ang CAHRIHL. Ito ay patunay ng kanilang mala-demonyong asal at imahe na kamumuhian ng masang magsasaka! Taliwas sa ipinagangalandakan nilang “protektor” ng bayan, sila ang protektor ng panginoong maylupa at kumprador-burges na tulad ng pamilyang Roxas, Ramon Ang, Henry Sy, Zobel-Ayala, Juan Ponce Enrile, Sabin Aboitiz at iba pa. Kung kaya’t hindi kailanman sila tatangkilikin ng masang Batangueño.

Ipinaabot ng PKMTK, sa pamilya, kaibigan at kamag-aral na ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong tapang at optimismo. Ang pag-paparangal sa tatlong mahal na kasamang martir ay naangkop lamang na tapatan natin ng ibayong tapang, pagpupursige at walang kapagurang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa tulad nating api at pinagsasamantalahan. Sa balangkas ng kilusang pagwawasto, maging mapanlikha tayong magpalawak at habang internal na nagkokonsolida ng sarili nating hanay.

Dakilain ang pamana nina Ka George, Ka Alex at Ka Reb!
Kabataan, lumahok sa Digmang Bayan!
Sumapi sa NPA!

Dakilain ang Pamana ng Tatlong Mahal na Kasama