Dalawang sundalo, nasawi sa Malaya

,

Matagumpay na nakapagdepensa ang isang yunit ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army (AMC-NPA) nang atakehin sila ng mga militar sa Sitio Hagakhak, Barangay Malaya noong September 27, pasado alas-11 ng tanghali.

Ayon sa nakuhang ulat, nasorpresa ang mga pulang mandirigma sa mga sundalo nang makita nila ang mga itong nakabihis sibilyan at nakalagay sa sako ang mga baril. Hindi mapaputukan ng mga NPA ang umaatakeng sundalo dahil pumwesto ang mga ito sa bahay na maaring mahagip ng bala ang mga sibilyan.

Sa pahayag ng NPA, gumanti na lamang sila ng putok nang mataya na wala nang madadamay na sibilyan sa labanan. Tumagal ang naturang engkuwentro ng 10 minuto.

Dalawa ang kumpirmadong patay sa hanay ng 85IBPA batay sa nakuhang ulat na inilibing sila Setyembre 30 sa sementeryo ng Lopez sa Barangay del Pilar. Ligtas namang nakaatras ang mga Pulang mandirigma na walang anumang pinsala.

Samantala, tuloy-tuloy na dinadahas ng mga sundalo ang mga residente sa lugar na pinangyarihan. Noong araw ding iyon, napaulat na dinakip at isinakay sa mobil ng pulis si Reagan Avila, residente ng barangay at kalapit-bahay ng pinaglabanan.

Kabilang din dito ang mag-asawang Leonina Ilag at Poli Naval na inimbistigahan at dinala sa kampo ng mga sundalo.

Sa pahayag ng mga gerilya, nagpugay si Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA-Quezon, sa napalabang yunit gerilya at nagtagubilin sa lahat ng pulang mandirigma sa lalawigan na laging maging handang biguin ang pagsalakay ng kaaway sa pagtataglay ng opensibang postura.#

Dalawang sundalo, nasawi sa Malaya