Dapat gawing batayan ang arbitral ruling para sa mapayapang pag-uusap, hindi digmaan

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa paggunita ng sambayanang Pilipino ngayong araw sa ika-8 anibersaryo ng desisyon ng International Arbitral Tribunal (IAT) noong 2016. Itinuturing ang desisyong na isang panandang-batong tagumpay na kumilala sa mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS). Ang 2016 arbitral ruling ay dapat magsilbing simula at balangkas para sa mapayapang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa isang banda, bilang isa sa pumirma sa UNCLOS, dapat hikayatin ang China na kilalanin ang arbitral ruling, ipakita ang intensyon nitong mapayapang ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan, at bawasan ang mga agresibong aksyon sa pagtatanggol nito sa mga inaangking karagatan na sumasalungat sa arbitral ruling. Bilang bansang superpower sa ekonomya at militar, kayang-kayang magpakita ang China ng kagandahang-loob sa mamamayang Pilipino, lalo na sa maliliit na mangingisdang Pilipino, nang walang kabawasan sa mga pag-aangkin o pagpopostura nito. Sa partikular, habang maaaring patuloy na igiit ng China ang pagpapanatili ng presensya sa Scarborough Shoal, dapat itong gawin nang hindi hinahadlangan ang mga mangingisdang Pilipino na makapasok sa mga lugar ng pangingisda. Bagama’t nasa saklaw ng Philippine EEZ, ang mga panteritoryong dagat ng Scarborough Shoal ay idineklara ng IAT bilang isang komun na pangisdaan para sa mga tradisyunal na mangingisdang Pilipino, Chinese, at Vietnamese.

Sa kabilang banda, dapat iwaksi ng mamamayang Pilipino ang pang-uupat ng US at mga militaristang maka-US na ang arbitral ruling ay lisensyang makipaggera sa China, at na upang manalo, dapat humingi ng tulong ang bansa sa US at mga kaalyadong pwersang militar nito. Sa nakalipas na taon, ang rehimeng US-Marcos at mga ahente sa psywar ng US ay nang-uudyok ng gera at hysteria laban sa mga Chinese. Dapat ding bantayan ng mamamayang Pilipino ang paglaganap ng walang batayang mga ideya at mapanlinlang na pahayag na ipinagbabawal ng arbitral ruling ang alinmang bansa na maglayag sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, na ginagamit para buong ilarawan ang China na mapanghimasok at mapanalakay, at itulak nang walang basehan ang pagpapaalis sa lahat ng sasakyang pandagat nito sa lugar.

Sa loob ng anim na taon, sinayang ng rehimeng Duterte ang ligal na tagumpay ng Pilipinas nang isaisantabi nito ang arbitral ruling sa pagyuko nito sa China, kapalit ng mga pangakong popondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura na kinontrata ng gobyerno, at bibigyan ng suportang pampulitika. Kasabay nito, pinahintulutan ni Duterte ang mga pwersang militar ng US na ipagpatuloy ang paggamit ng bansa para sa mga pagsasanay sa digmaan at pagpapakitang-lakas, na tinugunan naman ng China ng lalong pagpapaigting sa presensya nito sa South China Sea.

Mula noong 2022, ang pagsunod ng rehimeng Marcos sa gubyerno ng US ang naging pinakamalaking hadlang sa pagsusulong ng mapayapang resolusyon batay sa 2016 arbitral ruling. Pinahintulutan ni Marcos ang US na pataasin ang presensyang militar nito, mag-imbak ng mga missile at iba pang armas sa Pilipinas, at i-deploy ang mga barkong pandagat nito sa mga palibot na dagat upang magpamalas ng kapangyarihan laban sa China. Sa kasalukuyan, mayroong 15,000 hanggang 20,000 tropang Amerikano na naglalayag anumang saglit mula sa South China Sea hanggang sa Japan Sea, na nag-uudyok sa imperyalistang karibal nito na maging mas maligalig at agresibo, at higit na magalit.

Sa paggunita ngayon ng anibersaryo ng arbtiral ruling, napakahalaga para sa sambayanang Pilipino na, una sa lahat, igiit ang pagwawakas sa panghihimasok militar ng US at mga pag-uudyok nito ng gera, upang lumikha ng mga kundisyon para sa mapayapang pag-uusap. Dapat nilang ipanawagan ang pagbuwag sa lahat ng base militar ng US, ang pag-alis ng lahat ng tropang US at ang pag-aalis ng lahat ng nakaimbak na armas ng US sa bansa.

Kasabay nito, dapat nilang igiit sa gubyernong Marcos na itigil ang mga operasyong pandagat na nagpapataas ng tensyon, ituloy ang pakikipagdayalo at iba pang hakbanging ligal. Dapat din nilang himukin ang China na bawasan ang napakalaking presensya nito sa Philippine EEZ at ECS upang bigyang daan ang bansa na mapayapang gamitin ang soberanong mga karapatan nito at pamahalaanan ang mga yamang dagat nito, at bigyang daan ang paglutas sa mga hidwaan sa buong South China Sea.

Dapat gawing batayan ang arbitral ruling para sa mapayapang pag-uusap, hindi digmaan