Pahayag

Pahayag ng Armas-Tanya Domingo sa anibersaryo ng pagkamatay ni Ericson Acosta Gawing inspirasyon ang buhay at pakikibaka ni Ericson Acosta

Isang mapulang pagpupugay ang inaalay ng ARMAS-Tanya Domingo kay Ericson Acosta, rebolusyonaryong martir, masugid na manggagawang pangkultura, at bayani ng sambayanan. Inialay niya ang kanyang buhay para sa mahabang panahong pagsisilbi sa masa, inialay niya ang kanyang samu’t saring lakas para sa pagsulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Nais din pagpugayan ng aming balangay ang mga pulang mandirigma ng NPA-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) na kinamit ang isang mahalagang hakbang sa pagkakamit ng hustisya para kay Ericson sa pagpuksa ng susing intel ng 15th IB.

Sa pagkakatatag ng ARMAS-Tanya Domingo, tangan namin ang diwa ng rebolusyonaryong pakikibaka na isinabuhay ni Ericson Acosta. Naging malaki ang ambag niya sa pagsusulong ng rebolusyong pangkultura mula sa kanyang mga likhang sining hanggang sa kanyang pakikibaka sa hanay ng uring anakpawis na siyang patuloy na umaagos at nagbibigay ng alab sa lumalawak na larangan ng pakikibaka ng uring pinagsasamantalahan.

Mahigpit na tungkulin ng isang rebolusyonaryong artista na patampukin ang pakikibaka ng masang lumalaban, tumungo sa kanayunan, sumapi sa bagong hukbong bayan, isulong ang rebolusyong agraryo sa iba’t ibang antas at probinsya, at pagsilbihan ang lumalawak na masang api. Kailanman ay hindi maihihiwalay ang pangkulturang rebolusyon sa matagalang digmang bayan dahil sa mahalagang gampanin nito sa puspusang pakikibaka mula kalunsuran hanggang kanayunan. Sa pagbawi sa lakas ng ating hanay patuloy ang kampanya ng aming balangay sa pagdaluyong ng mga susunod sa rebolusyonaryong landas na tinahak ni Ericson. Kamtin ang hustisya para kay Ericson Acosta, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at durugin ang mapanupil na estado.

Gawing inspirasyon ang buhay at pakikibaka ni Ericson Acosta