Gunitain ang ika-120 taong anibersaryo ng Union Obrera Democratica de Filipinas

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang partido ng proletaryong Pilipino, sa lahat ng manggagawang Pilipino at masang anakpawis sa paggunita ngayong araw sa ika-120 taong anibersaryo ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF). Ang UODF ay ang unang pederasyon ng paggawa sa Pilipinas, ang nagpasimula ng militanteng unyonismo at sentro ng anti-imperyalistang pakikibaka ng manggagawa.

Umusbong ang UODF kasunod ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol at sa gitna ng paglakas ng pakikibaka laban sa imperyalistang kolonyal na okupasyon ng US. Itinatag ito ng 140 na unyonista na kalakha’y galing Luzon. Pinamunuan ito ni Isabelo delos Reyes, beteranong aktibistang manggagawa at mandirigmang anti-kolonyal. Inspirado sila ng Marxistang islogang “Ang paglaya ng uring manggagawa ay tungkulin mismo ng mga manggagawa” ng Unang Internasyunal.

Sa pamamagitan ng UODF, tinanganan ng bubot pang uring manggagawang Pilipino—mga manggagawa mula sa mga imprenta, pagawaan ng sigarilyo, mananahi, manggagawa ng sapatos, karpintero, iskultor, barbero at iba pa—ang malaking kapangyarihan para ipaglaban at pamunuan ang pakikibaka sa pagsulong ng kagalingan at interes ng mga manggagawa at hangarin ng mamamayan para sa pambansang paglaya mula sa imperyalismo. Ilang buwan matapos ng pagkakatatag nito, nag-organisa ang UODF noong Hulyo 4, 1902 ng demonstrasyon nilahukan ng 50,000 na sumisigaw ng pambansang kalayaan.

Ilang linggo paglipas, nagpatawag ang UODF ng isang pangkalahatang welga para tuligsain ang pagtanggi ng kolonyal na gubyerno na dinggin ang kanilang kahingian para sa dagdag na sahod sa harap ng tumataas na presyo at lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko. Naglunsad ang mga manggagawa ng mga welga at protestang walk-out sa Maynila at karatig na mga prubinsya. Bilang resulta ng kanilang militanteng pakikibaka, itinaas ang sahod ng mga manggagawa sa ilang mga pagawaan.

Para labanan ang paglago at militansya ng UODF, ang kolonyal na rehimen ng US ay gumamit ng sarbeylans at panunupil. Ilang linggo matapos ang pangkalahatang welga, inaresto, sinampahan at hinatulan si Delos Reyes sa kasong sedisyon at rebelyon at pinilit na magbitiw sa UODF. Para konsolidahin ang hanay nito, kagyat na pinalitan ng pamunuan ng UODF si Delos Reyes at hinalal si Dr. Dominador Gomez bilang bagong pinuno. Sa katapusan ay itatatag ni Delos Reyes ang Iglesia Filipina Independiente at tututok sa mga relihiyosong aktibidad na may patriyotikong oryentasyon.

Sa kabila ng panunupil sa ilalim ng kolonyal na rehimeng Taft, patuloy na lumakas at lumawak ang UODF mula 33 noong 1902 tungong 150 unyon noong 1903. Sa kabilang ng pagbabawal ng gubyernong Taft, pinamunuan ng UODF ang demonstrasyon noong Mayo 1, 1903, ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno sa Pilipinas. Nilahukan ito nang 100,000 manggagawang naggigiit sa pagwawakas ng imperyalistang paghahari ng US.

Matapos pamunuan ang malaking anti-imperyalistang demonstrasyon, ipinailalim ang UODF sa ibayong panunupil at panggigipit. Ilang araw pagkatapos, nireyd ng mga ahente ng kolonyal na estado ang bahay ni Gomez at inaresto siya sa mga kaso ng sedisyon at iligal na asosasyon. Sinintensyahan siya nang mahirap na pagtatrabaho. Tulad nang sa kaso ni Delos Reyes, si Gomez ay inalok na mapawalang-sala sa kundisyon na magbitiw siya sa pamunuan ng UODF. Ang kanyang pagbibitiw sa UODF ay naging mitsa ng pagkalas ng mga unyon at sa katapusa’y pagkabuwag ng pederasyon.

Pagkatapos nito, nagsikap ang imperyalistang US sa pamamagitan ng mga ahente nito sa American Federation of Labor na pahinain ang militante at anti-imperyalistang kilusang paggawa sa Pilipinas. Itinaguyod nito ang burges-liberal na konsepto ng pagkakaisa ng paggawa at kapital, at nilayong ilayo ang mga aktibidad ng unyon mula sa mga pampulitikang layunin.

Gayunpaman, ang mga punla ng militante at patriyotikong pag-uunyon na inihasik ng UODF ay patuloy na uusbong at uugat sa manggagawang Pilipino at masang anakpawis. Sa harap ng pambansa at panlipunang pang-aapi, nagpatuloy ang mga manggagawang Pilipino na magbuo ng kanilang mga unyon at sentro sa paggawa para isulong ang kagalingan ng mga manggagawa at hangarin ng mamamayan para sa pambansang kalayaan.

Isang dekada paglipas, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas noong Mayo 1, 1913. Noong Marso 1, 1918, hinalal nito si Crisanto Evangelista na kalauna’y mamumuno sa pagbagtas nito sa militante at patriyotikong landas. Di magtatagal ay makikipag-ugnayan si Evangelista sa Communist International at itatatag ang Partido Obrero noong 1925. Katuwang ang ibang pinuno ng uring manggagawang Pilipino na nabigyan ng pagkakataong mag-aral sa Communist University for the Toilers of the East (Komunistang Unibersidad para sa Anakpawis ng Silangan), itinatag ni Evangelista ang Communist Party of the Philippine Islands (CPPI) na pormal na idineklara noong Nobyembre 7, 1930. Sa kabila ng mga kahinaan, pagkukulang at pagkakamali, naabot ng CPPI ang mahahalang tagumpay sa pamumuno sa pakikibaka ng manggagawang Pilipino at masang anakpawis para sa demokrasya at pambansang pagpapalaya.

Kailangan ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng pang-ideolohiyang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo noong Disyembre 26, 1968 para itaas ang kakayahan ng uring manggagawa na pamunuan ang bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas sa bagong mga antas. Sa siyentipikong pandaigdigang pananaw ng proletaryado, binuo ng PKP ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan na layong wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema, magtatag ng demokrasyang bayan at maglunsad ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Sa ilalim ng pamumuno ng PKP, nagtagumpay ang uring manggagawang Pilipino na pumwesto sa unahan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, naitatag ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka sa pagtatayo sa Bagong Hukbong Bayan at paglulunsad ng agraryong rebolusyon, at ang malapad na nagkakaisang prente ng patriyotiko at progresibong mga pwersa sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines. Pinamumunuan ng uring manggagawang Pilipino ang malapad na masa sa armadong pakikibaka at iba pang porma ng paglaban.

Sa ilalim ng kasalukuyan at nagdaang reaksyunaryong papet na mga rehimen, hinarap ng uring manggagawa ang pinaigting na panunupil para pahinain ang kanilang mga unyon at organisasyon at alisan sila ng kakayahang magtanggol at isulong ang kanilang mga interes. Gumagamit ang reakyunaryong estado ng pinakamalulupi na porma ng intimidasyon, pamimilit at armadong pagpapatahimik para pwersahin ang mga manggagawa na kumalas sa kanilang militante at patriyotikong mga unyon.

Sa okasyon ng ika-120 taong anibersaryo ng UODF, nananawagan ang Partido sa lahat ng manggagawang Pilipino at mga rebolusyonaryong proletaryo na humalaw ng inspirasyon at mga aral mula sa higit isang siglong pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka ng mga manggagawa, para magawang patuloy na pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan sa bagong antas at tumulong sa pagsusulong ng adhikain ng internasyunal na proletaryo.

Ipagdiwang ang ika-120 anibersaryo ng Union Obrera Democratica de Filipinas!

Mabuhay ang militante at patriyotikong kilusan ng manggagawa!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at ang pandaigdigang rebolusyong proletaryo!

Gunitain ang ika-120 taong anibersaryo ng Union Obrera Democratica de Filipinas