Pahayag

Gunitain ang Mayo Uno sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga guro at anakpawis

, ,

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Uring Manggagawa, ipinapahayag ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan ang walang pag-aatubiling rebolusyonaryong pakikiisa sa uring manggagawa at sa malawak na masang anakpawis. Mahigit isang siglo mula nang ideklara ang Mayo Uno sa Paris, nananatili itong buhay na panawagan sa higit na maigting na pagsulong ng rebolusyonaryong tungkulin ng proletaryado sa gitna ng sumisidhing krisis ng imperyalismo, laluna sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Itinuro ng mga dakilang guro ng proletaryado na hindi nyutral ang edukasyon at nakapaloob ito sa tunggalian ng mga uri. Sa isang lipunang pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, kasangkapan ang paaralan upang hulmahin ang kamalayang sunud-sunuran at makadayuhan habang itinatali ang mga guro sa papel ng tagapagpalaganap ng ideolohiya ng naghaharing-uri. Sa kabila nito, sumisibol ang posibilidad ng paglaban sapagkat ang guro, bilang intelektwal na anakpawis, ay may kakayahang magmulat, mag-organisa, at magpakilos.

Nananatiling kolonyal, komersyalisado, at mapaniil ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas sapagkat ito’y saligang pangangailangan ng dominasyon ng imperyalismo. Paano nga ba mapananatiling sunud- sunuran ang mamamayan sa gitna ng malawakang kawalan ng lupa, barat na pasahod, lumalalang krisis pang-ekonomya, at tumitinding pasismo, kung hindi sa pamamagitan ng edukasyong humuhubog ng pagsuko at hindi paglaban? Sa ganitong balangkas, ang edukasyon ay hindi para sa pagpapalaya kundi para sa pagpapanatili ng umiiral na kaayusan.

Sukdulang pinagsasamantalahan ang mga guro habang sabay na kinukundisyon upang magluwal taon-taon ng lakas-paggawang itatapon sa mga pabrika, opisina, at ibayong dagat. Sa kasalukuyang sistema, kapwa biktima at kasangkapan ang mga guro: inaapi bilang manggagawa, at itinutulak na maging tagapagpatupad ng neoliberal na edukasyon. Habang nagpapatuloy ang liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon, lalong ginagawang kalakal ang edukasyon at ginagawang murang instrumento ang guro sa produksyon ng lakas- paggawang sunud-sunuran sa imperyalismo. Sa ganitong kalagayan, nagsisilbi ang edukasyon bilang kasangkapan ng malalaking burgesyang komprador at dayuhang kapitalista.

Habang lumalala ang krisis, lalong nalalantad ang kabulukan ng sistemang ito at ang tahasang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr. sa imperyalismong US. Sa hanay ng kaguruan, tumitingkad ang kamulatan sa ugat ng kanilang kalagayan. Ang mga pakikibaka ng nagdaang taon—sa harap ng korapsyon, kakarampot na sahod, at lumalalang kondisyon sa paggawa—ay nagpapatunay ng muling pag-usbong ng militanteng diwa ng mga guro. Handa silang kumilos hindi lamang para sa kagalingang sektoral kundi para iangat ang kanilang laban tungo sa pambansa- demokratikong pakikibaka ng buong sambayanan.

Matabang lupa ang krisis para sa pagrerebolusyon, ngunit hindi ito kusang mamumunga. Kinakailangan ang mulat at organisadong pamumuno. Sa diwang ito, tungkulin ng mga gurong kadre na pangunahan ang pagpapalawak at pagpapalalim ng rebolusyonaryong kilusan. Dapat pag-ibayuhin ang tatlong saligang gawain ng propaganda, organisasyon, at mobilisasyon; dalhin ang siyentipikong sosyalismo sa hanay ng mga guro, estudyante, at komunidad; ilantad ang katotohanan ng umiiral na sistema at ituro ang landas ng pagbabago. Buuin at patatagin ang mga organisasyong masa bilang tunay na paaralan ng rebolusyon. Itaas ang antas ng militanteng pagkilos mula sa mga welga at protesta hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Ang Mayo Uno ay panawagan sa pinakamalawak na pagkakaisa ng uring manggagawa at ng lahat ng inaaping sektor. Sa pagkakaisang ito pinapanday ang lakas na kayang magpaguho sa pundasyon ng naghaharing sistema. May natatanging papel ang mga gurong rebolusyonaryo sa prosesong ito bilang aktibong kalahok sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan. Sa diwa ng rebolusyong pangkultura, tungkulin niyang labanan ang lahat ng anyo ng bulok na ideolohiya at itaguyod ang isang bagong kulturang nagsisilbi sa masa.

Sa Mayo Uno, higit nating pag-alabin ang diwa ng paglaban. Iwaksi ang ilusyon sa repormismo at huwad na pagbabago. Yakapin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang rebolusyonaryong guro ng bayan!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Gunitain ang Mayo Uno sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga guro at anakpawis