Gunitain ang Pag-aalsang EDSA sa diwa ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka!

Ipinaaabot ng NDFP-ST at mamamayan ng buong rehiyon ang mahigpit na pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-37 taon ng Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 25, 1986. Lagi nating alalahanin na sa ating pagkakaisa at marubdob na pakikibaka nagawang ibagsak ang kinamumuhiang diktadurang US-Marcos. Hinangaan at dinakila sa buong daigdig ang tagumpay na ito ng sambayanang Pilipino.

Ang aral ng Pag-aalsang EDSA ay ang pagpupunyagi ng sambayanan sa pagtatamo ng tunay na kalayaan at demokrasya sa harap ng kabangisan ng pasistang diktadura. Kaharap ang halimaw at uhaw-sa-dugo na si Ferdinand Marcos Sr., ang AFP, Philippine Constabulary-Integrated National Police (dating PNP) at Civilian Home Defense Force, nagpatuloy ang taumbayan sa paggigiit ng kanilang batayang karapatan. Salalayan nito ang lumalakas na pambansa-demokratikong pakikibaka na pinangunahan ng mga manggagawa at magsasaka. Ang Pag-aalsang EDSA ay kulminasyon ng higit dalawang dekadang paglaban ng mamamayan sa diktadura at bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na nagsimulang bumwelo noong dekada 1960.

Taliwas sa ipinangangalandakan ng pamilya Marcos, hindi kailanman naging “Golden Years” ang Martial Law ng diktadurang Marcos I. Winasak ni Marcos Sr. ang ekonomya ng Pilipinas. Ipinatupad niya ang Masagana 99 na naglubog sa mga magsasaka sa utang. Sapilitang ipinatanim ang mga binhi ng palay na matakaw sa imported na abono at pestisidyo at kalauna’y sumira sa produktibong lupa. Ibinaon sa utang ang Pilipinas para sa mga proyektong imprastraktura na bandang huli’y kinulimbat lamang ng mga Marcos ang pondo. Halimbawa nito ang plantang nukleyar sa Bataan na nilaanan ng napakataas na pondong P2 bilyon kahit na mahigit P650 milyon lamang ang dapat na magastos.

Muli, ipapaalala natin ang brutalidad noong Martial Law: 70,000 ang nakulong, 3,240 ang pinaslang nang walang paglilitis, 783 ang mga biktima ng sapilitang pagkawala at 34,000 tao ang tinortyur. Naganap ang mga masaker sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang TK. Tampok dito ang masaker sa Guinayangan, Quezon noong Pebrero 1, 1981 na pumatay sa dalawang magsasaka at higit 30 ang nasugatan.

Hindi natakot ang sambayanang Pilipino sa harap ng paninibasib ng pasistang diktadura. Maramihang nabuo ang mga unyon at sumikad ang kilusang welga. Binuo ang mga samahang magsasaka para ipaglaban ang karapatan sa lupa at pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Lumahok ang mga magsasaka sa parlamentaryong pakikibaka habang ang iba ay tumahak sa landas ng armadong paglaban bilang mandirigma ng New People’s Army. Bunsod nito, nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa partihan sa lupa at makabuluhan ang lupaing kinumpiska sa mga despotikong PML at libreng ipinamahagi sa mga magsasaka. Napataas ang presyo ng produktong bukid at napawi ang mataas na interes sa pautang. Lumaganap ang sama-samang pagtatrabaho sa lupa.

Sumigla ang pakikibaka sa kalunsuran na binubuo ng mga manggagawa, kabataang estudyante at propesyunal. Lumawak ang nagkakaisang hanay laban sa paghaharing diktador, kabilang dito ang mga mamamahayag, artista at manunulat, akademiko, tagapagtanggol ng karapatang tao, grupong maka-kalikasan, taong simbahan, manggagawang pangkalusugan, kawani ng gubyerno, abugado at siyentista. Nahamig ang mga makabayang pulitiko at marami sa kanila ang tumuwang sa pagdepensa sa karapatang sibil at pulitikal. Maging mga tanyag na pamilya sa pulitika at burgesya komprador ay bumatikos sa diktador at kanyang mga kroni. Sumuporta sila sa mga pakikibakang masa at kumilos sa pamamagitan ng mga symposium, forum, paglalathala ng artikulo sa pahayagan at paglalabas ng likhang sining.

Kaalinsabay, lumakas ang NPA sa ilalim ng patnubay ng CPP. Itinayo ang mga larangang gerilya at lumawak at lumalim ang mga base nito. Nakita ng masang Pilipino sa rebolusyonaryong kilusan ang tunay na alternatibo sa bulok at diktadurang paghahari ni Marcos Sr.

Labis nang kinamumuhian ng sambayanan si Marcos Sr. Ang tanging nagpapanatili sa kanya sa pwesto ay ang pagsandig sa sandatahang pwersa nitong AFP at PC. Subalit lalo siyang nalantad at nahiwalay nang patayin niya ang karibal sa pulitika na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Naging hudyat ito para tuluyan siyang bitiwan ng imperyalismong US. Sa proseso, lihim na itinulak ng imperyalismong US ang pagbubuo ng Reform the Armed Forces Movement o RAM na nagsilbing makinarya nito sa loob ng AFP.

Ginamit ng US ang RAM at iba pa niyang ahente sa loob ng AFP upang mapanghawakan ang sitwasyong pulitikal. Pumasok at lumahok ang mga ahente ng US na sina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos sa Pag-aalsang EDSA. At kahit nang maibagsak na si Marcos, inilagay sila sa loob ng administrasyong Cory Aquino.

Sa kabila ng tagumpay ng sambayanang mapatalsik ang diktador na si Marcos Sr., hindi nagbago sa kaibuturan ang kalagayan ng lipunang Pilipino. Nanatili ang imperyalismong US na nakakubabaw sa bansa, ang paghahari ng panginoong maylupa, burgesya kumprador at burukrata kapitalista sa paglilipat-lipat ng mga rehimen mula kay Cory Aquino hanggang kay Duterte. Katunayan, nagawa pang makabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos sa tulong ng mga pseudo-demokratikong rehimeng ito.

Tatlumpu’t anim na taon makalipas ang Pag-aalsang EDSA, nakabalik ang mga Marcos sa pinakatuktok ng kapangyarihan sa bansa. Nakipagkutsabahan ang mga Marcos sa mga Duterte at Arroyo at dinaya ang eleksyong 2022.

Ginagamit nila ang pagbabalik-poder upang linisin ang pangalan at iabswelto ang sarili sa mga krimen. Nitong Pebrero 20, pinawalang sala ng 5th division ng Sandiganbayan ang mag-asawang Ferdinand Marcos Sr. at Imelda Marcos sa pandarambong sa pondo ng GSIS, kasama ng ilan nitong mga kroni. Kabilang sa napawalangsala ay si Luis Yulo Jr. na may-ari ng asyenda, mga real estate, golf course, industrial enclave at high-end subdivision sa Canlubang Sugar Estate ng Calamba, Laguna. Si Marcos Jr. mismo ay hindi pa napapanagot sa kaso nitong tax evasion. Bago pa ito, unti-unti nang napapawalang-saysay ang mga kaso laban kay Imelda. Plano pang lusawin ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na itinayo upang bawiin ang nakaw-na-yaman ng mga Marcos. Sinasamantala nilang hawak ang estado-poder upang ilusot ang pagbabago sa reaksyunaryong saligang batas para palawigin ang termino ni Marcos Jr. at isakatuparan ang imbing utos ng imperyalismo sa mga Marcos.

Ilang ulit na mas malala ang kalagayan ng paghahari at pagpapakatuta ng mas batang Marcos.

Pinasidhi ni Marcos Jr. ang pagpapataw ng neoliberal na patakaran sa ekonomya ng bansa. Matindi pa sa bagyo ang hagupit ng krisis sa ekonomya. Naitala ang pinakamataas na implasyon sa nakalipas na 14 na taon kung saan umabot ito ng 8.7% nitong Enero. Wala pa sa kalahati ng family living wage ang minimum na sahod sa bansa. Sa kanayunan, halos patayin ang mga magsasaka sa pagbaha ng imported na produktong agrikultural na lalong nagtutulak ng pagbagsak ng presyo ng kanilang mga produkto. Dumagsa ang imported na asukal, sibuyas, gulay, manok, baboy, isda at higit sa lahat ay bigas. Hinayaang magsara ang pinakamalaking asukarera sa Batangas na nagpabagsak sa kabuhayan ng daan-libong mamamayang umaasa dito. Naganap ito sa ilalim ni Marcos Jr. na nagtalaga sa sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture. Hindi kataka-taka na lumabas sa social media na siya ang nangungunang ismagler sa bansa dahil hindi masawata ang tuloy-tuloy na natutuklasang mga pinalusot na produkto.

Gaya ng tatay niyang haling sa pangungutang, lalo pang inilubog ni Marcos Jr. ang bansa sa pagkakautang. Lampas na sa 60% ang ratio ng utang sa gross domestic product, na ayon sa IMF-World Bank ay palatandaan ng malalang krisis at kahinaan ng ekonomya ng bansa. Walang pakundangang pinalaki ang badyet at lalo pang binusog ang sariling bulsa sa napakalaking pondong paniktik na umaabot sa P1.5 bilyon nakalaan para sa Office of the President lamang. May gana pa itong magpakana ng Maharlika Investment Fund, isang tipo ng pondong pamumuhunan, na bukas sa pangungulimbat ni Marcos Jr. at kukunin mula sa pera ng bayan.

Laging kakambal ng patakarang neoliberal ang kidlat at kulog ng terorismo ng estado. Patuloy ang pagbili ng modernong mga armas at sasakyang militar ng rehimen, habang walang inilalaang pondo sa serbisyo publiko. Nagpapatuloy ang istraping, panganganyon at pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan. Nagpapatupad ng curfew sa mga baryo sa buong bansa. Pinipigilang pumunta sa pinagtatrabahuhang lupa ang mga magsasaka at katutubo kapag nag-ooperasyon ang AFP-PNP-CAFGU. Kontrolado ang dami ng baong pagkain ng mga magsasaka.

Pinalala ni Marcos Jr. ang kultura ng impyunidad at pangyuyurak sa karapatang tao sa pagpapatuloy ng hibang na anti-komunistang gera. Kung kaya’t hindi pinapanagot ang mga tulad ni Duterte, Durante at iba pa. Hinahayaan ang pang-rered-tag sa mga aktibista at pananalasa ng NTF-ELCAC. Maramihang nagpapasuko sa mga komunidad para makulimbat ang bilyong pisong pondo sa E-CLIP.

Lahat ng nabanggit ay nagtuturo sa atin na hindi pa tapos ang laban ng mamamayang Pilipino. Kailangang balikan ang mga aral ng Pag-aalsang EDSA at muling papag-alabin ang diwa ng himagsikan. Magsikhay sa gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanang Pilipino para maibunsod ang malawak na kilusang masa na yayanig sa panibagong rehimeng Marcos-Duterte. Puspusang labanan ang traydor, mandarambong, pasista at pahirap na ilehitimong pangulo sa Malakanyang, kasama ang mga alyado nitong pamilya Duterte at Arroyo.

Higit sa lahat, ibayong isulong ang digmang bayan na tanging solusyon sa ugat ng kahirapan ng mamamayan. Dapat itaguyod ang armadong rebolusyon bilang esensyal na hakbang sa pagwasak sa bulok na estado na nagpapahirap sa sambayanan. Sa ganito, maitatayo ang tunay na demokratikong gubyernong bayan sa Pilipinas.

Mabuhay ang diwa ng Pag-aalsang EDSA!

Mamamayan, magkaisa!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Gunitain ang Pag-aalsang EDSA sa diwa ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka!