Habampanahong alalahanin ang mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay
Ibinibigay ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinakamataas na parangal kina Maria Concepcion Araneta-Bocala (Ka Concha), Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka Emil) at sa Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay. Sila’y mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na namatay sa pakikipaglaban sa pasistang rehimeng Marcos, pagtatanggol sa karapatan ng aping masa ng mga manggagawa at magsasaka, at pakikipaglaban kaagapay ng sambayanang Pilipino upang kamtin ang kanilang ilang siglo nang hangarin para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Si Ka Hadjie, Ka Concha, kasama sina Aurelio B. Bosque (Ka Zarco/Baijan/Rio), Jose Jerry Tacaisan (Ka Miller/Bronze), Bemjamin Cortel (Ka Amor/Ruby/Mamang), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan/Biboy/Pedik), Jielmor Gauranoc (Ka Doc/Tango/Baron), Juvylene Silverio (Ka Kaykay/Purang), Armando Savariz (Ka Nene/Kulot), Rewilmar Torrato (Ka Minerva/Mara/Moray) at John Paul Capio (Ka Ronron) ay napatay sa sunud-sunod na armadong engkwentro sa uhaw-sa-dugong mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula Agosto 5 hanggang 15 sa mga bayan ng Calinog at Lambunao, at nitong Agosto 24 Valderrama, Antique.
Sila ay mga martir ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino, at mga bayani ng rebolusyong Pilipino. Iniukol nila ang kanilang buhay sa interes ng masang manggagawa at mga magsasaka, at sa lahat ng demokratikong uri, sa kanilang pakikibaka laban sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa bansa, at para kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.
Pinararangalan ng Partido ang Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay na may pinakamataas na pagkilala. Ang kanilang pagkamatay ay malaking kawalan sa masa ng Panay at sa sambayanang Pilipino at labis nating ikinadadalamhati. Ipinapahayag namin ang aming pinakamarubdob na pakikiramay sa kanilang mga pamilya, sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mga inaapi at pinagsasamantalahang taumbayan ng Panay, at pakikibahagi sa kanilang matinding kalungkutan. Kasabay nito, ipinapahayag namin ang masidhing galit sa pasista-teroristang rehimeng Marcos na patuloy ang brutal na panggegera para sa pagsupil sa sambayanang Pilipino.
Ibinibigay namin ang aming pinakamataas na parangal kay Ka Hadjie, kagawad ng Komite Sentral at kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay. Kabilang siya sa mga nakababatang kadre ng Partido na gumagampan ng mahahalagang tungkulin sa pamumuno ng rebolusyon sa mga nakaraang taon. Nanguna siya sa rehiyon ng Panay mula 2016, matapos na gumanap ng mahalagang bahagi sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa Northeast Mindanao mula 2006 hanggang 2016. Sa nakalipas na mga taon, pinangunahan ni Ka Hadjie at ng mga kadre ng Panrehiyong Komite sa Panay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa paglaban sa walang humpay at brutal na gera ng panunupil ng pasistang rehimeng Marcos. Siya ay 55.
Nagbibigay kami ng espesyal na pagpupugay kay Ka Concha, na nag-alay ng kanyang mahabang buhay sa rebolusyonaryong layunin. Nagsimula siyang maging pultaym na kadre at organisador noong 1972. Maliban sa naging isa sa pangunahing upisyal ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay, itinalaga rin siyang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa negosasyong pangkapayapaan. Tinalikdan ni Ka Concha ang lahat ng kaginhawahan at pribilehiyo ng uring panginoong maylupa, at sumama sa inaaping masa ng magsasaka at mga Tumandok sa kanilang pakikibaka para sa lupa at hustisya. Magiging 74 taong gulang sana siya ngayong Agosto 26.
Ang mga pangalan ng Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay ay magpakailanmang naka-ukit sa kolektibong alaala ng mamamayang Pilipino. Hindi malilimutan ang kanilang ambag sa demokratikong rebolusyong bayan. Ang kanilang buhay ng rebolusyonaryong paglilingkod ay habampanahong magsisilbing inspirasyon sa mamamayan.
Nananawagan kami sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng Panay at sa buong sambayanang Pilipino na alalahanin ang Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay. Idaos natin ang pulong pag-alaala at pagpaparangal sa kanilang mga rebolusyonaryong buhay. Humugot tayo ng lakas ng loob at determinasyon mula sa kanilang mga halimbawa at ipanata na ipagpapatuloy natin ang pakikibaka ng sambayanan at armadong paglaban upang kamtin ang adhikain ng bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Nabuwal man ang ilang kadre ng Partido at mga rebolusyonaryong lider sa Panay, hinahawakan ngayon ng ibang mga lider ng Partido ang responsibilidad ng pamumuno. Sa gitna ng lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, na pinalala ng mga patakarang anti-mamamayan at anti-nasyunal ng rehimeng Marcos, parami nang parami ang mga kabataang manggagawa at mamamayan, kapwa mula sa mga lungsod at kanayunan, ang tumutugon sa mga panawagan na sumapi sa Partido at sa Bagong Hukbong Bayan. Nahihimok sila ng pangangailangan na puspusang labanan ang pasista at mapang-aping rehimen.
Walang pagpipiliang landas ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino kundi ang landas ng paglaban sa mga pang-aabuso at malupit na gera ng rehimeng Marcos laban sa kanila. Ginagamit ni Marcos ang AFP para pagsilbihan ang interes ng mga korporasyong multinasyunal, ang kanilang lokal na kasosyo sa negosyo na malalaking burges na kumprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Milyun-milyong magsasaka at minoryang mamamayan ang pinalalayas sa kanilang lupain at itinataboy ni Marcos at ng AFP upang bigyang daan ang mga operasyon ng pagmimina, plantasyon, dam, turismo at mga proyektong pang-imprastruktura ng kanyang mga kroni.
Niloloko lamang ni Marcos at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga sarili kapag sinasabi nilang madudurog nila ang armadong rebolusyon ngayon o sa susunod na taon. Sa kabila ng dinanas na mga kabiguan, buo ang kapasyahan ng Bagong Hukbong Bayan, sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na patuloy na isulong ang armadong paglaban nang walang lubay.
Sa inspirasyon ng kilusang pagwawasto, at puno ng hangaring ipaglaban ang interes ng malawak na masa, ibinibigay ng mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB ang lahat ng makakaya upang lampasan ang lahat ng balakid, balikatin ang lahat ng paghihirap, ituwid ang mga nakaraang pagkakamali, isulong ang pakikidigmang gerilya at maglunsad ng mga taktikal na opensiba, maggawaing masa, tumulong sa pagsulong ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagbubuo ng organisadong lakas ng masa. Taglay ang hindi nahahangganang suporta ng masa, hindi maglalaon ay makababawi ang BHB sa mga kabiguan at muling makapagpapalakas.
Anupaman ang tindi, hindi mapipigilan ng terorismo ng estado ang pagsusulong ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa kanilang pambansa at demokratikong pakikibaka. Hindi sila natitinag sa kanilang pasya na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at labanan ang papet at pasistang rehimeng Marcos, ang kasalukuyang pinakakonsentradong anyo ng mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema.
Puspos ng diwa ng walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili at katapangan ng Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay, lalabanan nila sa lahat ng paraan ang pasistang rehimen ng US-Marcos, isusulong ang digmaang bayan, at makikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya hanggang sa tagumpay.
Habampanahong buhayin ang alaala ng Mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay! Sa inspirasyon ng kanilang mga sakripisyo, magpunyagi sa landas ng pambansang demokratiko rebolusyon!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!