Pahayag

Hamon para sa Midya: Ibagsak ang Press Freedom Predator na Rehimeng US-Duterte!

Tumpak ang ulat ng internasyunal na organisasyon na Reporters without Borders. Ang limang taon ng rehimeng US-Duterte ang isa sa mga pinakamalalagim na yugto sa kasaysayan ng pakikibaka para sa malayang pamamahayag sa bansa. Sa ilalim niya, naging krimen ang magpahayag ng taliwas o kritikal sa rehimen.

Tulad ng batas militar ni Marcos, walang singhigpit ang pagbusal ni Duterte sa midya at tahasang pagkontrol sa mga ito upang makapagpalawig ng kapangyarihan, pagtakpan ang kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan at ang walang-kapantay na pagpapasahol sa kronikong krisis ng lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng Oplan Kapanatagan- EO 70 Whole of Nation Approach, Anti-Terror Law at lockdown, pinangunahan ng AFP at PNP ang pagwasiwas ng pasismo at terorismo ng estado laban sa midya sa anyo ng malawakang crackdown at media censorship.

Ginipit at pinagbantaan, at sa pinakamalulubhang kaso ay ipinasara, ang mga nakakatunggaling media outfits, tulad ng Philippine Daily Inquirer, Radyo Veritas, Abante, ABS-CBN at Rappler. Samantala, naging malaganap ang kultura ng fake news at disimpormasyon. Kinasangkapan ng rehimen ang mga kapanalig na corporate media giants upang maging mga masugid na propagandista ng pasismo at terorismo ng estado ng rehimen. Kahit ang mga ahensya ng gubyerno ay talamak na ginamit para sa mga cyberattacks. Bilyun-bilyong pondo rin ang linaan para dumugin ng mga troll farms ang social media at ipagkait ang naturang plataporma mula sa kahingian at paglaban ng masa.

Sinupil ang paglaganap ng iba’t ibang anyo ng alternatibong midya, mula progresibo, citizen hanggang community journalism. Pinauulanan ng red-tagging, sinasampahan ng kaso at sukdulang pinapaslang sinumang kritiko o pumupuna o naglalantad sa mga mali, palpak at kontramamamayang patakaran ng rehimen. Sinasalakay ng militar ang mga lokal na istasyon ng midya upang i-censor ang mga balitang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan at demokratikong kilusang masa.

Sa pangunguna ng Joint Task Force Bicolandia, dinanas ng midyang Bikolano ang pasistang hagupit ni Duterte. Ilang mga kagawad ng midya ang inaresto sa Catanduanes at Camarines Norte. Hindi bababa sa limang mamamahayag mula sa Albay, Sorsogon at Masbate ang pinaslang ng militar at pulis. Hindi linulubayan ng panghaharas at pananakot ng militar ang mga brodkaster ng malalaking istasyon ng radyo at online newspaper sa rehiyon.

Sa nalalabing termino ng rehimen, inaasahang sasahol pa ang pag-aasam ng rehimeng Duterte na mapanatili ang kanyang pasistang kapangyarihan. Tiyak nitong iluluwal pa ang pinakamasasamang pasistang atake laban sa independyenteng midya. Lalong umuugong ang hamon sa midya: walang puwang sa bulag na nyutralidad at pananahimik.

Ang pagpapabagsak sa pasistang rehimeng US-Duterte ay isang hakbang pasulong sa pakikibaka ng midyang Pilipino para sa tunay na malayang pamamahayag. Ano’t anuman, ang daluyong ng armadong rebolusyonaryong kilusan ang pinakamatalas nilang armas upang ganap itong makamit.

Hamon para sa Midya: Ibagsak ang Press Freedom Predator na Rehimeng US-Duterte!