Higit na malaki ang rebolusyonaryong mithiin kaysa alok na amnestiya ni Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa talumpati kahapon sa harap ng Kongreso ng Pilipinas, inanunsyo ni Marcos na maglalabas siya ng proklamasyong amnestiya para sa lahat ng magsusuko ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Nananatiling matapat ang mga komunista at rebolusyonaryong mandirigma sa mga mithiin ng mamamayang Pilipino. Mahigpit na itinatakwil ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan ang mapanlinlang na alok ni Marcos para sa amnestiya at pagsuko. Puspusang ilalantad at tutuligsain ito bilang dagdag na kasangkapan ng panlalansi at pang-aapi.

Ang rebolusyonaryong adhikain para sa ganap na pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan ay higit na malaki kumpara sa anumang alok na amnestiya ni Marcos. Kumikilos ang mga rebolusyonaryo hindi sa makasariling paghahangad ng ganansyang personal, kundi dahil sa buong-pusong katapatang maglingkod at makibaka kasama ang sambayanan.

Malaking insulto ang amnestiyang alok ni Marcos. Maling-mali siya sa pag-aakalang ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ay dudulog sa kanya para lamang sa ilang pabuya kapalit ng pagsuko sa higit na malaking adhikaing ng mamamayang pinaglaanan nila ng kanilang buhay.

Ipinakikita ng kasaysayan kung paanong ginamit ng kontra-rebolusyonaryong estado ang pag-aalok ng amnestiya bilang inasukalang bala laban sa mga pwersang rebolusyonaryo. Ang kolonyal na gubyerno ay nag-alok ng amnestiya sa tagapagtanggol ng kalayaan na Pilipinong si Macario Sakay noong 1905, ngunit pinatay kalaunan noong 1907. Noong 1946, ang ilang mga lider ng Hukbalahap ay nalansi ng amnestiya ni Quirino bago patayain ilang buwan pagkatapos.

Matapos maluklok sa poder sa kumbinasyon ng kudetang militar at higanteng kilusang masa, natulak sina Corazon Aquino at Gloria Arroyo na magdelara ng amnestiya at palayain ang marami-raming mga bilanggong pulitikal. Ngunit hindi naglaon ay naglunsad ang kanilang rehimen ng brutal na gera ng panunupil na kinatangian ng mga pagpaslang at pagmasaker.

Pagsasangang-dila ang pag-aalok ni Marcos ng amnestiya sa mga susuko habang halos 800 bilanggong pulitikal ang nasa kulungan, at araw-araw, inaaresto at inuusig ang mga tao dahil sa kanilang paniniwalang pampulitka at paninindigang panlipunan. Sa ilalim ng tinatawag nitong “gera kontra teror,” ang mga organisasyong masa kahit saan ay sinusupil at inaatake, gamit ang ekstra-ordinaryong mapanupil na kapangyarihan sa ilalim ng tinatawag na Anti-Terrorism Law.

Ganap na walang katotohanan at malayo sa reyalidad ang pahayag ni Marcos na ang “mga programang para sa kaunlaran at kabuhayan sa komunidad” ay epektibong “nakatutugon sa ugat ng sigalot sa kanayunan.”

Ipinagyabang ni Marcos ang Barangay Development Program (BDP) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), ang mga farm-to-market road at ang “New Agrarian Emancipation Act,” na pawang nagpapanatili sa batayang mga suliranin ng inhustisyang panlipunan at kahirapan, na nakaugat sa usaping ng kawalan ng lupa.

Ang deklaradong plano ni Marcos na maglabas ng proklamasyong amnestiya ay alinsunod sa tinaguriang “lokalisadong usapang pangkapayapaan” at “kampanyang pagpapasuko” kung saan ang mga komunidad sa kanayunan ay sinasakop ng militar (hamlet) at ipinaiilalim sa mga operasyong saywar, intelidyens at kombat ng AFP. Sa nagdaang limang taon o higit, ilampung libong mga sibilyan ang huwad na ipinaradang mga “sumurender” nang hindi kinakasuhan sa korte, taliwas sa kanilang mga karapatang sibil at pampulitika.

Araw-araw pinahihirapan ang masang magsasaka ng lumulubhang mga porma ng pang-aapi at pagsasamantala. Malala pa, ang mga nagpapahayag ng kanilang mga hinaing at pinipiling igiit ang kanilang mga kahingian ay ipinaiilalim sa pampulitikang panunupil ng armadong mga ahente ng reaksyunaryong estado. Laganap sa kanayunan at walang pakundangan ang pang-aabusong militar at pulis, sadyang mga pagpatay, tortyur, labag sa batas na detensyon, sapilitang pagkawala at ibang mga paglabag sa karapatang-tao.

Binabalewala ng rehimeng Marcos ang malakas na sigaw ng mayorya ng magsasakang populasyon para sa tunay na reporma sa lupa, at ang kahingian ng mamamayang Pilipino para sa pambansang industriyalisasyon. Kinakatawan nito ang interes ng imperyalismong US at mga naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Malawakan ang dislokasyon sa kabuhayan at krisis sa agrikultura sa kananyunan. Daan-daang libong mga magsasaka at minoryang mamamayan ang inaagawan ng kanilang lupa at kagamitan sa produksyon. Lupang agrikultural at lupang ninuno ang kinakamkam ng mga plantasyon at operasyong mina, real estate, konstruksyon ng mga dam, ekoturismo, pang-enerhiya “malinis,” at iba pang proyektong pang-imprastrukturang pinopondohan ng dayuhan. Milyun-milyong magbubungkal at mangingisda ang nababangkarote ng walang-pakundangang importasyon ng bigas, asukal, gulay at iba pang produktong pang-agrikultura at pandagat.

Higit kailanman, kagyat, makatarungan at kinakailangan isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, katuwang ang lahat ng iba pang mga porma ng pakikibaka. Sa lantarang pangangayupapa ni Marcos sa US, korapsyon, pabigat na mga patakarang pang-ekonomya, pampulitikang panunupil at terorismo ng estado, siya mismo, bilang negatibong halimbawa, ang nagpapakita sa mamamayan ng pangangailangang mag-armas at tahakin ang landas ng armadong paglaban.

Higit na malaki ang rebolusyonaryong mithiin kaysa alok na amnestiya ni Marcos