Hindi kapayapaan kundi ligalig ang hatid ng pambobomba at operasyong militar ng AFP

Ang artikulong ito ay may salin sa Iloco

Ang walang puknat na focused military operations ng AFP ang nagbunsod sa maghapong sagupaan ng New People’s Army at 50th Infantry Battalion noong Abril 2, 2024 sa boundary ng Sta. Maria, Ilocos Sur at Pilar, Abra.

Sa ulat ng mga residente at kanilang mga post sa social media, kitang-kita sa mga bidyo kung gaano kalapit sa kabahayan ang pambobomba at istraping ng Philippine Air Force, at ang matinding takot na dulot nito sa mga sibilyan.

Pinalikas ang 212 pamilya o 650 indibidwal mula sa Barangay Babalasioan, Sta. Maria at Barangay Nagcanasan, Pilar kung saan dalawang nagpapasusong ina at kanilang mga sanggol ang sapilitang napasama sa ebakwasyon.

Ang eryang nilunsaran ng pambobomba, istraping at operasyong kombat ng AFP ay malawak na taniman ng tabako, mais at palay. Kung kaya’t malala ang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka na sapilitang iwan at hindi pa mabalikan ang kanilang taniman. Dagdag pasakit ito sa magsasaka, lalo na’t ang Abra at Ilocos Sur ay matindi ring tinatamaan ngayon ng El Niño.

Walang pakundangan ang AFP sa paglulunsad nito ng mga operasyong pambobomba. Di umano’y pinapanatili nito ang kapayapaan sa mga probinsya ng Ilocos at Cordillera sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga ito ay “malaya na sa insurhensya.”

Unang una, anong kapayapaan ang madarama ng mamamayan sa sindak, panganib at trauma na dulot ng pambobomba at matinding putukan sa kanilang paligid, na sinasabayan pa ng saywar at tuloy-tuloy na harassment sa kanila? Bago pa ang pambobomba noong Abril 2 ay walang-puknat ang militarisasyon sa mga komunidad, kung saan pinagbibintangang supporter ng armadong kilusan ang mga nananawagan para sa mga lehitimong kahilingan ng mamamayan. Nagdadala rin ng ligalig at pangamba sa araw-araw ang palagiang “pagbisita” sa pinuno at myembro ng mga organisasyong masa sa baryo ng mga kasundaluhan at kapulisan. Kahit na maliwanag na sila ay buong panahong nagsasaka o nangingisda sa komunidad, sila raw ay mga gerilya sa kabundukan at maramihan silang “pinapasuko”.

Isang malaking sirkus ang palabas ng gobyerno at ng AFP na mga “surrenderees” ang mga inosenteng sibilyan ito. Makailang beses na nabistong gawa-gawa ang mga litratong pinopost nila sa social media ng “oath-taking ng surrenderees.” Nagiging balon lamang ng korapsyon ang mga cash incentives at livelihood programs ng rebel returnees dahil bukod sa hindi naman ito buong ibinibigay ay pinagkakakitaan ito ng mga pulis, army at intelligence na nagpaparamihan ng “mapapasuko.” Isang surrenderee, isang bagsak ng libo-libong pera.

Pangalawa, kung sa araw-araw ay binabagabag sila ng papataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng katiyakan sa kabuhayan at makakain, nasaan ang kapayapaan doon? Sumusugal ang masang magsasaka sa tuwing taniman sa pamamagitan ng pag-utang ngunit nauuwi sila sa pambabarat ng mga komersyante’t kapitalista. Ang mga mangingisda ay dayuhan sa sarili nilang karagatan. Ang mga commercial fishing vessels ang nagmomonopolyo ng mga isda habang ginigipit ng mga ahensya ng gobyerno ang maliliit na mangingisda sa pamamagitan ng zoning at pagpaparehistro. Banta rin sa kabuhayan ng mamamayan ang mga operasyong militar na inilulunsad ng AFP.

Lansakang paglabag sa International Humanitarian Law at ng Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law ang ganitong klase ng operasyong militar. Bilyon-bilyong pondo ng mamamayan ang winawaldas ng AFP sa walang kakwenta-kwentang mga operasyong militar na nito. Anong kapayapaan ang inihahandog nito sa masang magsasaka at mangingisda? Wala, kundi pekeng kapayapaang pinapanatili ang kalunos-lunos na kalagayan ng masang anakpawis.

Ang tanging mapayapa at maaliwalas na landas ng masang magsasaka at mangingisda ay ang landas ng bagong demokratikong rebolusyon. Ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang tanging mag-aangat sa kabuhayan at antas ng pamumuhay ng masang anak-pawis. Pilit itong pinipigilan ng naghaharing uri sa marahas at teroristang pamamaraan.

Sa kabila ng taon-taong deklarasyon ng pamahalaan ng pagkadurog sa CPP-NPA, taon-taon din namang pinapatunayan ng rebolusyonaryong kilusan na hindi ito magagapi kailanman. Ang balon ng lakas at dugo na nagtitiyak sa pagpapatuloy ng rebolusyon ay nagmumula sa mithiin ng mamamayan para sa mas makatarungan at mapayapang lipunan.#

Hindi kapayapaan kundi ligalig ang hatid ng pambobomba at operasyong militar ng AFP