Huling Mensahe ni Jose Maria Sison sa Partido at sambayanang Pilipino Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisayaChineseWaray

Buong paghihinagpis na ako na ang maglalabas ng huli at katapusang mensahe ng aking asawa sa mga rebolusyonaryong pwersa at sambayanan sa ika-54 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sinimulan niyang talakayin sa akin ang balangkas at pagsusulat ng mensahe ilang araw isang buwan na ang nakararaan matapos lamang makalabas sa ikalawa niyang pagkaka-ospital noong Nobyembre at bago nagsimula ang ikatlo at huling pagkaka-ospital niya noong Nobyembre 28. Sinulat niya sa papel ang unang borador, na ipinasok ko sa kompyuter na kanyang muling binasa at dalawang ulit na iwinasto para mabuo ang huling borador na ito.

Mga labinlimang minuto bago ang huling hininga ni Joma, tungkol pa rin sa pagtitiyak ng pagtatagumpay ng rebolusyon at pag-abante sa sosyalismo ang kanyang mga sinasabi. Hanggang sa huli niyang pag-iisip ay tiwala siya sa sambayanang Pilipino na kanyang pinaglingkuran ng buong katatagan.

—Editor

___________________

Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino

Jose Maria Sison, Founding Chairman
Communist Party of the Philippines

December 26, 2022

Mula nang muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 at ang maagap na pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969, lahat ng reaksyunaryong rehimen ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas (mula panahon ni Ferdinand Marcos Sr hanggang kasalukuyan) ay gumamit at nagpatupad ng estratehikong pang-operasyon plano para wasakin ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.

Subalit laging lubos na nabigo ang mga estratehikong “oplan” at sa halip ay nagresulta sa makabuluhang paglago ng rebolusyonaryong kilusan. Pinatawan pa ng pasistang diktadura ni Marcos ang bayan noong 1972 hanggang 1986 sa tabing ng pagsupil sa PKP at sa armadong rebolusyon, “pagsalba sa republika at pagtayo ng bagong lipunan.” Subalit ang pag-agaw niya sa kapangyarihan ay lalo lamang nagpasigla at nagpabilis sa lahatang-panig na paglago ng rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Kalaunan, binigyang-inspirasyon at sinuportahan ng armadong rebolusyon ang mga pangmasang pag-aalsang bayan sa Metro Manila at buong bansa upang patalsikin sa poder ang pasistang diktadura.

Sinubukang gamitin ng huwad na mga liberal demokratikong rehimeng kasunod ng pasistang diktadurang Marcos ang kani-kanilang pangmilitar na estratehikong “oplan” gamit ang mga taktika ng panlilinlang, kabilang ang pag-aalok ng matagalang tigil-putukan at usapang pangkapayapaan na hindi nilulutas ang mga ugat ng armadong tunggalian o gera sibil. Lahat ng reaksyunaryong rehimen ay nahumaling sa hangaring durugin ang rebolusyonaryong kilusan at panatilihin ang di makatarungang naghaharing sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.

Anumang oras ay ginagamit ang baraha ng kontra-terorismo upang ibalam, suspendihin o tapusin ang usapang pangkapayapaan, sa kabila ng mga mayor na magkasanib na kasunduan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines tulad ng The Hague Joint Declaration noong 1992 bilang balangkas ng usapang pangkapayapaan at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law noong 1998.

Sa kabila ng usapang pangkapayapaan, bawat reaksyunaryong rehimen ay nagsagawa ng mga pagpatay sa mga kadre at kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Nang madakip ng BHB si General Obillio ng reaksyunaryong armadong pwersa sa ilalim ng CARHRIHL at internayunal na batas noong 1998, kaagad nitong idineklara ang kahandaang palayain siya bilang bihag sa digma matapos pagkasunduan ang ligtas na proseso ng pagpapalaya sa kanya. Subalit patuloy na ikinaglit ito ni Estrada at ginamit ang pagkadakip sa kanyang heneral upang maging unang reaksyunaryong presidente na nagtapos ng usapang pangkapayapaan noong Mayo 1999.

Matapos siyang pabagsakin ng pangmasang pag-aalsa ng bayan noong 2001, nakipagkasundo ang rehimeng Arroyo na muling buksan ang usapang pangkapayapaan noong 2002, kasama ang Royal Norwegian Government bilang third-party facilitator. Subalit noong 2004, malinaw nang sinusunod ng rehimeng Arroyo ang dikta ng US na iantala ang negosasyon sa sustantibong mga isyu at walang-taning itong isuspinde at maglunsad ng mas malalaking operasyong militar sa ngalan ng “whole-of-nation-approach.” Bigong-bigo ang mga operasyong militar na durugin ang digmang bayan. Ang nauulol na anti-komunistang defense secretary malao’y magpapakamatay nang malantad ang kanyang korapsyon sa paghawak sa badyet ng militar at maging sa pondo sa pagreretiro ng mga upisyal at tauhan ng AFP.

I. Lubos na pagsabotahe sa usapang pangkapayaang GRP-NDFP

Subalit ang pinakamalala ay nang magpresidente si Duterte. Nagpanggap siyang pursigidong makipag-usapang pangkapayapaan subalit isinagawa niya ang isang patakaran todo gera laban sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagpapalawig ng Oplan Bayanihan ni Aquino hanggang Enero 2017 nang sinimulang ipatupad ang Oplan Kapayapaan. Sa halip na makiisa sa NDFP sa paglutas sa mga ugat ng gera sibil sa pamamagitan ng mga batayang reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika, nagkonsentra siya sa di importante at kalokohang mga taktika para itulak ang rebolusyonaryong kilusan na sumuko sa pamamagitan ng paghingi sa demokratikong gubyernong bayan na isuko ang lehitimo nitong kapangyarihan, pag-alok ng mga kinatawan ng PKP sa kanyang gabinete kahit wala pang kasunduang pangkapayaan, at pagkatapos ay kontrahin ang sarili nang isinama ang BHB sa target ng kanyang proklamasyong batas militar laban sa grupong Maute sa Mindanao noong 2017.

Matapos mabigo sa makitid na layuning isahan ang NDFP, sumang-ayon si Duterte sa kanyang mga tauhang militar na ihinto ang seryosong usapang pangkapayaan sa NDFP sa pamamagitan ng paglikha ng ingay ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan” na nasa ilalim ng sarbeylans at kontrol ng GRP. Nahumaling si Duterte at mga upisyal ng AFP sa pagpapalaki ng badyet ng militar para sa walang kabusugang korapsyon at operasyon para sa pagred-tag, paninindak at mga pagdukot, pagbimbin, pagtortyur at pagpatay sa kanyang mga kalaban sa pulitika. Kaya, inilatag ang batayan para tapusin ni Duterte ang usapang pangkapayapaang GRP-NDFP noong Nobyembre 23, 2017 matapos hayagang kumunsulta kay US President Trump.

Ang pagtatapos ni Duterte sa usapang pangkapayapaan mula 2017 ay ginawa hindi lamang bilang taktika sa negosasyon kundi simula ng permanenteng pagwawakas sa usapang pangkapayapaan. Kasunod nito, pinangalanan at itinalaga ni Duterte ang PKP at BHB noong Disyembre 5, 2017, at isinunod rin ang NDFP, nilikha ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NT-Elcac) at sinamantala ang pandemyang Covid-19 para isagasa ang Anti-Terror Law (ATL) sa sunud-sunuran Kongreso at likhain ang Anti-Terrorism Council para ipailalim muli ang Pilipinas sa terorismo ng estado o pasistang diktadura, walang-pakundangang labagin ang pambansa at demokratikong mga karapatan ng bayan at bigyang-daan ang pagtatraydor, tiraniya at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan.

Sa anti-nasyunal at anti-demokratikong balangkas na ito, ipinasa ni Duterte ang reaksyunaryong gubyerno at naghaharing sistema sa tambalang Marcos Junior-Sara Duterte sa pamamagitan ng lubos na pagkontrol sa automated na sistemang eleksyon at paggawa ng 20 milyong boto pabor sa tambalan at mga kandidato sa Kongreso at lokal na pwestong ehekutibo. Ang umiiral ngayong rehimeng Marcos-Duterte ay nasa ilalim ng dikta ng imperyalismong US at ng malalaking komprador-burukratang interes ng mga dinastiyang Marcos at Duterte, at magpapatawad at magpapatuloy sa higanteng mga krimen ng nagdaang rehimen hanggang sa panahong kakayanin na ng mga pwersang oposisyon, rebolusyonaryong kilusan at malawak na masa ng sambayanan, na kumilos para baguhin ang sitwasyon sa Pilipinas.

Samantala, magdurusa ang sambayanang Pilipino sa tumataas na antas ng pang-aapi at pagsasamantala dahil sa lumalalang pamalagiang krisis ng naghaharing sistema at mga patakarang kontra-pambansa at kontra-demokratiko ng tambalang Marcos-Duterte. Araw-araw, pinagdurusahan, sinasalungat at nilalabanan nila hindi lamang ang madudugong paglaban sa karapatang-tao, kundi pati ang pekeng mga balita ng kampanyang saywar ng mga nasa kapangyarihan na isinuko na ng sambayanang Pilipino at ang kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ang rebolusyonaryong pakikibaka para pambansang kalayaan at demokrasya.

Lubos na kasinungalingan na lumiliit at nagugupo ang mga rebolusyonaryong pwersa ng bayan at na ang mga Pulang kadre, kumander at mandirigma–pawang subok at pinanday sa mahigit 54 ng matagumpay na digmang bayan–ay maramihang napapatay o nadadakip sa mga nakapokus na operasyong militar o sumusurender dahil sa mga solusyong pantapal tulad ng batbat sa korapsyon na Enhanced-Comprehensive Local Integration Program, Community Support Program at Barangay Development Program. Pero hingi pa rin naman nang hingi ang naghaharing pangkatin at mga utusang militar ng mas malaking pondong pampubliko hindi lang para sibasibin ang mamamayan kundi para din makapagbulsa ng mas malaking bahagi ng badyet militar.

Ang totoo, upisyal na inamin ng reaksyunaryong armadong pwersa na lumakas ang BHB sa panahon ng rehimeng Duterte. Sa pagtatapos ng rehimeng Aquino II noong Enero 2016, nang sinabi nilang tagumpay ang Oplan Bayanihan, inianunsyo nila na 3,900 na lamang ang bilang ng kumander at mandirigma ng BHB. Ngayon, sinasabi nila sa pagtapos ng rehimeng Duterte na napasurender nila ang halos 24,000 Pulang mandirigma. Hindi sinasadya na inilantad nila ang sarili nila na malalaking sinungaling at magnanakaw ng badyet at inaaming lumawak pa nga ang BHB sa panahon ng rehimeng Duterte.

II. Bakit hindi magagapi ang demokratikong rebolusyong bayan

Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyong ng sambayanang Pilipino dahil makatarungan at kailangang ipaglaban at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya laban sa tatlong buhong na pwersa ng dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo sa mabilis na naaagnas na lipunang malakolonyal at malapyudal. Itong bagong demokratikong rebolusyon ay pagpapatuloy ng lumang demokratikong rebolusyon na sinimulan nooong 1896 ng Katipunan na nagtagumpay laban sa kolonyal na paghahari ng Espanya subalit nagapi ng gerang agresyon ng US na nagsimula noong 1898. Sa panahong ito, ang namumunong uri sa rebolusyon ay hindi na ang liberal na burgesya kundi ang proletaryado sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Habang ang nabanggit na tatlong pwersang buhong ay naghahari at umaapi sa bansang Pilipino, mananatiling mataba ang lupa para lumakas at sumulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Ang pamalagiang krisis ng naghaharing sistema ay lumalala hindi lamang dahil sa mga salik ng pagsasamantala at pang-aapi sa loob ng Pilipinas kundi ng sa pandaigdigang sistemang kapitalista, pangunahing ang monopolyong kapitalismong US. Mapalad ang Pilipinas na mayroon itong mayamang likas na rekurso para sa sariling pag-unlad, pero sa kasamaang palad, laging nagkakasundo ang mga imperyalistang kapangyarihan at ang kanilang mga reaksyunaryong papet na samantalahin ang murang lakas-paggawa ng masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at ang mayamang likas na rekurso ng sambayanan.

Sa bawat mayor na pihit ng patakarang pang-ekonomya nito sa East Asia, laging tinitiyak ng imperyalismong US na pigilan ang kaunlarang pang-ekonomya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas. Nakita natin ang gayong penomenon nang pinaburan ng US ang rekonstruksyon at pagpapalawak ng ekonomya ng Japan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang paglago ng ekonomya ng mga “tigreng ekonomya” para magsilbing anti-komunistang unang hanay noong Cold War at nang itinaguyod nito ang neoliberalismo at pasismo at pinaulad ang neoliberal na pakikipagtuwang sa China hanggang sa kasalukuyang pagpuputol at papatinding kompetisyong pang-ekonomya at ribalan sa pulitika.

Sa itinakbo ng pinakamalapit na neoliberal na pakikipagtulungan sa China, hinikayat at pinahintulutan ng US at mga punong papet ng Pilipino ang China na manghimasok sa West Philippine Sea para magkaroon ang US ng dahilan na ikutan ang pagbabawal sa konstitusyon sa mga dayong base militar at pwersa sa Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement para pahintulutan ang mga pwersang militar ng US na magkaroon ng ekslusibong mga base at pasilidad sa loob ng mga kampo at reserbasyong militar ng reaksyunaryong armadong pwersa. Pero ngayon, litaw ngayon ang pakikipagtunggali ng US sa China sa pagdambong sa likas na yaman ng Pilipinas at ng buong ASEAN.

Higit kailanman pursigido ang China na hawakan ang kanyang mga artipisyal at militarisadong isla sa West Philippine Sea dahil ang sarili nitong eksplorasyon sa ilalim ng dagat ay nagpapakitang mayroong di bababa sa $26.3 trilyong halaga ng gas, higit sa kailangan para ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon ng Pilipinas, at gayo’y tuparin ang pangunahing hinihinging sosyo-ekonomiko sa usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP. Sa kabila ng lahat ng pagpapakabanal at makinang na mga salita ng pagtulong sa pag-unlad ng ASEAN at pagbawas ng carbon emission pagsapit ng 2030, nagpupursige ang China na agawin ang yamang gas, pandagat at iba pang likas na rekurso ng mamamayang Pilipino sa West Philippine Sea.

Bangkarote ang ekonomya at gubyerno ng Pilipinas dahil sa panloob na sakit nito at sa hindi pa napapantayang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Dahil sa sagarang korapsyon, pagkokonsumong nakasalalay sa importasyon at sobrang gastos militar, mahigit dalawang ulit na pinalaki ng rehimeng Duterte sa loob ng anim na taon tungong ₱12.5 trilyon ang pampublikong utang ng Pilipinas na ₱5.9 trilyon na naipon mula 1902. Tinulungan niya si Marco Jr sa pamamagitan pagpeke ng 20 milyong boto noong nakaraang eleksyon, pero malaking problema ang ibinigay saan hahanap ng ₱1.6 trilyon para magbayad ng amortisasyon at interes para suportahan ang ₱5.2 trilyong badyet sa 2023.

Niyayanig ngayon ang Pilipinas sa napakasamang kundisyon ng depresyong pang-ekonomya, pagbagsak ng eksport ng hilaw na materyales at paggawa, pagbawas ng kita sa buwis at mahigpit na internasyunal na pautang. Napakatarik ng pagbagsak ng produksyon at empleyo. May sobrang pagbagsak sa produksyon ng pagkain, kabilang ang bigas, mga gulay at isda, at pumapailanlang ang implasyon. Subalit ipinakakalat ng naghaharing pangkating Marcos-Duterte ang masakit na biro na pwede namang bumili ang mamamayan ng imported na pagkain, sa kabila ng malaking pagbagsak ng kita mula sa pag-eksport ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa.

Galit na galit ang sambayanang Pilipino na ang dalawa sa pinakamasahol na dinastiyang pampulitika (mga Marcos at Duterte) ang naghahari sa Pilipinas, walang solusyon sa saligang suliranin ng bayan, habang sangkot sa pinaka-eskandolosong anyo ng korapsyon (halimbawa, ang di tinutuos na pondong confidential at pang-intelidyens) at paglaki ng badyet ng militar para sindakin ang mamamayan at supilin ang paglaban ng masa sa kabila ng linyang saywar na durog na ang mga rebolusyonaryong pwersa o na ang aktwal nilang lakas ay limang larangang gerilya na lamang sa buong bansa.

III. Patuloy na mabibigo ang armadong kontrarebolusyon

Patuloy na mabibigo ang isinasagawang armadong kontrarebolusyon ng naghaharing tambalang Marcos-Duterte dahil ginagawang imposible ng obhetibong kalagayan ng mabilis na lumalalang krisis ng naghaharing sistema para maghari sa dating paraan ang mga naghaharing uring malalaking komprador at panginoong maylupa at kanilang mga burukrata (huwad na liberal man o pasistang paraan); at dahil ang mga suhetibong pwersa ng rebolusyonaryong kilusan at ang malawak na masa ng sambayanan ang silang tunay na nag-iipon ng lakas at nagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa ilalim ng maka-uring pamumuno ng proletaryado at alinsunod sa pangkalahatang linya ng matagalang digmang bayan.

Bilang abanteng destakamento ng proletaryado, malalaki ang nakamit ng PKP sa kanyang gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ginagabayan ito ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at inilapat ito sa kasaysayan at kasalukuyang kalagayang panlipunan ng sambayanang Pilipino. Iniabante nito ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan na may estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at may perspektibang sosyalista. Itinataguyod nito ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo at naitatag ang pambansang organisasyon na mahusay na nakasanib sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at iba pang bahagi ng mamamayan.

Imposible na mapipigilan ng reaksyunaryong estado ang mga kadre ng PKP na ipatupad ang kanilang mga tungkulin sa gawaing ideolohiya. Sa paglipas ng mga taon at dekada, sa pangunguna ng Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong, nakapagbigay-edukasyon sila sa mas marami pang kadre at kasapi ng Partido sa takbo ng paggagawaing masa and naipadaan sila sa batayan, intermedya at abanteng antas ng edukasyon ng Partido matapos makuha ang rebolusyonaryong araling pangmasa para sa mga aktibistang masa.

Napakaraming paraan na maisagawa ang mga rebolusyonaryong pag-aaral na hindi kayang tiktikan ng kaaway at napakarami ngayong magagamit sa pag-aaral na nakalimbag man o digital.

Sa kanilang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya, itinuturing ng sambayanang Pilipino ang PKP bilang pinakaimportanteng rebolusyonaryong sandata para sa pamumuno sa demokratikong rebolusyong bayan. Sa panig nito, ginagamit ng PKP ang dalawang makapangyarihang sandata, ang armadong pakikibaka at nagkakaisang prente (sa anyo ng Bagong Hukbong Bayan at ng National Democratic Front of the Philippines). Ang BHB ang pangunahing pwersa para sa paglaban at paggapi sa mapaniil na aparato ng reaksyunaryong estado at para maitayo ang bagong demokratikong gubyerno. Ang NDFP ang responsable sa pagbubuo ng komprehensibong pambansang nagkakaisang prente at pagkabig sa sampu-sampung milyong mamamayan sa panig ng rebolusyon laban sa armadong kontrarebolusyon.

Dinadala ng BHB ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Sa malakolonyal at malapyudal na bansang tulad ng Pilipinas, makikita sa kanayunan ang pinakamalapad na posibleng panlipunan at pisikal na tereyn at erya para sa maniobra para sa pagpapalakas ng hukbong bayan sa pagdaan sa mga estratehikong yugto tulad ng depensiba, pagkapatay ac kontra-opensiba. Karamihan ng mga tao’y nasa kanayunan. At ang pangunahing demokratikong nilalaman ng *digmang bayan* ay rebolusyong agraryo, na sumasagot sa pangunahing demokratikong kahingian para sa lupa.

Tungkuling isulong ng BHB ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban, isakatuparan ang tunay na reporma sa lupa mula sa minimum tungong maksimum na antas at itatag ang rebolusyonaryong baseng masa. May mayor na papel ito sa pagtatayo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika na bumubuo ng demokratikong gubyernong bayan, at pagsusulong ng mga kampanyang masa para sa edukasyon at organisasyon, reporma sa lupa at kaunlarang sosyoekonomiko, pagtatanggol-sa-sarili, paglutas sa mga sigalot, pangangalaga sa kalikasan at iba pang importanteng tungkulin.

Alinsunod sa yugto ng estratehikong depensiba, naging matagumpay ang BHB sa pagsulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalapad at papalalim na baseng masa. Pinahintulutan nito ang BHB na magtayo ng mga larangang gerilya sa umpisa sa ilang erya at rehiyon at malao’y sa labing-isang mayor na isla na tinitirahan ng 94% ng mamamayan. Ngayon, kumikilos ang BHB sa 74 sa 82 prubinsya ng Pilipinas at taglay ang suporta ng sambayanang Pilipino at ng NDFP sa lahat ng prubinsya ng Pilipinas.

Ipinagmalaki ng bawat reaksyunaryong rehimen na kaya nitong durugin ang armadong rebolusyon sa loob ng termino ng sinumang presidente. Subalit tinatakdaan ang kakayahan nito na kontrolin ang populasyon at supilin ang paglaban ng bayan ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng naghaharing sistema at ng papalala nang papalala nitong pamalagiang krisis. Anumang sandali, malaya ang BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa na kumilos at maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa mahigit 80 porsyento ng buong kapuluan ng Pilipinas.

Siyempre, gagawin ng reaksyunaryong armadong pwersa at pulis ang lahat ng kaya nila upang tukuyin ang mga larangang gerilya ng BHB at itarget ng nakapokus o konsentradong mga kampanyang militar. Subalit lubos na napakinabangan ng BHB ang estratehiya at taktika ng pakikidigmang gerilya. Kapag umaabante ang superyor na pwersa ng kaaway, umaatras ang pangunahing pwersa ng BHB subalit naglalatag ng mga commande-detonated na land mine at mga pangkat ng mga snayper laban sa umaabanteng kaaway. Kapag pinasok at hinawakan ng kaaway ang isang erya ng larangang gerilya, minamanmanan ng BHB ang pakat ng kaaway upang alamin paano iharas ang kampo ng kaaway, birahin ang mga gwardya sa perimetro at tambangan ang mga yunit na nagpapatrulya.

Kapag ang nakakampong kaaway ay napagod at umatras, BHB naman ang aabante at magdadala ng mas opensibang pagbira. Pero habang mistulang nakalalamang ang kaaway sa pag-abante at pagkampo, ang pwersa ng BHB na taktikal na umatras sa isang larangang gerilya ay maaaring maglunsad ng mga taktikal na opensiba na kaya nitong pagtagumpayan sa mga kalapit na lugar. Pinakamasama para sa kaaway, katulad ng karaniwang nangyayari, sa maraming larangang gerilya sa isang rehiyon at sa lahat ng iba pang rehiyon, pwedeng kunin ng BHB ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanilang sarili sa pakikibaka at pagtulong sa mga larangang gerilya na nasa pokus o konsentradong atake ng kaaway.

Sa kabuuan ng kanyang kasaysayan, mahusay at matagumpay ang PKP sa pagtatayo ng pambansang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng pamumuno at pagkoordina sa kanila sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka at, sa larangan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, paggamit ng isang nakatayong larangang gerilya para mag-anak ng ibang larangang gerilya sa isang rehiyon at magbigay ng makaranasang mga kadre ng PKP at kumander at mandirigma ng BHB sa ibang mga rehiyon.

Ang naunang larangang gerilya sa Tarlac noong 1969 ay humantong sa pagbubuo ng ilang larangang gerilya sa Central, Northern at Southern Luzon mula 1969 hanggang 1971 at ang malaking alon ng mga pangkat pagpapalawak ng PKP-BHB sa Visayas at Mindanao mula 1972. At sa dekada rin ng 1970, ang mga larangang gerilya sa Visayas at Mindanao at nagpadala rin ng mga makaranasang kadre ng PKP at kumander ng BHB sa Luzon. Malalim na malalim nang nakaugat ang PKP, BHB at NDFP sa buong bansa at mahigpit na nakasanib sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at ibang bahagi ng mamamayan.

IV. Tinatanaw ng demokratikong rebolusyong bayan

Ang demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ay nasa yugtong ng estratehikong depensiba, umaabante sa panggitnang bahagi tungo sa abanteng bahagi. Sa kongkreto, pakikibakang gerilya ang pangunahing anyo ng armadong pakikibaka na isinusulong sa buong bansa. Kasabay nito, umusbong ang mga kumpanya ng BHB mula sa mga platun bilang paghahanda para sa pagkukumpleto ng estratehikong depensiba at sumulong sa estratehikong pagkapatas kung saan ang mga kumpanya at batalyon ay magkakaroon ng mas malaking papel sa mga taktikal na opensiba.

Malamang na ang estratehikong pagkapatas na may mga kumpanya at batalyon ng BHB ay mas maiksi kaysa matagalan nang estratehikong depensiba. Ang mga pwersang ito na nasa matatag nang mga baseng erya ay maaaring ipunin bilang mga rehimento at batalyon sa mas maiksing panahon para sa estratehikong kontra-opensiba para agawin o pwersahin ang pagsurender ng huli, pinakamatibay at nahihiwalay na natitirang pwersa ng kaaway. Ito ay isa lamang sa mga malamang na maaaring itatakbo batay sa mga nagtagumpay na mga gera sibil. Subalit mayroon ding taliwas na pwedeng mangyari na maglulunsad ang imperyalismong US ng gerang agresyon laban sa mamamayan bago magtagumpay ang rebolusyong Pilipino.

Pursigido ang reaksyunaryong tambalang Marcos-Duterte na ituloy ang armadong kontrarebolusyon para ipreserba ang naghaharing sistema, paglingkuran ang interes ng imperyalismong US at gamitin ang kasalukuyang gera sibil para bigyang-daan ang gerang agresyon ng US. Walang mapagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan hindi lamang laban sa reaksyunaryong estado sa kasalukuyang gera sibil, kundi laban sa lumalaking panghihimasok militar at malamang na gerang agresyon ng imperyalismong US.

Subalit may lumalaking limitasyon sa kayang gawin ng US para pagharian ang Pilipinas, East Asia at ang buong mundo. Ito pa rin ang Number Unong kapangyarihang imperyalista subalit nasa estratehikong paghina ito mula sa pinakamalakas na inabot nito matapos naging solong superpower kasunod ng pagbagsak ng Soviet Union noong 1991, pagtuwang sa China sa globalisasyong “neoliberal,” pagpapalawak ng NATO, paglulunsad ng mga gerang agresyon sa ilalim ng tinatawag na patakarang neokonserbatibo, at paglustay ng $10 trilyon na walang nakamit na paglaki ng pagsasamantalahang teritoryo.

Ang hangganan ng kapangyarihan ng imperyalismong US ay nalantad ng kabiguan nitong saklutin ang yamang langis at magtayo ng 16 na base militar sa Iraq,
wasakin ang alyansang Syria-Russia-Iran, wasakin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Turkish at Kurdish at hawakan ang Afghanistan na isinurender nito sa Taliban. Sa kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, ginagamit ng US ang Ukraine bilang proxy para bantaan at udyukin ang Russia na maglunsad ng gera subalit ang sigalot ay humantong lang sa paglulustay ng rekurso kapwa ng imperyalismong Russia at US. Itinulak din nito ang mga alyado ng US sa NATO na maghinaing kung bakit dapat silang gumastos ng mas malaki para sa suplay sa enerhiya mula sa US kaysa murang langis mula sa Russia.

Sa kabila ng kamakailang ingay na nagsasabing kayang maglunsad ng US ng gerang agresyon pabor sa kanya laban sa China, DPRK at Russia, dapat paalalahanan ang mamamayan na nawala sa US ang kontrol nito sa mainland Asia at Eurasia noon pang ika-20 siglo matapos matalo sa serye ng mga gera. Ang hangarin ng imperyalismong US para sa mga gerang agresyon at ang peligro ng pandaigdigang gera at gerang nukleyar ay napipigilan pa ng takot na kapwa magkakaubusan at pagkaubos ng tao sa bahagi ng US at iba pang kapangyarihang nukleyar. Mas malaking banta pa sa sangkatuhan ngayon ang global warming kaysa gerang nukleyar.

Mabilis na lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista dahil sa sobrang akumulasyon ng monopolyong kapital at labis na paghuthot ng labis na halaga mula sa uring anakpawis at intelihensya. Umiigting ang lahat ng mayor na kontradiksyon tulad ng sa pagitan ng paggawa at kapital, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng aping mamamayan at bansa at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan at naghahangad ng demokrasya at sosyalismo.

Ang pagguho ng sistemang pampinansya noong 2008 ay lumala tungo sa isang pandaigdigang depresyon na malayong mas matagal at mas masidhi kaysa Great Depression noong dekada 1930 na humantong sa paglaka s ng pasismo at World War II. Pero sa ngayon, mayroon pang UN at mga multilateral at bilateral na relasyon ng mga estado sa pagitan kapwa ng nagtutunggaling mga imperyalista at mga bansa sa ikatlong daigdig na nagtataguyod sa sarili nilang pambansang soberanya at sa interes nila sa kapayapaan at pag-unlad na nagnanais na labanan ang pasismo at imperyalistang gera.

Ang masang anakpawis at buong sambayanan na nakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon ang nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa maliwanag na kinabukasan ng pandaigdigang kapayapaan at kasaganahan para sa lahat. Nagsusulong sila ngayon ng pakikibakang masang anti-imperyalista at demokratiko laban sa kasalukuyang pandaigdigang krisis na iniluwal ng rebisyunistang pagtatraydor sa sosyalismo, neoliberalismo at pasismo. Ito ang pasakalye sa panibagong pagdaluyong ng pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon.

Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino