Hindi matatakasan ni Duterte ang kanyang pagbagsak

Hindi linulubuyan si Duterte ng tunay na reyalidad: hinding-hindi na makapapayag ang mamamayan, higit ang masang Bikolano na makapagpalawig pa ng kapangyarihan ang tiranikong rehimen. Tuso mang maisiksik ang sarili sa poder, makaiwas sa anumang kriminal na paglilitis o muling basbasan ng kanyang imperyalistang amo, hindi makawawala ang haring pasista mula sa pag-uusig ng nagngangalit at namumuhing mamamayan. Pagbabayaran at pagbabayaran niya ang kanyang mga krimen sa bayan at sa sangkatauhan.

Ang panunungkulan ni Duterte ay isa sa pinakamasasahol sa kasaysayan. Walang singlupit na mga kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala ang idinulot ng kanyang pagpatay, pagpapakatuta, pagtatraydor at pangungurakot.

Kinabukasan ng lipunang Pilipino at napipintong pagkawala ng soberanya at patrimonya ng bansa ang naging kapalit ng kanyang imperyalistang pagpapakatuta. Traydor niyang isinuko sa Tsina ang karapatan at kalayaan ng bansa sa West Philippine Sea habang sa isang banda’y pinahintulutan ang Estados Unidos sa buu-buong pagkontrol sa ekonomya ng bansa. Tiniyak niya ang katapatan sa mga imperyalistang amo sa pamamagitan ng pagpapalakad ng bansa sang-ayon sa neoliberal at pasistang disenyo.

Ibinaon niya ang bansa sa neoliberal na pagkakapako at ibayong pinalubha ang krisis sa agrikultura, kabuhayan at paggawa. Itinulak niya ang ekonomya ng bansa sa pinakamatarik nitong pagbagsak bunga ng kanyang korupsyon at pandarambong. Higit niyang pinasidhi ang hindi pagkakapantay-pantay sa kanyang pabaya at militaristang pagharap sa pandemya at pagtalikod sa mga batayang serbisyo at pangangailangan ng lipunan upang tiyakin ang tubo ng kanyang among mga negosyante’t kapitalista.

Maramihang pagpaslang, armadong panunupil at terorismo ng estado ang haligi ng kanyang pasistang paghahari. Sa suportang pulitika at pinansyal ng US, ang gera kontra mamamayan ni Duterte, sa tabing ng pagsugpo sa droga at pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan, ang isa sa pinakamadugo at pinakabrutal sa kasaysayan. Ipinatupad ang de facto Martial Law, Oplan Kapanatagan at whole of nation approach sa bisa ng EO 70 – National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), total war, anti-komunista at kontra-teror na panunugis sa bandera ng Anti-Terror Law upang ibigay sa militar at pulis ang walang hangganang kapangyarihang mandahas at pumatay.

Sa Kabikulan, legasiya ni Duterte ang walang kaparis na paghihirap, kagutuman at pandarahas sa masang Bikolano. Pinairal niya ang maruming gera at neoliberal na disenyo sa rehiyon sa magkatambal na Bicol Regional Development Program (BRDP) at MO 32 – Bicol Regional Task Force-ELCAC. Katumbas ng di-matatawarang pagdumog ng dambuhalang mga proyektong imprastruktura, minahan, ekoturismo at iba pang dayuhang pamumuhunan sa rehiyon ang pagkalumpo ng lokal na produksyon. Daan-libong masang Bikolano ang inagawan ng lupa, inalisan ng kabuhayan at nawalan ng trabaho. Kasabay nito, muling nanguna ang Bikol sa dami ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang at masaker. Tumayo rin ang Kabikulan bilang isa sa mga pinakamilitarisadong rehiyon sa bansa.

Bagamat isa sa mga rehiyong mayor na pinokusan ng maruming gera ni Duterte, bigo ang rehimen na durugin ang rebolusyonaryong pagkakakaisa at pagkilos ng masang Bikolano. Sa halip, dahil sa kanyang limang-taong maruming gera, tiranong paghahari, pambansang kataksilan, katiwalian at kaakibat nitong ‘di-matatawarang kahirapan, kagutuman at kawalang -trabaho, higit na naging malinaw para sa mamamayang Bikolano ang pangangailangang pag-ibayuhin ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka. Higit pang napupukaw ang mamamayang Bikolano na magrebolusyon at humawak ng armas. Higit nilang nasapol ang kawastuhan ng paglahok sa makatarungang digma laban sa armadong panunupil ng naghaharing uri.

Sa nalalabing termino ni Duterte, tiyak niyang sasagarin ang paggamit sa pinakamasasamang elemento ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal upang supilin ang mamamayan at makapanatili sa poder. Hamon sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng rehiyon na pangibabawan ang takot at at pagkakasya sa dating nakagawian. Kailangan nilang higitan ang pinakamatinding reaksyunaryong atake ng higit pang matibay na pagkakaisa at kapasyahang lumaban. Tanging ang mamamayan at kanilang armadong rebolusyon katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang makapagpapabagsak sa isa sa mga pinakakinasusuklamang rehimen sa kasaysayan.

Hindi matatakasan ni Duterte ang kanyang pagbagsak