Hinggil sa pagsabog sa Jolo noong Agosto 24

Translation/s: English

Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas ang magkasunod na pagsabog noong Agosto 24 sa Jolo, prubinsya ng Sulu, na pumaslang sa hindi bababa sa 15 tao at nag-iwan ng 75 sugatan na karamihan ay mga sibilyan. Ang tila atakeng ito laban sa AFP ay pumatay sa pitong sundalo.

1. Alinsunod sa rebolusyonaryong prinsipyo, hindi pinahihintulutan ng Partido ang mga armadong atake na nagdudulot ng walang-habas na pagkitil sa buhay ng mga sibilyan at pagkasira sa mga kagamitang sibilyan. Sa paglulunsad ng rebolusyonaryong digma, pinakamataas na prayoridad ng Bagong Hukbong Bayan ang pangangalaga sa karapatan at kagalingan ng masa.

Ang mga pagsabog sa Jolo ay matinding krimen laban sa masa, higit lalo sa mamamayang Moro. Marapat na kundenahin ng mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino at Moro ang krimeng ito.

2. Mabilis na isinisi ng rehimeng Duterte at ng AFP sa Abu Sayyaf ang kambal na pagsabog. Kahit pa walang sapat na imbestigasyon at walang inilatag na ebidensya, paulit-ulit na inihayag sa publiko ng mga upisyal ng militar at pulis ang mga ispeksulasyong pinalalabas na katotohanan. Katulad ng pahayag na isang o dalawang “babaeng suicide bomber” ang nagsagawa ng mga pag-atake at pagkilala sa kanila bilang diumano’y balo ng mga kasapi ng Abu Sayyaf (kahit pa hindi nila matukoy kung paanong naisagawa ang mga pagsabog), na ang mga bomba ay ikinabit sa isang motorsiklo (kahit pa mukhang buo at mistulang nangitim lamang ang motorsiklo tulad nang napansin ng isang lokal na upisyal) at iba pa.

3. Ang Abu Sayyaf ay isang armadong grupo na itinuturing na “terorista” sa ilalim ng lipas nang Human Security Act. Sa katotohanan, bandidong kriminal na grupo lamang ang Abu Sayyaf na sangkot sa mga kindap-for-ransom, pagpugot ng ulo at iba pang karumal-dumal na mga aktibidad na nagdudulot ng paghihirap sa orginaryong mamamayan.

Tulad ng ibang bandidong kriminal na grupo sa Pilipinas, ang Abu Sayyaf ay mahigpit na nakaugnay sa AFP at PNP. Kaugnay din ito ng mga pwersang militar ng US na nakabase sa Western Mindanao. Alam na alam nang lahat kaparte ang mga upisyal ng militar at pulis sa mga operasyong kindapping ng Abu Sayyaf. Mayroong mga insidente, tulad sa Lamitan Siege noong 2001, na nakipagsabwatan ang mga upisyal ng AFP sa Abu Sayyaf para makatakas kapalit ng bahagi sa ibinayad na ransom.

Sa katunayan, ang Abu Sayyaf ay itinayo ng mga operatiba sa paniktik ng US noong maagang bahagi ng 1980s na nagrekrut ng mga armadong Muslim para lumahok sa armadong interbensyon ng US sa Afghanistan. Ang pagbubuo nito ay kapareho nang sa tinatawag na Islamic State (IS) na itinatag ng dating mga kasapi ng Al Qaeda sa Iraq na nirekrut ng mga ahente ng US para magsilbi sa agresyon ng US sa Syria.

4. Nagkukumpetisyon ang AFP at PNP sa pagbibigay-proteksyon sa Abu Sayyaf at iba pang armadong bandido. Kadalasan itong humahantong sa madugong bakbakan tulad nang nakaraang pagpaslang sa apat na upisyal-militar ng mga tauhan ng PNP sa Sulu noong Hunyo 29 na iniuulat ng AFP na nagsasagawa ng mga operasyong paniktik. Matatandaan din na ang mga plano ng pumalpak na operasyong pulis na humantong sa masaker sa Mamasapano noong 2015 ay sinadyang inilihim ng pamunuan ng PNP sa mga militar sa takot na sila ay ma-tip.

5. Sa nakaraan, laging buntunan ng sisi ang Abu Sayyaf sa mga krimeng binansagan ng AFP at PNP na mga “terorista” para bigyang katwiran ang paggamit nito ng mga hakbanging mapaniil. Kabilang dito ang pagsabog sa Davao noong 2016 na nagbigay-daan sa pagdedeklara ng rehimeng Duterte ng “state of emergeny on account of lawless violence” na sumupil sa karapatan ng mamamayan at nagpatupad ng iba pang restriksyon. Malawakang pinaniniwalaan na marami sa mga “terorsitang” pagpapasabog ay isinasagawa ng mga operatibang militar at pulis, at mga ahenteng militar ng US.

Ipinantatabing ang “terorismo” ng Abu Sayyaf para sa presensyang militar ng US sa Pilipinas, higit lalo sa Minanao, bilang bahagi ng “second front” ng “war on terror” noong 2002 at sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines simula noong 2016.

6. Kinukundena ng rebolusyonaryo at demokratikong mga pwersa ang AFP at PNP sa pagtutulak nitong magdeklara ng batas militar sa Sulu sa tabing ng pagsabog sa Jolo. Tulad nang dati, ang pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa mga militar at pulis lalo na sa mga teritoryong Moro ay higit na magpapatindi lamang ng pang-aaping nararanasan ng mamamayang Moro.

Mayroong lumalaganap na takot na ang pagsabog sa Jolo ay maaaring isinagawa mismo ng mga pwersang kakampi ng rehimeng Duterte at ng AFP at PNP para magsilbing paghahanda sa mas malaking kampanya ng pambobomba at karahasan upang bigyang katwiran ang pagsasabatas ng Anti-Terror Act ni Duterte at paggamit dito para supilin ang demokratikong karapatan ng bayan, siraan ang maraming petisyon sa Korte Suprema laban sa ATA, at posibleng paglalatag ng batayan para sa pambansang deklarasyon ng batas militar at pagtatatag ng hunta ni Duterte.

Hinggil sa pagsabog sa Jolo noong Agosto 24