Pahayag

Balikatan 2026: ibayong paghahanda sa mga nilulutong gera ng US sa Indo-Pacific at buong daigdig

, ,

Abot-langit ang pagkasuklam ng rebolusyonaryong mamamayan sa TK at buong sambayanang Pilipino sa labis na pangangayupapa ng rehimeng Marcos II sa amo nitong imperyalismong US. Habang nalulunod sa napakataas na presyo ng petrolyo at iba pang bilihin at serbisyo resulta ng pandidigma ni Trump sa Iran, paghahanda sa panibagong larangan ng gera ng US at pagsubasta sa pambansang soberanya at kayamanan nito ang inaatupag ng rehimeng US-Marcos II.

Nagsimula na kahapon, Abril 20, ang pinakamagastos, pinakamalawak ang saklaw at isa sa pinakamalaking Balikatan exercises sa Pilipinas. Kasalukuyang nilalahukan ito ng 17,000 pwersang militar ng US, Pilipinas, Japan at Australia kung saan pinakamarami (10,000) ang mga sundalong Amerikano. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpalahok ang Japan ng 1,400 pwersang militar niya sa kolonyal na pagsasanay. Dinadaluhan din ito ng mga kinatawan mula sa 17 pang bansa sa iba’t ibang bahagi ng Asia at buong daigdig.

Bago pa nito, Pebrero pa lamang ay nasa bansa na ang ibang mga dayuhang tropang kalahok sa pagsasanay. Kasabay ito ng suson-susong pagsasanay militar ng mga lokal na tropa bilang paghahanda sa Balikatan. Para bigyang katwiran at buhusan ng tubig ang galit at pangamba ng mamamayan, laluna ng mga residente ng mga komunidad na paglulunsaran ng pagsasanay, ipinarada mula Marso sa midya ang mga pakitang-taong proyekto ng US Armed Forces. Kabilang dito ang pagdadagdag ng ilang klasrum sa pinili nilang eskwelahan sa San Narciso, Quezon at Aborlan, Palawan.

Laman ng mga pagsasanay ang war games sa dagat at mga mga baybay-dagat mula Norte ng Luzon hanggang Mindanao. Ginagamit nila ang mga sibilyang sasakyan para inormalisa ang kanilang presensya. Aktwal din silang magpapaputok ng mga baril at ilang mabibigat na sandata kabilang ang mga missile system. Nakaposte ang mga sasakyang pandigma ng US, Japan, Australia maging ang mga barko ng AFP sa West Philippine Sea para rito. Ipinagmamalaki ng mga tagapagsalita ng AFP at US na iniangat nila ang antas (level-up) ng mga pagsasanay ngayong taon kumpara sa mga nakaraan na isasagawa sa mga piling lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao — partikular sa mga lugar na nakaharap sa South China Sea. Katumbas nito ang mas mapanghimasok na mga aktibidad militar at akses ng mga tropang US sa saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.

Sa gitna ng krisis at gera sa West Asia, nakapagngangalit na ang pangunahing inaatupag ng rehimeng US-Marcos II ay paghahanda sa panibagong gera na hindi lamang maglulubog sa bayan sa kumunoy ng kahirapan kundi maglalagay sa panganib ng direktang pinsala ng nilulutong gera ng US sa Indo-Pacific laban sa China. Habang may krisis sa suplay ng langis, walang tigil ang pagyayao’t parito ng mga sasakyang pandigma at maging mga sibilyang sasakyan para ibyahe ang mga kagamitan at tropang sangkot sa pagsasanay mula Marso 23. Habang mahigpit ang pangangailangan sa kabuhayan, libu-libong mangingisda na naman ang hindi makapaglayag mula pa nagdaang mga buwan hindi lamang dahil sa mahal ng krudo o gasolina kundi dahil pinagbabawalan sila sa mga lugar na saklaw ng pagsasanay.

Pangita sa mga hakbanging ito ni US Pres. Donald Trump ang walang kasapatang pagkauhaw ng imperyalismong US sa kapangyarihan at yaman. Kasabay ng umiigting at lalong nagiging mapanghimasok na mga pagsasanay-militar sa Pilipinas, lantaran nang inihain ni Marcos Jr. ang bansa sa higit pang pagdambong sa pagpaloob ng bansa sa Pax Silica ng US. Ang Pax Silica ang engrandeng estratehiyang pang-ekonomya ni Trump na magtatatag ng global supply chain ng rare earth minerals para sa produksyon ng semiconductors, electronics at iba pang mahalagang bahagi ng hinahabol niyang AI boom at upang suportahan ang lumalago niyang produksyong panggera.

Malinaw na salaminan ito ng pagiging malakolonyal ng US at kasabay na grabeng pangangayupapa ng rehimeng Marcos Jr. sa amo nitong imperyalista. Bilang isa sa pinakamatandang kolonya ng US sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas ang may ganito kahigpit na relasyon sa US at iba pang alyadong imperyalistang bansa ng huli sa anyo ng mga kasunduan sa Visiting Forces Agreement (VFA) at Status of the VFA. Ito ay dahil mulat-sapul ang estratehikong papel ng Pilipinas sa US ay magsilbing istasyon at pagbuhatan ng pag-atake nito sa mga bansa sa Asya Pasipiko, at ngayon ay partikular sa China.

Kung gaano kadesperado ang US sa kanyang pagnanais na panatilihin ang paghahari at pigilan ang pagbulusok nito, lalong dapat pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino at lahat ng aping mamamayan ng daigdig ang paglaban sa imperyalismong US. Sa Pilipinas at sa buong daigdig, dapat buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan sa pangunguna ng uring proletaryado upang isulong ang pakikibaka laban sa imperyalismong US, sa panggegera nito at lahat ng kanyang kasabwat. Dapat ipanawagan ang pagtigil ng digmaan sa Iran kasabay ang demilitarisasyon sa buong South China Sea. Dapat lansagin ang mga base, pasilidad at palayasin ang mga tropang militar ng US sa Pilipinas. Sa halip na pambubuyo sa gera, dapat igiit ng Pilipinas ang mapayapang paglutas sa sigalot sa teritoryo at maritime rights sa West Philippine Sea.

Sa huli, ang pinakaepektibong paglaban sa imperyalismong US ay sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Dapat itong lahatang-panig na palakasin at suportahan ng buong bayan.###

Balikatan 2026: ibayong paghahanda sa mga nilulutong gera ng US sa Indo-Pacific at buong daigdig