Magpunyagi para sa muling paglaki at paglakas ng NPA sa Quezon!
Pinakamaalab na pagbati at pulang saludo ang ipinapaabot ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Quezon sa ika-57 taon ng pagkakatatag nito. Nasa atin ang lahat ng dahilan para magdiwang sa napakahalagang araw na ito dahil sa pananatili ng pagkakaroon ng tunay na Hukbo ng sambayanang Pilipino na laging handang magtanggol para sa kanilang kapakanan at kalayaan.
Ang pagdiriwang natin ay paggunita rin sa lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino kunsaan tampok ngayon ang kabayanihan ni Sandy “Ka Tau/Ka Ino” Broncano, Divine “Ka Zoe” Sureta at Paolo “Ka Isko” Cruz na nag-alay ng buhay sa panahon ng kasalukuyang kilusang pagwawasto.
Ang pagdiriwang natin ay pagbabalik-tanaw din sa mga tagumpay at kabiguang nakamit natin sa nakalipas na taon para hanguan ito ng maningning na aral nang sa gayon ay tanawin ang muling pagsulong mula sa pagkakabalaho, maiwasto ang mga pagkakamali at umigpaw sa mas abanteng yugto ng pagrerebolusyon.
Ang pagdiriwang natin ay pamamanatang muli na paglingkuran ang sambayanan sa gitna ng pagsiklab ng digmaan sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan higit ngayong nangangailangan ang aping mamamayan ng tunay na Hukbong lalaban sa imperyalismo at pasistang tropa nito.
Hindi kailanman nawala ang NPA sa lalawigan ng Quezon. Sila ay nakaugat nang malalim sa uring magsasaka at nagtatamo ng matayog na pagkilala ng anakpawis sa kanayunan. Mahihirapang pasubalian ang pagsisilbi sa masa at nagawang kabutihan ng NPA sa taumbayan, lalo na ang konkretong pakinabang na tinamasa ng magsasaka mula sa tagumpay ng mga rebolusyong agraryo.
Hindi kayang burahin ng pagbaligtad ng kakarampot na mga taksil ang katotohanan na ang malalawak na sakahan na dati ay asyenda sa Bondoc Peninsula ay patuloy na pinapakinabangan ngayon ng maralitang magsasaka dahil sa tagumpay ng paglaban sa panginoong maylupa na noo’y pinamunuam ni Arman “Ka Jun” Albarillo. Lalong hindi makakatindig ang paninirâ ng bayarang 85th IBPA sa katotohanang nabago ang partihan sa mga niyugan pabor sa magsasaka dahil sa pakikibaka na pinamunuan ni Joseph “Ka Ken” delos Santos. Habambuhay namang nakaukit sa alaala ng mga katutubong Dumagat at Remontado at mga maralita sa kabundukan at kagubatan ng Sierra Madre ang pangalang Jordan “Ka SY/RF” Mopon na matapang nilang Kumander sa pagtatanggol ng pagkawasak ng kalikasan.
Walang saysay ang iniaalok na milyong pisong pabuya ng 201st Ibde kapalit ng pagdakip at pagpatay sa mga lider ng rebolusyunaryong kilusan sa pangunguna ng magiting na si Ka Cleo del Mundo na ngayo’y tagapagsalita ng pangrehiyong kuman ng NPA sa Timog Katagalugan. Si Ka Cleo, sampu ng kanyang mga kasamahang nananatiling tapat sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ay mahal na mahal ng taga-Quezon.
Bukod tanging ang mga nagtaksil ang walang-kahihiyang lumunok sa kanilang mga prinsipyo bunsod ng nuknukang karuwagan at kakatiting na kaluwagan. Sila ay isinusuka ng uring anakpawis sa kanayunan at buong lalawigan ng Quezon. Ang mga may malalalang krimen sa mamamayan at rebolusyunaryong kilusan ay di maaaring hindi aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyunaryong hustisya sa malao’t sa madali.
Nasa basurahan na ng kasaysayan ang deklarasyon ng 201st Ibde at Pamahalaang Panglalawigan ni Gov. Helen Tan na insurgency free na ang Quezon. Wala nang nakakaalala, lalong wala nang naniniwala dito mula nang ideklara noong June 12, 2023.
Magtatatlong taon ang nakaraan, sa halip na maglubay ang 85th IBPA sa kanyang focused military operations ay ginawa pa itong matagalan, walang patid, mas masaklaw at mas brutal. Idinagdag pa nga ang 16th IBPA at pana-panaho’y pati ang 81st IBPA para mag-operasyon sa South Quezon-Bondoc Peninsula. Walang duda na kaya ganito ang desperasyon ng Armed Forces of the Philippines na lipulin ang NPA ay dahil taon-taon na lamang silang katawa-tawa sa pagtatakda ng deadline na tatapusin ang CPP-NPA at napahiya na ang kanilang commander-in- chief na Bongbong Marcos Jr nang sabihin nitong wala nang kilusang gerilya sa bansa.
Nananatili ang mga batayan para mag-armas ang masang magsasaka dahil sa kawalan at/o kakulangan ng lupa at matinding kahirapang dinaranas ngayon na pinalala pa ng pagsirit ng presyo ng pangunahing bilihin bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng digmaan sa Middle East. Maging ang uring manggagawa ay itinutulak ng busabos na kalagayan sa mga pagawaan na tumungong kanayunan para mag-armas rin at lumahok sa digmang bayan. Hindi nahihiwalay sa ganitong kalagayan ang iba pang uri at sektor sa lipunan maging ang panggitnang seksyon ng mamamayan kabilang ang mga propesyunal at kabataang estudyante. Mula sa pagdaluyong nila sa kalsada para magprotesta laban sa walang habas na korapsyon, pagpapahirap, pagsasamantala at pang-aapi, natututunan nilang walang ibang pupuntahan ang pagmamartsa sa kalsada kundi ang kanayunan.
At ang Bagong Hukbong Bayan ay pinapanatiling buhay at makabuluhan dahil sa mga batayang ito.
Sa darating na April 8-9 ay ilulunsad sa bayan ng San Narciso ang PH-US Balikatan War Exercise. Itinuturing itong pinakamalaki sa nakaraang mga ehersisyong pandigma na inilunsad sa bansa. Kabilang sa mga lalahok ang bansang France at Japan na nagsimula na noong Marso 23 at tatagal hanggang Mayo 9.
Dapat itong tutulan at labanan ng lahat na nagmamahal sa kasarinlan at kapayapaan. Hindi mahirap maunawaan kung bakit napakamapanganib ang war exercise na ito sa gitna nang inilunsad na agresyong militar ng US at Israel sa Iran at ngayon ay naghatid na ng ligalig sa buong Gitnang Silangan.
Hindi katanggap-tanggap na madamay sa isang gerang gagamitin tayong lunsaran sa kanilang inter-imperyalistang labanan. Kung gayo’y hindi dapat magpalinlang ang mamamayan ng Quezon sa inilalakong kabutihan ng nakabalatkayong tropang Amerikano at alila nitong sundalo ng AFP. Huwag dapat mamangha sa hatid na umano’y libreng serbisyong medikal, mga aktibidad pangkapatiran, pagpapaganda ng mga imprastraktura at marami pang pinalamutiang programang pambarangay. Huwag nating hayaang samantalahin ng Balikatan War Exercise ang lalim ng kaisipang kolonyal para gawing katanggap-tanggap ang inilalako nilang gyera. Dapat hubaran ng maamong maskara ng tupa ang tigreng papel.
Sa okasyon ng ika-57 anibersaryo ng NPA, nananawagan ang rebolusyunaryong kilusan sa lahat ng mamamayan lalo na sa kabataan na tahakin ang landas ng paglaban sa pamamagitan ng armadong pakikibaka para wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino.
Ito ang panahon ng mga kabataan ng henerasyong ito para pag-aralan ang lipunan at magpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Pamarisan dapat ng kabataang makabayan ng Quezon ang piniling buhay ni Dani Lagrama at iba pang kabataang tunay na naglingkod sa sambayanan.
Naghihintay sa mga kabataan ng Quezon ang uring magsasaka, mga mangingisda at katutubo sa malawak na kanayunan – mula sa kagubatan at kabundukan ng Sierra Madre sa North Quezon, sa mga kapatagan sa paanan ng Bundok Banahaw ng Central Quezon, hanggang sa makasaysayang South Quezon-Bondoc Peninsula at Quezon-Bicol Zone. Ang mga ito ang inyong lugar sa kasaysayan ng pagbabagong panglipunan.
Walang ibang paran kundi ang maglunsad ng matagalang digmang bayan para wakasan ang tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Tatak ng mamamayan ng Quezon ang pagiging magiting. Dapat na maging karangalan ng bawat mamamayan sa lalawigan na masabihang, “Taga-Quezon ka, maraming NPA sa inyo.” Puno ng pag-asa ang CPP-NPA at rebolusyunaryong mamamayan sa muling pagdami at paglakas ng tunay na hukbo ng uring api. Tinitiyak ito ng hindi maampat na krisis pampulitika at pang-ekonomya sa bansa at buong mundo na nagmumulat sa sambayanang Pilipino na matutong lumaban at mag-armas para kamtin ang isang lipunang tunay na malaya, demokratiko at masagana.