Hustisya para sa Maguindanao Massacre! Manindigan para sa Karapatan sa Malayang Pamamahayag!

Nakikiisa ang NDF-Bikol sa mag-iisang dekadang panawagan ng hustisya para sa higit limampung propesyunal sa midyang minasaker sa ilalim ng rehimeng Arroyo sa kanyang lokal na kasapakat na pamilyang Ampatuan noong ika-23 ng Nobyembre taong 2009 sa Maguindanao. Naitala ng masaker na ito ang pinakamalaking bilang ng mga mamamahayag na pinaslang sa isang insidente sa buong kasaysayan ng pamamahayag sa mundo. Mas masahol, naging tuntungan ni Gloria Macapagal Arroyo ang nasabing karahasan upang ipataw noon ang Batas Militar sa Maguindanao at supilin ang kilusang protesta ng mamamayan at linisin ang mga ebidensya ng pandaraya sa halalan laban kay Fernando Poe Jr sa mga bodega ng Ampatuan.

Kinukundena ng mamamayan ang rehimeng US-Duterte sa patuloy na pagkakait ng hustisya sa mga biktima at mga kaanak nito. Sa siyam na taong nakalipas, nananatiling wala ni isa sa pamilya Ampatuan at sa halos 200 akusado ang napapanagot sa krimen. Ang pag-urong ni Duterte ng hatol diumano sa taong 2019 at maging ang pagpapabalik nito kay Arroyo sa poder ay patunay ng kawalang-interes ni Duterte na bigyang katarungan ang mga biktima at paglapastangan sa malayang pamamahayag.

Higit sa lahat, bahagi ng ilinalatag na pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte, kaalyado ang kanyang kapwa mamamatay-midya na sina Arroyo at Marcos, ang mas marahas na pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag ng mamamayan laluna ng mga propesyunal at manggagawa sa midya. Sang-ayon ito sa imperyalistang disenyong palaganapin ang pasismo sa buong mundo sa tangkang isalba ang walang-lunas na krisis na kinakaharap ng pandaigdigang sistemang kapital sa pamamagitan ng neoliberal na paninibasib.
Sa paglubha ng krisis ng imperyalismo, sumisidhi ang pasistang kaayusan. Malaking bahagi nito ang pagtatangka ng imperyalismong lubos na makontrol at mapasakamay ang institusyon ng midya upang panatilihing bulag ang mamamayan sa lumalalang krisis ng lipunan. Pabor sa pamamayagpag ng neoliberal na mga patakaran, proyekto at pamumuhunan ang tikom na boses mamamayan .

Nalantad sa daigdig ang brutal na pagkapaslang sa Saudi journalist na si Jamal Kashoggi matapos nitong tuligsain si Donald Trump ng US at manawagan sa mga upisyal ng Saudi Arabia na yakapin ang kalayaan sa pamamahayag. Noong 2016, pinagbawalan ang Arabyanong si Kashoggi ng kaharian ng Saudi Arabia na isapraktika ang pagiging midya sa sarili niyang bansa matapos kuwestyunin ang patakaran ni Trump sa Gitnang Silangan.

Sa bansa, humigit-kumulang 13 na ang napatay na mamamahayag sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Kabilang dito si Joey Llana, brodkaster at anchorman ng Zagitsit FM sa Legazpi City na pinagbabaril noong Hulyo 2018.

Lantaran ding ipinapatupad ni Duterte ang media crackdown sa pamamahayag na kritikal sa kanyang pasistang mga patakaran sa layuning lubos na mapatahimik ang midya sa bansa. Matapos nitong wasakin ang Marawi at ipatupad ang Batas Militar sa Mindanao, patuloy na kinokontrol ng AFP ang mga ilinalabas na balita ng midya upang pagtakpan ang malawakang karahasan, pagpaslang at pagnanakaw ng militar. Sa pagsimula ng taon, kinansela ni Duterte ang operasyon ng online na pahayagang Rappler, isa sa mga pahayagang katunggali ng kanyang mga bayarang propagandista at malimit maglabas ng balitang tumutuligsa sa rehimen. Pinagbantaan din ni Duterte ang dating may-ari ng Inquirer na kakasuhan ng pandarambong. Tinanggihan ng Kongreso noong Oktubre 2017 ang aplikasyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na palawigin para sa susunod na 25 taon ang prangkisa sa pagbroadcast nito sa himpapawid. Nakapailalim sa naturang prangkisa ang 54 istasyon ng radyo at telebisyon na pinapatakbo ng Simbahang Katoliko.

Kamakailan lang, ipinahayag din ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) ang direktiba ni PNP Chief Oscar Albayalde na gawing kasabwat ang midya sa desperado nitong pagtatangka na pagandahin ang nabubulok nitong imahe. Kahit ang mga producer at screenwriter para sa palabas na “Ang Probinsyano” ni Coco Martin ay nakadaranas ng pampepresyur at hindi makatwirang censorship mula sa kapulisan. Gayundin, patuloy na ipinatutupad ng kapulisan ang isang prubisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan inoobliga ang mga manggagawa ng midya na sapilitang tumestigo sa mga operasyong kontra-droga na naglalagay sa kanila sa panganib.

Sa Bikol, mahaba na rin ang listahan ng mga midya na pinatay ng mga elementong death squad ng militar. Noong Hunyo 13, 2011 pinaslang si Romeo Olea, brodkaster ng dwEB sa Camarines Sur at si Teodoro Escanilla, brodkaster ng Pamana ng Lahi sa Sorsogon, na pinaslang taong 2015. Patuloy na tinatakot ng 9th IDPA ang mga kagawad ng midya upang maitulak silang maging makinarya ng disimpormasyon at kasinungalingan ng militar. Sa Masbate, ipinapatupad ng rehimen katuwang ang 9th IDPA ng Philippine Army ang news blackout sa buong prubinsya. Ilan sa mga matitingkad na kaso ang pagpigil sa paglabas ng balita hinggil sa pagmasaker ng 9th IBPA sa apat na habal-habal drayber na inakusahang mga kasapi ng NPA sa Brgy. Cawayan sa nasabing prubinsya noong Agosto 3, 2015 at ang malawakang protesta at camp-out ng 4000 masang Masbatenyo laban sa tumitinding militarisasyon sa kanilang lugar.

Siyam na taon matapos ang malagim na masaker sa Maguindanao, nananawagan ang NDF Bikol sa mamamayan na labanan ang nagpapatuloy na panunupil ng rehimeng US-Duterte sa kalayaan ng pamamahayag. Tangan ang kapasyahang bigyang katarungan ang mga kagawad ng midyang dinahas at pinaslang ng mga pasistang rehimen, nakikiisa ang rebolusyunaryong kilusan sa patuloy na pakikibaka ng mga propesyunal at manggagawa sa midya na tumindig para sa katotohanan at pumanig sa malawak na hanay ng mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi.

Hustisya para sa Maguindanao Massacre! Manindigan para sa Karapatan sa Malayang Pamamahayag!