Ibabagsak si Duterte ng kanyang korapsyon at mga krimen

Read in: English

Sa nagdaang dalawang linggo, nag-uumapaw ang galit ng mamamayang Pilipino sa kaliwa’t kanang pagsisiwalat ng malakihang korapsyon at anomalya ni Duterte at malalapit niyang upisyal. Idinetalye ang mga anomalyang ito sa inilabas kamakailan na mga ulat ng Commission on Audit. Nabubunyag sa mga pagdinig ng Senado nitong nagdaang mga araw ang karagdagang mga impormasyon na ang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Duterte ay dinidirehe mula mismo sa Malacañang.

Mas nagiging malinaw na si Duterte mismo ang nasa likod ng pandarambong sa hindi bababa sa ₱42 bilyong pondo ng bayan sa kasagsagan ng pandemya. Ang pagkakasangkot ng kanyang pinakamalapit na alipures na si Sen. Bong Go, dating Department of Budget undersecretary na si Lloyd Christopher Lao (alipures ng alipures), at kanyang binansagang tagapayo sa ekonomya na si Michael Yang sa labis-labis na pagpepresyo ng face mask at face shield sa ilalim ng kasunduan sa nagsisimulang maliit na kumpanyang Chinese na Pharmally ay isa sa pinakaklarong patunay. Ang bidyo noong 2017 na nagpakita ng pakikipagpulong ni Dutete sa mga upisyal ng Pharmally sa Davao City ay naghahayag ng malinaw na kaugnayan niya sa korapsyon. Siguradong bahagi lamang ito ng malawakang kurakutan.

Paparami pang kaso ng korapsyon ang siguradong masisiwalat. Lahat ng mayroong kaalaman sa mga krimen at korapsyon ni Duterte na mayroon katiting na simpatiya para sa mamamayang Pilipino ay dapat na humarap at magsiwalat ng kanilang nalalaman. Katotohanan ang nais makamit ng mga manggagawa, magsasaka at masang anakpawis, mga rank and file na empleyado ng pribado at publikong institusyon, mga kabataan, kababaihan, at maging ordinaryong sundalo at upisyal ng mga pulis.

Nakatago sa likod ng takitang golpe-de-gulat ni Duterte ang kanyang pinakamalalaking krimen at korapsyon. Sa ilalim ng Covid-19 lockdown at deklarasyon ng national emergency, napasakamay ni Duterte ang mga ekstra-ordinaryong kapangyarihan na nagbigay sa kanya, sa kanyang mga upisyal at pinaburang mga kumpanyang Chinese ng mga kasunduang pinondohan ng gubyerno na nagkakahalaga ng ilandaang bilyong piso ng labis-labis sa presyong mga kagamitan at iba pang produkto.

Malinaw na rin sa ngayon, na ang “Boracay clean-up” ay isang malaking panabing para kamkamin ang lupa at palayasin ang mga lokal na residente at itulak ang lokal na maliliit na operasyong turismo na mawalan ng negosyo, para paburan ang isang Chinese na malaking opereytor ng kasino na nais na ekslusibong kontrolin ang isla. Lumilitaw na si Xi Jinping mismo, sa isang pag-uusap kamakailan kay Duterte, ang naggigiit ng pagsasakatuparan ng pangako ni Duterte na pahintulutan ang konstruksyon ng kasino sa Boracay. Katambal ito ng panukalang Boracay Island Development Authority (BIDA) ni Paolo Duterte na magsasailalim sa Boracay sa buong-buong kontrol ni Duterte.

Malalim ang pagakasangkot ng malalaking kumpanyang Chinese sa korapsyon ni Duterte. Walang duda, si Duterte at kanyang mga upisyal ay sangkot sa pagtanggap sa malakihang panunuhol mula sa mga kumpanyang ito na inendorso mismo ng gubyerno ng China. Kailangan lang balikan kung paanong pinaniniwalaang nakatanggap si Gloria Arroyo at kanyang mga alipures nang bilyun-bilyong pondong suhol mula sa ₱16.45 billion kasunduang NBN-ZTE noong 2007 para isipin kung gaano kalaki ang korapsyon ni Duterte sa pakikipagsabwatan sa kanyang mga among Chinese.

Ang limpak-limpak na ibinubulsa ni Duterte at kanyang mga alipures ay kabilang sa kanilang pinakamalaking motibo para manatili sa kapangyarihan lagpas sa 2022. Subalit, ang korapsyon at kriminal na mga aktibidad ni Duterte ay siyang ring magpapabagsak sa kanya dahil sa ibinubunga nitong pagkasuklam ng mamamayang Pilipino sa sa kung paanong nagkakamal ng yaman at kapangyarihan ang malalaking burukrata-kapitalista habang milyon-milyon ang nagdurusa sa kamatayan at kagutuman.

Ibabagsak si Duterte ng kanyang korapsyon at mga krimen