Inutil ang Dept. of Agrarian Reform Masbate sa harap ng malawakang pang-aagaw ng lupa at pagpatay sa mga magsasaka sa prubinsya

,

Ang kapabayaan at kawalang-aksyon ng Department of Agrarian Reform-Masbate sa harap ng lantarang pangangamkam ng lupa at pagpatay sa mga magsasaka ay isa pang patunay na huwad at peke ang reporma sa lupang itinutulak ng rehimeng Marcos Jr. Sa halip, para sa mga Masbatenyo, mistulang kasangkapan pa ang DAR-Masbate sa malawakang pang-aagaw ng lupa at gera kontra magsasakang isinusulong ni Marcos Jr. sa pamamagitan ni Gov. Antonio Kho.

Hindi maiiwasan ang pagdududa ng mga magsasakang Masbatenyo. Walang naging paninindigan ang DAR matapos agawin ni Gov. Kho ang lupaing Pecson. Hindi napigilan ng DAR ang kumpanyang Empark na kamkamin kahit ang isla ng Deagan na saklaw ng CARP.

Masahol, walang paninindigan ang DAR-Masbate sa harap ng tuluy-tuloy na kampanya ng pagpatay at pandarahas sa nga magsasaka. Dalawang kaso na ng pagpatay sa mga magsasaka ang naitala sa lupaing Triple A, subalit wala naging pagtugon ang ahensya. Tulad ng kinahinatnan ng pinatay na mag-asawang Pedro at Florencia Regala, malamang na paniwalaang muli ni DAR Provincial Director Herald Tambal ang palabas ng militar na NPA ang pinatay na si Boyet Rodrigo nito lamang Hunyo 23 sa Barangay Miabas, bayan ng Palanas.

Hindi ba’t malaking insulto para sa DAR-Masbate na habang ipinapatupad ang kanilang programa sa Triple A ay harapang pinagbabantaan ng militar ang mga magsasaka na papatayin kung hindi lumayas sa kanilang mga binubungkal na lupa?

Deklaradong layunin ng reaksyunaryong reporma sa lupa sa Masbate ang umano’y mabawi ng gubyerno ang mga lupaing ipinaglabang mapasakamay ng mga magsasaka at kanilang rebolusyonaryong kilusan. Itinalaga pa nga ang kontra-komunistang dating upisyal ng PNP na si Theodore Sindac bilang regional director ng DAR. Kahiya-hiyang para sa rantsero niyang interes, tahasang binabalewala mismo ng gubernador ng prubinsya kahit ang sariling programang agraryo ng rehimen—patunay na walang patutunguhan ang mga magsasaka sa bulok na reporma sa lupang isinusulong ng reaksyunaryong estado.

Kung sinsero ang DAR-Masbate sa prinsipyo ng tunay na reporma sa lupa, handa dapat itong manindigan laban sa tangkang pagpapalayas sa mga magsasaka ng Triple A at kaakibat na pagpatay sa mga magsasaka.

Samantala, hindi magmamaliw ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Masbate sa pagmumulat at pag-oorganisa sa libu-libong magsasakang Masbatenyo na tanging sa pamamagitan lamang ng paglahok sa digmang bayan at pagsusulong ng rebolusyong agraryo tunay na makakamit ang rebolusyonaryong reporma sa lupa.

Inutil ang Dept. of Agrarian Reform Masbate sa harap ng malawakang pang-aagaw ng lupa at pagpatay sa mga magsasaka sa prubinsya