Ipagbunyi ang ika-55 anibersaryo ng PKP! Isulong ang pakikibaka ng mamamayang Ilokano sa ilalim ng demokratikong rebolusyon ng bayan!
Buong galak at siglang bumabati ang National Democratic Front of the Philippines-Ilocos sa lahat ng mga kasama sa Partido, sa NPA sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mamamayan sa pagsapit ng ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Sa okasyong ito ginugunita at muling nagpupugay ang NDF-Ilocos sa pagkamartir ng ating pinakamamahal na tagapangulong Jose Maria Sison. Ang kaniyang kadakilaan at iniwang kaalamang pinagyaman sa aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) sa rebolusyong Pilipino ay habangbuhay na tanglaw sa pagsusulong hanggang sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at ibayo pang pagtataas ng rebolusyong Pilipino sa sosyalistang rebolusyon.
Sa dami ngayon ng mga yunit ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa, mga alyado at mamamayan na bumabati at nagtitipon upang itanghal ang ika-55 anibersaryo ng Partido, patunay na nagiging sirang-plaka ang kaaway sa pagbubulalas na ang “Partido (PKP) ay watak-watak at mahina na at ang Komite Sentral ay hindi na makapag-usap. ”
Taliwas dito, ang Partido ay buhay na buhay, masigla at lumalakas at mahigpit na napagkakaisa ang mga rebolusyonaryong puwersa. Gamit ang pinakaabanteng ideolohiya ng MLM, tuloy-tuloy itong nagbubuo ng matalas na pagsusuri sa paglala ng imperyalistang krisis sa buong mundo at ng malakolonyal at malapyudal na krisis ng bansang Pilipinas. Mataman nitong itinuturo ang obhetibong tunguhin ng paglakas at pag-abante ng proletaryong rebolusyon sa buong mundo at demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Lagi’t lagi itong nagtatasa sa kalagayan ng Partido at suhetibong puwersa ng rebolusyon at tinutukoy at inuugat ang mga kahinaan at kamalian upang umabante at magwagi ang rebolusyon.
Ang wastong linya ng Partido ang naging armas ng NDF-Ilocos upang tukuyin ang mga anyo ng malapyudal at malakolonyal na kalagayan sa rehiyon upang umusbong at yumabong ang rebolusyonaryong pakikibaka dito. Patuloy na gumagabay at aktwal na nakikibahagi ang Partido sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at agraryong rebolusyon at pakikibaka ng lahat ng maralita’t pinagsasamantalahan sa rehiyon.
Ang pagkakabuo ng NDF dito sa Ilocos ay mahalagang tagumpay ng Partido. Sa pamamagitan ng NDF ay nabibigkas ang lakas ng masang magsasaka, manggagawa, panggitnang mga uri at lahat ng demokratikong sektor sa rehiyon para ipaglaban ang kanilang demokratikong interes.
Absolutong pinamumunuan ng Partido ang NPA kung kaya’t tunay na nagsisilbi itong tagapagtanggol sa karapatan at interes ng masa. Kinikilala ng masa na ang kanilang nakamit na mga tagumpay sa kanilang pakikibaka ay dahil sa tanglaw ng Partido, sa pagbibigkis sa kanilang puwersa sa pamamagitan ng NDF at paglalansag sa pasistang makinarya ng estado sa pamagitan ng armadong pakikibaka na inilulunsad ng NPA.
Inarmasan ng Partido sa rehiyon ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, kung kaya’t napanday ang kanilang kapasyahan sa buhay at kamatayang pakikibaka. Pinagkaisa sila sa mga lagom na aral at pinamumunuan ang pagtutuwid sa mga kamalian at kahinaan kung kayat natatahak ang wastong linya ng pagsulong.
Nagpupugay ang NDF-Ilocos sa CPP-Ilocos sa pananatili nitong solido at nagkakaisa sa kabila ng pagsisikap ng kaaway na tugisin at durugin ito sa pamamagitan ng panggigipit sa mga kadre at kasapi nito. Nananatiling mataas ang kapasyahan ng Partido dito sa rehiyon na pamunuan ang pagsusulong ng armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon at rebolusyonaryong kilusang masa.
Sa Ilocos ay kongkretong-kongkreto ang mga anyo ng pagtindi ng malapyudal at malakolonyal na krisis. Tumitindi ang kahirapang dinaranas ng masang Ilokano dahil sa pananatili at pagtindi ng monopolyo sa lupa at epekto ng neoliberal na patakaran sa ekonomiya. Sinusuhayan ito ng pagtindi ng pasistang panunupil at paglabag sa karapatang pantao, upang itaguyod ang paghahari at pagpapayaman ng dinastiyang Marcos sa rehiyon.
Namamayagpag at nagpapayaman sa pangangamkam ng lupain at pagsasamantala sa magsasaka ang kanilang mga alipures na panginoong maylupa. Kasabwat ng mga Marcos ang mga dayuhang kapitalista at malalaking burges-kumprador na Ayala, Lopez, Villar, Aboitiz sa pang-aagaw sa lupain, natural na rekurso at katutubong ansestral na teritoryo sa rehiyon para sa kanilang mga negosyong enerhiya at iba pa. Ipinagagamit din ng rehimeng Marcos ang Ilocos na base militar ng imperyalistang US sa paghahari nito sa Asya at paghahanda sa digmaan.
Sa pamumuno ng Partido, tiwala ang NDF-Ilocos na maitataguyod, mapapalakas at mapapalawak ang nagkakaisang prente ng lahat ng mga pinagsasamantalahang uri sa rehiyon upang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at bakahin ang pamamayani ng pyudalismo, burukrata-kapitalismo, pasismo at imperyalismo sa rehiyon at buong bayan.
Ngayong ika-55 na anibersaryo ng Partido, tayo’y tumugon sa panawagan nito na pagkaisahin ang malawak na masa at isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan.
Ibayo pang palakasin at palawakin ang NDF-Ilocos. Itaas ang antas ng paggampan sa ating papel bilang sandata ng Partido sa pagtitipon sa rebolusyonaryong lakas ng mamamayang Ilokano upang isulong ang rebolusyon.
Itaas ang ating kamulatan sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at isapraktika ito sa mahusay na pagpapatupad sa ating tungkulin sa pagsusulong ng agraryong rebolusyon, armadong pakikibaka at pagtatayo ng rebolusyonaryong base.
Ang naglalagablab na mga tagumpay ng Partido sa 55 taon nitong pamumuno sa rebolusyon ng sambayanang Pilipino ay hindi kayang apulahin ng kaaway bagkus lalo pa itong kakalat at tutupok sa kanilang paghahari at mahahawan ang landas para sa tunay na kalayaan at kapayapaan.
Ibayo pang tagumpay ng Partido Komunista ng Pilipinas!