Ipagpatuloy ang rebolusyonaryong pakikibakang Pilipino: Magpunyagi para sa tunay na kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US!

Sa ika-126 taon ng paggunita sa Araw ng huwad na kalayaan, nararapat na papag-alabin ang patriyotikong diwa ng mamamayang Pilipino upang igiit at ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya. Higit itong napapanahon sa gitna ng labis na pangyuyurak pangunahin ng imperyalismong US, at ikalawa, ng China sa pambansang soberanya at integridad ng teritoryo Pilipinas. Tahasang niyuyurakan ng dalawang imperyalista ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa lantarang panghihimasok militar sa pagtambak ng mga pwersa at kagamitang militar sa bansa at sa West Philippine Sea (WPS) at pang-aalipusta sa karapatan ng mamamayang Pilipino.

Ang US ang pangunahing imperyalistang lumalapastangan sa kasarinlan at soberanya ng Pilipinas dahil kontrolado ng una ang ekonomya, pulitika, kultura, militar at relasyong panlabas ng huli. Malaon nang sakmal ng imperyalismong US ang Pilipinas mula nang agawin nito ang tagumpay ng rebolusyong 1896 ng mga Katipunero at ninunong Pilipino laban sa kolonyalismong Spain. Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, naganap ang mga kahindik-hindik na paglabag sa digma ng US sa mamamayang Pilipino kabilang ang henosidyo, brutal na paraan ng pagtotortyur, hamletting at malawakang panununog ng mga komunidad at lupain. Tinatayang higit 1.5 milyon ang nilipol nitong Pilipino sa gera noong 1899-1913. Wala ni isang opisyal ng US ang napanagot sa mga krimeng ito.

Mula nang sakupin, hinuthot ng US ang murang hilaw na materyales at lakas paggawa at tinambakan ng mas mahal na yaring produkto ang Pilipinas. Inangkin din ng US ang mga yamang mineral at troso na nagresulta sa pagkakalbo ng mga kagubatan.

Iginawad ng US ang huwad na kalayaan sa Pilipinas noong 1946. Pinahintulutan ang bansa na “maggubyerno” ng sarili ngunit tiniyak na ang mga mailuluklok sa poder ay yaong mga sinanay na papet. Ang mga papet na pangulo ng Government of the Republic of the Philipines (GRP) ang siyang nagpatupad ng mga batas para magpatuloy ang pagkakubabaw ng US sa Pilipinas. Patuloy na nasasadlak ang bayan sa kahirapan sa lipunang malakolonyal at malapyudal lalo nang ipatupad ang neoliberal na mga patakaran sang-ayon sa kumpas ng imperyalismong US. Nanghimasok din ang dayuhang puhunan at negosyo habang nabaon sa utang ang bansa.

Laganap ang pandarahas at panunupil ng estado sa mamamayang nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya dahil kontrolado ng US ang AFP-PNP. Ginagamit ng US ang pasismo ng estado upang makapanatili ang bulok na lipunang malakolonyal at malapyudal. Nakabatay sa US Counter-insurgency Guide ang mga kampanyang supresyon ng GRP at AFP-PNP. Paulit-ulit na isinangkot ng US ang Pilipinas sa mga gerang agresyon nito sa daigdig, tampok ang sapilitang pagpapalahok sa mga Pilipino sa mga gera sa Vietnam, Korea at Middle East. At ngayon, kinakasangkapan ng US ang Pilipinas sa pagpapasiklab ng gera laban sa China.

Kasalukuyang ginagamit ng imperyalismong US ang Pilipinas at iba pang karatig-bansa sa pinapakana nitong gera sa Asia. Iligal na nanghihimasok ang mga tropang militar at naghahakot ng kagamitang pandigma ng US sa Japan, Korea, Taiwan at Pilipinas sa tabing ng “pagtatanggol laban sa agresyon ng China”. Ginagawang piyon ng US ang Pilipinas, na nangungunang tutang estado nito sa Asia, para mang-upat sa China at itulak ang huli na maunang bumunot ng baril. Katunayan, sunud-sunod na ehersisyong militar ang isinagawa ng US sa Asia Pacific kabilang ang 39th Balikatan Exercises, ang pinakamalaking pinagsanib na ehersisyong militar ng US, Pilipinas at mga alyadong bansa nitong Abril-Mayo. Isinagawa ang Balikatan sa mga hangganan ng Pilipinas, Taiwan at China.

Pirmeng naka-istasyon ang US sa bansa gamit ang tagibang na mga kasunduang militar, pinakahuli ang Bilateral Security Guidelines. Sa bisa ng Enhanced Defence Cooperation Agreement, itinayo ang siyam na base militar sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, liban pa sa mga lihim na pasilidad ng US. Nagawang mailusot ito ng US kasabwat ang tutang estado ng Pilipinas na nagpahintulot ng mga di-pantay na kasunduan kagaya ng Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Agreement, Visiting Forces Agreement at mga katulad.

Samantala, sing-aga ng rehimeng US-Aquino II, agresibong nanghihimasok na ang China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas saklaw ng WPS. Tigas-mukhang inaapakan ng China ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa pagtatayo ng mga base militar sa mga bahura sa WPS. Regular ding rumoronda ang mga ito sa WPS kung saan umaabot na ang presensya ng mga Chinese Coast Guards sa Palawan at Mindoro. Higit na naging agresibo ang China sa pag-aangkin ng mayor o 90% na bahagi ng South China Sea. Kabilang dito ang WPS, laluna noong rehimeng US-Duterte kung saan ibinasura ng duwag na si Duterte ang ruling ng Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas kaugnay sa soberanong karapatan sa WPS. Itinataboy ng China ang mga mangingisdang Pilipino sa EEZ ng bansa, pinakamasaklap ay dinadahas ang mga ito. Kinakanyon din ng tubig ang mga rumoronda at nagsasagawa ng resupply mission na sasakyan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy.

Iniresulta ng mga panghihimasok ng US at China ang mga paglabag sa soberanong karapatan ng mga Pilipino. Sinisikil ng US at China ang paghahanap-buhay ng mga Pilipino, laluna ng mga mangingisda. Hindi makapagpalaot ang mga mangingisdang Pilipino sa tuwing nagsasagawa ng ehersisyong militar ang mga tropang Amerikano sa mga karagatan ng bansa ni hindi makapasok sa mga kalupaan kung saan nakatirik ang mga base militar ng US kagaya sa Oyster Bay sa Palawan. Hindi rin naparurusahan ang mga tropang Amerikano na nakagagawa ng krimen kagaya nina Lance Corporal Daniel Smith na nanggahasa kay “Nicole” at Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na pumatay kay Jennifer Laude.

Gayundin, kapwa banta ang mga aktibidad militar ng US at China sa ekosistema. Nakakasira ng mga bahura ang mga pagsasanay-militar at pagtatayo ng base sa karagatan. Nabubulabog din ang mga hayop at halaman sa kagubatan dahil sa pagsasanay at pagpapasabog ng mga artileri ng US sa ngalan ng testing ng mga sandata habang nasisira ang natural na porma ng kalupaan.

Makatarungan ang panawagan ng bayan na palayasin ang imperyalismong US at China. Ang demilitarisasyon kapwa ng mga pwersang US at China sa WPS o iba pang bahagi ng bansa ay kinakailangan upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayang Pilipino. Kaugnay nito, dapat na suportahan ang panukala para sa isang mapayapang resolusyon sa paglulutas ng sigalot sa WPS.

Higit na napapanahon ang ubos-kayang pakikibaka ng buong bayan upang ganap na humulagpos mula sa matagal nang pagkakasaklot dito ng imperyalismong US. Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng patriyotiko at progresibong mamamayan na lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon. Ito ay pagtutuloy ng rebolusyong 1896 ng mga ninunong Pilipino na naghahangad na makalaya sa pananakop ng dayong kapangyarihan.

Nananawagan ang NDFP-ST sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Pilipino na buong giting na ialay ang kanilang buhay tungo sa dakilang adhikain para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Maaasahan ng mamamayang Pilipino ang NPA, ang kanilang tunay na hukbo, na mangunguna sa armadong pakikibaka upang palayain ang bayan sa kuko ng imperyalismo. Sa pamumuno ng Partido, tiyak na maididirihe ang pambansang pag-aalsa ng bayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo tungo sa tagumpay.###

Ipagpatuloy ang rebolusyonaryong pakikibakang Pilipino: Magpunyagi para sa tunay na kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US!