Pahayag

Ipagtagumpay ang armadong pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya

Pagpupugay sa lahat ng demokratikong kabataan at mamamayan na mapangahas at militanteng lumahok sa mga protesta ngayong Araw ng Kalayaan 2021!

Ang araw na ito ay isang matingkad na paalala sa kasaysayan ng sakripisyo, paghihirap, at nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino laban sa dayuhang panghihimasok at pangangamkam. Bagama’t hungkag na kalayaan ang inihain ng naganap na deklarasyon 123 taon nang nakalilipas, nananatili itong simbolo ng hindi masugpong apoy ng pakikipaglaban ng mamamayang Pilipino.

Mahigpit isang siglo makalipas, hindi nalalayo ang sitwasyon ngayon sa mga kalagayang panlipunan noon na nag-udyok sa mga Pilipino na magpasyang suungin ang peligro at takot ng armadong pakikibaka para sa kalayaan at karapatan. Sa halip, higit pang maigting ang krisis na dulot ng walang kabusugang korapsyon at pasismo ng uring mapagsamantala’t mapang-api.

Kasabay nito, patuloy din ang pagpupunyagi ng masa para sa mga demokratikong interes nito.

Ngayong araw ay dinala sa lansangan ng nagkakaisang hanay ng mamamayang Pilipino ang panawagan para sa ayuda, agarang dagdag sahod ng mga manggagawa, at maagap na pagbubukas ng mga industriya at paaralan sa gabay ng mahusay na pagpapatupad ng mga palisiya at resolusyong pangkalusugan tulad ng mass testing, pagbabakuna, at probisyon ng gubyerno ng mga gamit medikal at pangkalinisan.

Kaakibat nito ang napapanahong mga panawagan para sa pagdepensa sa mga soberanong karagatan, teritoryo, at rekurso ng Pilipinas laban sa China at sa pagpapakatuta ni Duterte sa mga imperyalistang amo nito.

Higit sa lahat, malakas ang sigaw ng mamamayan para sa ganap pagwawakas sa pasistang lagim at paglapastangan ng rehimeng Duterte sa masang Pilipino.

Walang humpay ang mga paglabag sa karapatang pantao at demokrasya sa ilalim ng rehimen. Mula sa panggigipit sa mga mamamayan sa ilalim ng militaristang lockdown—kaliwa’t kanang paghihigpit ng lockdown at curfew, malawakang pang-aaresto, at hindi makataong parusa sa mga paglabag—hanggang sa tahasang panunupil at pamamaslang sa mga mamamayan, nilalantad ni Duterte ang sarili nito bilang pinakamarahas at despotikong pangulo sa kasaysayan.

Lalo lamang itong pinaiigting ng mga batas at palisiyang naglalayong palawigin ang kontrol at kapangyarihan ni Duterte habang higit na isinasadlak sa hirap at gutom ang mamamayan.

Sa kabila ng mga nananatiling problemang panlipunan na dulot ng pandemya ng Covid-19, prayoridad pa rin ni Duterte and mga “repormang” pang-ekonomya—tulad ng economic Charter Change at CREATE law—na magbibigay ng mas malaking kita sa mga kapitalista at dayuhang namumuhunan sa bansa.

Gayundin, nagkukumahog ang mga alipores ni Duterte sa mga paghahanda para sa pananatili ng pangkatin nito sa kapangyarihan sa darating na halalan. Bilyon-bilyon mul sa balon ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang ibinubuhos para sa maagang pangangakampanya ni Sara Duterte.

Malaki ang namumuong galit ng mga mamamayan laban sa rehimen. Sa batayan ng malubhang kondisyong ito, unti-unting lumalakas ang pamumuno ng mga progresibo at demokratikong pwersa sa laban para sa ganap na pagpapalayas sa pangkatin ni Duterte sa estado poder.

Hindi rin maikakaila ang militanteng pagkakaisa ng mga mamamayan para igiit pagdepensa sa West Philippine Sea (WPS) at pagtutol sa panghihimasok ng mga imperyalistang bayan sa ating bansa.

Nagpupuyos sa galit ang masa na duwag na isinuko ni Duterte ang WPS sa China. Mula sa mga isla sa Scarborough, likas na yaman kapalit ng mga dayuhang pautang, at malawakang mga POGO enterprises, pinaninindigan ni Duterte na gawing probinsya ng China ang bansa.

Para sa mga mamamayan, walang anumang pangangatwiran ang magbibigay-katarungan sa pagbebenta ng soberanya para sa “donasyon” ng mga bakuna o anupamang benepisyong makukuha ni Duterte sa kanyang pagpapakatuta.

Dapat agad na buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan upang matapang na panagutin ang rehimeng Duterte sa paglapastangan nito sa soberanya ng bansa. Mahusay na itampok ang epekto at dagok ng panghihimasok ng China sa lahat ng antas ng pamumuhay ng masa—mula sa mga magsasaka, manggagawa, at maralita, hanggang sa mga guro, abogado, manggagawa sa ibang bayan, at iba pang sektor.

Dapat tutulan ang pagpapasa at pagpapatuloy sa Visiting Forces Agreement (VFA), pagpapaigting sa Balikatan exercises, at sunud-sunod na operasyon ng Estados Unidos (US) sa WPS. Huwag hayaang sagpangan ng US ang tensyon sa WPS para palawakin at palakasin ang sakop ng kanilang kapangyarihan at dahas.

Dapat patuloy pataasin ang pagkakaisa ng masa at itulak ito sa pinakamataas na paggagap sa imperyalismo at sa epekto nito sa mamamayang Pilipino at bansang Pilipinas. Tungkulin ng kabataan na itambol ang pakikibaka laban sa imperyalistang pangangayupapa.

Malaking hamon sa lahat ng demokratiko at patriyotikong kabataan na aktibong depensahan ang soberanya at demokrasya ng bansa at mga mamamayan. Ang panawagan ng Kabataang Makabayan: sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at makibaka para sa tunay na kalayaan!

Habang nagpapatuloy ang pasistang lagim at pandarahas ng rehimeng Duterte sa mamamayan at kusang loob na pagbebenta nito sa soberanya ng bansa, ang Hukbo—sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas at suporta ng mga rebolusyonaryong mamamayan at organisasyong bahagi ng Pambansang Demokratikong Prente—ay pursigido sa layunin nitong ipaglaban ang demokratikong karapatan at kagalingan ng masa.

Walang awa ang kalam ng sikmura ng masang gutom. Walang ginhawa sa tone-toneladang pawis at dugo ng mga manggagawang patuloy na binubusabos sa ngalan ng kapital at ganansya. Walang kinakabukasan ang kabataang pinagsasamantalahan para sa interes ng naghahari. Walang kapatawaran ang pagdanak ng dugo ng mga maralita at magsasakang pinapaslang sa maskara ng gera kontra droga at kontra-insurhensiya.

Higit sa lahat, ang Araw ng Kalayaan ay isang paalala na nananatiling nakagapos sa hirap, pagsasamantala, at pang-aapi ang mamamayang Pilipino. Sa diwa ng mga bayaning nagdaan at lahat martir ng rebolusyon, malinaw na wala nang ibang landas pang dapat tahakin.

Wakasan ang pasistang lagim at paglapastangan ng rehimeng Duterte!
Sumapi sa Kabataang Makabayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang rebolusyon para sa tunay na kalayaan at demokrasya!

Ipagtagumpay ang armadong pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya