Statement

Mabuhay ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

, , ,

Isang taas-kamaong pagpupugay para sa lahat ng kasama! Kaisa ang Kabataang Makabayan Timog Katagalugan at Artista at Manunulat ng Samabayanan Balangay Deborah Stoney sa selebrasyon ng ika-53 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pagpupugay sa 53 taon ng patuloy na paglaban para sa hustisya at tunay na paglaya ng sambayang Pilipino. Malaki ang papel ng Partido bilang tagapamandila ng teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo na siyang gabay sa pagkamit ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

 

Ngayong anibersaryo ng Partido, alay namin ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng martir ng sambayanan na nag-alay ng kanilang buhay para sa pagpapalaya ng bayan. Pinagpupugayan namin ang mga biktima ng Bloody Sunday Massacre sa rehiyon na sina Emmanuel “Manny” Asuncion, Ana Marie “Chai” Lemita-Evangelista, Ariel Evangelista, Melvin Dasigao, Mark Lee “Makmak” Coros Bacasno, Abner at Edwart Esto, Randy at Puroy Dela Cruz at si Dandy Miguel na lider unyonista na binaril habang pauwi galing sa paggawaang kanyang pinagtatrabahuan. Pinagpupugayan din ang mga kabataang yumakap sa pinakamataas na uri ng pakikibaka sina Ian Maderazo, Jonas Burgos, Jeramie Garcia, Rjei Manalo, Carlo Alberto, Rowan Labo, at Adrian Baez. Ang kanilang tapang at buhay na inialay ang siyang magiging inspirasyon at sandigan ng kabataan ng Timog Katagalugan upang ipagpatuloy ang pakikibaka at tanganan ang armas na siyang magpapalaya ng bayan mula sa pagsasamantala.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pasismo at pag-atake ng rehimeng US-Duterte, patuloy na kumilos ang kabataan ng Timog Katagalugan upang ipaglaban ang hustisya at karapatan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Patuloy ang pagkilos ng mga kabataan at estudyante laban sa neoliberal na struktura ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Patuloy na umiigting ang panawagan upang ligtas na makabalik ang mga estudyante sa kanilang mga eskwelahan, para sa isang inklusibong edukasyon. Kasama rin nito ang paglaban para sa nararapat na ayuda para sa mga kabataan at mga mamayan nating lugmok pa rin sa mga pasakit na hatid ng pandemya.

Labas sa burges na paaralan, tuloy-tuloy rin ang pagkilos at pag-organisa ng hanay ng mga kabataan sa iba’t ibang komunidad sa Timog Katagalugan. Buhat ng pagbabago sa moda ng edukasyon, naging mahirap para sa mga estudyante ang makasabay sa pag-aaral. Kung kaya lumubog at nakipamuhay sa iba’tibang sektor ang mga kabataan ng Timog Katagalugan upang punan ang kakulangan ng gobyerno sa edukasyon. Kasama rin nito ay puspusang relief operations sa mga komunidad na nakaranas ng kalamidad at nadamay sa mga operasyong pang-militar ng AFP sa kanayunan.

Hindi rin nagpagapi ang mga kabataan sa lumalalang pasismo at atake ng estado sa mga progresibo. Patuloy ang ating pagdaraos ng mga mobilisasyon at kilos protesta sa iba’t ibang parte ng rehiyon. Hindi pa rin natitibag ang matibay na hanay ng kabataan kasama ang mga magsasaka at manggagawa, sa paglaban para sa mga batayang karapatan at pangangailangan ng mga mamayan.

Sa darating na taon, makikita natin ang pagsapit muli ng burges na eleksyon na magdidikta sa kung sino sa mga naghaharing-uri ang mamumuno sa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas. Maigting na tinututulan ng Kabataang Makabayan ang napipintong pagbabalik sa pwesto ng mga Marcos at pagpapanatili sa kapangyarihan ng mga Duterte, sa tulong ng suporta ng kampo ni Arroyo at Estrada. Ang tambalang ito sa darating na eleksyon ang nagsisiwalat kung gaano kabulok ang sistemang elektoral ng Pilipinas, at kung paano ito kinakasangkapan ng naghaharing-uri upang mas makapag-kamkam ng yaman at mas pagsamantalahan ang sambayang Pilipino. Kinakailangang maksimahin ang darating na eleksyon para sa pagkamit ng rebolusyonaryong mithiin. Magsimula ng mga diskusyon at ilantad ang kabulukan ng burges na eleksyon. Gamitin ito upang makapag-organisa at para sa higit na pagpapalakas ng armadong rebolusyon sa kanayunan.

Hamon sa mga kabataang makabayan ng Timog Katagalugan na puspusang magpunyagi at makibaka para sa lupa, sahod, trabaho, at edukasyon ng lahat ng mamamayan. Patuloy na ilantad ang pagsasamantala ng mga dayuhan at kapitalista. Mag-organisa ng mga komunidad at pakilusin ang laksa-laksang hanay ng kabataan tungo sa pinakamataas na uri ng pakikibaka — ang paglahok sa Digmang Bayan.

Kabataan, pagsilbihan ang sambayanan at tumungo sa kanayunan!
Ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!

Mabuhay ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

#MagpunyagiMakibaka #CPP53

Mabuhay ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!