Ipagtanggol ang kasaysayan ng bayan! Ibahagi ang mga kwento ng pagsupil at pag-aaklas sa panahon ng Batas Militar 1972!

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang pamamaluktot sa kasaysayan ay hindi bagong ideya. Matagal na itong taktika ng mga mapanupil upang panatilihin ang kaayusan at pigilan ang mamamayang kilalanin ang konteksto ng kanilang pag-iral at ang kapangyarihan lagi’t lagi nilang hawak sa kanilang mga kamay.

Sa ika-50 anibersaryo ng Batas Militar ng 1972, ihinahandog ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol ang kampanyang Pagsalingoy asin Pagtanaw: Singkwentang Kwentong may Kwenta upang labanan ang pagrebisa sa kasaysayan at tiyakin na ang mga susunod na henerasyon ay mananatiling tapat at matatag sa kanilang makasaysayang tungkuling ipagpatuloy ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa pamamagitan ng buong-taong kampanyang ito, ipapalaganap ang mga kwentong mula sa iba’t ibang panig ng bansa na gumugunita hindi lamang sa lagim ng batas militar kung hindi, higit lalo ang pangingibabaw ng hindi pagagaping diwa ng mamamayan laban sa isa sa pinakamadidilim na yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.

Ang mga kwentong ito bilang daluyan, linalayon ng rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan na mag-ambag sa pagtitipon ng mga patak ng buhay at pakikibakang bumubuo sa karagatan ng karanasan at identidad ng bayan. Kinikilala nitong tungkulin ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon ang alalahanin ang walang pagsasariling pag-aalay at pagmamahal na ibinigay ng mga nauna sa ngalan ng kalayaan ng sambayanan. At higit pa rito, ang ipagpatuloy ang laban anuman ang maging kapalit.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng mga naging biktima ng Batas Militar at kanilang mga pamilya na ibahagi ang kanilang mga kwento at lumahok sa laban ng pagtatanggol sa kasaysayan ng bayan. Hanggat mayroong nakaaalala at nangangahas na lumaban, hindi mauupos ang naglalagablab ng apoy ng rebolusyon at epiko ng sambayanan.

Ang mga kontribusyon ay maaaring isumite sa upisyal na mailing address ng NDF-Bikol: [email protected]. Ang mga kwento ng Pagsalingoy asin Pagtanaw ay maaaring maakses sa sumusunod na sites:
a. Yandex Disk – yadi.disk/silyabbikol.official
b. Youtube – NDF Bikol Online Portal
c. Facebook – Jonathan Lim
d. WordPress – marojabanua.wordpress.com
e. Instagram – gintongsilahis.bk
f. Audiomack – gintongsilahis.bk
g. Twitter – @jonadelima49

Ipagtanggol ang kasaysayan ng bayan! Ibahagi ang mga kwento ng pagsupil at pag-aaklas sa panahon ng Batas Militar 1972!