Ipokrito si Marcos Jr. sa pananawagan na magbayad ng buwis
Sa gitna ng tumatalim na krisis sa ekonomya kung saan hirap na hirap ang mamamayan na pagkasyahin ang kinikita, mananawagan naman ang reaksyunaryong pangulo sa mamamayan na magbayad ng tamang buwis habang nilulustay naman niya ang pera ng bayan sa kanyang maluluhong paglalamyerda.
Walang moral na awtoridad si BBM na manawagan para sa pagbabayad ng buwis, gayong siya mismo ay ilang dekada umiwas sa pagbabayad ng umabot sa P203 bilyong halaga ng buwis sa dinambong nilang yaman.
Sa simula pa lamang ng kanyang pagkakaluklok ay napuna na ang kanyang maluhong paggasta ng pondo ng bayan sa kanyang sunud-sunod na paglalamyerda, isa na dito ay ang pagdalo nito sa World Economic Forum Summit sa Davos, Switzerland. Nilustay nito ang di kukulangin sa P4.2 milyong piso sa kanyang 70 katao na delegasyon. Sa ngayon ay nasa bansang Japan ang reaksyunaryong pangulo kasama ang asawa nitong si Liza Araneta-Marcos at ang malaking bilang ng delegasyon, sa biyaheng binayaran muli ng mamamayan.
Manhid at tuso si Marcos Jr. sa kanyang panawagan ng pagbabayad ng tamang buwis. Balatkayo niyang ipinananawagan ito, diumano’y para sa pagbabangon ng ekonomya ng bansa na sa katunayan ay para sa korapsyon ng rehimen. Ginagamit niya ang kanyang katungkulan bilang tiket sa pagbisita at paglalakwatsa sa ibang bansa habang nagugutom, walang trabaho, at lalong naibabaon sa utang ang mamamayan. Habang hindi nito magawang bayaran ang bilyun-bilyon niyang utang na buwis sa mamamayan.
Walang aasahang pagbangon ang mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Marcos. Habang nagpapakasarap ito ay ibinubugaw nito ang Pilipinas para pagpiyestahan ng mga dayuhan. Ang mga binubuo nitong kasunduan at inuuwi nitong pamumuhunan ang siyang lalong pumapatay sa ekonomya ng bansa.
Dapat kundenahin at ilantad ang iresponsable at pahirap na paghahari ng rehimeng Marcos. Wala pang isang taon sa pwesto ay pinatutunayan lamang nitong dadalhin nito sa kalaliman ng krisis ang bansa, katulad ng ginawa ng kanyang kurakot at magnanakaw na ama. ###