Isabuhay ang dakilang pamana ni Kasamang Jose Maria Sison sa proletaryado at buong sambayanang Pilipino! Ipagtagumpay ang demoratikong rebolusyon ng bayan na may perspektibang sosyalista na hinaharap!

Ang Revolutionary Council of Trade Unions – National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) ay kaisa ng kanyang pamilya, mga kaibigan, mga rebolusyonaryong pwersa at inaaping sambayanang Pilipino sa pagdadalamhati sa pagpanaw ni Ka Joma Sison, ang dakilang komunistang Pilipino sa kasalukuyang panahon at tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng teoretikal na gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Si Ka Joma ang dakilang lider, guro at maituturing na pinakadakilang bayani ng masang anakpawis na nabuhay sa nakaraang siglo. Naging inspirasyon at muog na sandigang ng rebolusyong Pilipino ang kanyang walang kamatayang mga akda hinggil sa lipunan at rebolusyong Pilipino.

Sa gitna ng ating pagdadalamhati ay iginagawad ng RCTU-NDF-ST ang pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat kay Ka Joma, sa kanyang di-masusukat at di-matatawarang dakilang ambag sa pakikibaka ng uring manggagawa at inaaping mamamayang Pilipino na nagnanais baguhin ang malakolonyal at malapyudal na Pilipinas, at naghahangad lumaya sa pagkakasaklot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na ugat ng kahirapan ng mamamayang Pilipino.

Sino nga ba si Ka Joma—bakit lubos-lubos ang pagmamahal sa kanya ng manggagawa at sambayanang Pilipino, at kung bakit sa kabilang dulo ay labis naman siyang kinasusuklaman ng mga gahaman, mga pasista at mga galamay ng naghaharing uri sa Pilipinas.

Si Jose Maria Canlas Sison, ay isinilang noong Pebrero 8, 1939, sa Cabugao, Ilocos Sur, kilala siya sa palayaw na Joma. Isa siyang tanyag na Pilipinong manunulat at aktibista na nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa pangunguna niya, inilapat ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa konkretong kalagayan ng isang kapuluang bansang Pilipinas.

Nagmula siya sa mga kilalang pamilyang nagmamay-ari ng lupain sa probinsya sa Norte. Parehong galing sa marangyang pamilya ang pinagmulan ng kanyang mga magulang, ang kanyang lolo na si Don Marcelino Crisólogo, ang unang gobernador ng Ilocos Sur, habang ang kanyang tiyuhin na si Teófilo Sison ay isang gobernador ng Pangasinan, ang kanyang lolo sa tuhod na si Don Leandro Serrano ang pinakamalaking panginoong maylupa ng hilagang Luzon sa dulo ng ika-19 na siglo.

Sa kanyang pagkabata sa Ilocos, nalaman niya ang rebelyong Huk sa Gitnang Luzon mula sa mga manggagawang bukid na Ilokano at mula sa kanyang ina na kabilang sa pamilya na nagmamay-ari ng lupa sa Mexico, Pampanga. Nagsimula ang interes niya sa pag-alam sa kalagayan ng manggagawa at magsasaka kaya maging sa kanyang barbero ay hinggil sa Huk rebelyon ang kanyang itinatanong at gustong usapan.

Mula sa probinsya ay nag-aral siya sa Maynila. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959 na may karangalan sa degree ng Batsilyer ng Sining sa Panitikang Ingles, at pagkatapos ay naging propesor din sa unibersidad.

Sumali siya sa lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 1962 na pinamumunuan ng mga Lava, at naging miyembro ng executive committee nito noong unang bahagi ng 1963. Siya ang Pangalawang Tagapangulo ng Lapiang Manggagawa (na kalaunan ay naging Partido Sosyalista) at naging pangkalahatang kalihim ng Movement for the Advancement of Nationalism. Noong 1964, kasama ng iba pang progresibo at militanteng kabataan sa Unibersidad, itinatag nila ang Kabataang Makabayan, inorganisa ng organisasyong ito ang mga kabataan laban sa Vietnam War, at sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Kahit nagmula sa marangyang pamilya, tuloy-tuloy na naging malapit siya sa masang inaapi, nakaipon ng mayamang karanasan at malalim na pag-unawa sa mapang-aping sistemang panlipunan. Sa kanyang tuloy-tuloy na pag-aaral at integrasyon sa masang inaapi pangunahin sa masang manggagawa at magsasaka, higit na luminaw sa kanya ang pangangailangan na muling itayo ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Noong Disyembre 26, 1968, binuo at pinamunuan niya ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP), isang organisasyong itinatag sa teoretikal na gabay ng Marxismo–Leninismo–Maoismo, resulta ito ng pagyabong ng kanyang karanasan bilang isang lider kabataan, lider manggagawa at aktibista sa reporma sa lupa. Ito ay kilala bilang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto (UDKP) kung saan pinuna ni Ka Joma at ng iba pang kasama niya ang umiiral na pamunuan ng lumang partido, sa kanilang mga pagkakamali at kabiguan nito mula noong 1942. Ang lumang Partido Komunista ay pinatakbo sa ilalim ng dinastiyang pamilyang Lava.

Iginuhit ng muling tatag na Partido ang pangkalahatang linyang pampulitika nito bilang dalawang yugtong rebolusyon na binubuo ng pambansa-demokratiko bilang unang yugto at pagkatapos ay nagpapatuloy sa sosyalistang rebolusyon. Sa panahong ito, kilala si Ka Joma sa pangalang Amado Guerrero, ibig sabihin ay “minamahal na mandirigma”.

Ang kanyang malalim na pag-aaral, pagsusuri at paglalatag ng solusyon sa problema ng lipunang Pilipino ay naisulat at naisalibro. Noong 1967, isinulat niya ang Makibaka para sa Pambansang Demokrasya (SND), Ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP) noong 1971, at Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan noong 1974. Ang mga sulating ito ang siyang naging bibliya ng mga aktibista sa kalunsuran at kanayunan.

Noong Marso 29, 1969, ang bagong tatag na PKP, kasama ang isang paksyon ng HMB (Huk) ang nagbuo ng Bagong Hukbong Bayan (NPA), para isulong ang Armadong Pakikibaka sa buong kapuluan. Mabilis na lumaganap sa buong kapuluan ang armadong paglaban ng mamamayan sa pasista at diktador na si Marcos Sr. at lumawak ang hanay ng mamamayang nagnanais na baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng armadong paglaban.

Ang muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ang nagbigay ng pag-asa sa masang inaapi na mayroon silang masasandalan at tagapagtanggol laban sa imperyalismo, mga ganid na mapagsamantalang uri sa Pilipinas, gaya ng malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista na nag-aagawan sa poder ng kapangyarihan para gawing negosyo ang posisyon kapalit ng kapariwaraan ng mamamayan.

Naaresto siya ng mga tauhan ni Marcos Sr. noong Nobyembre 1977, at dumanas ng matinding tortyur habang nasa kamay ng militar, tumagal siya ng 9 na taon sa kulungan at mapapalaya na lamang sa detensyong militar noong Marso 5, 1986, pagkatapos ng pagpapatalsik kay Marcos at pagkaupo naman ni Corazon Aquino.

Kahit nasa piitan, wala siyang sinayang na panahon at oras, patuloy siyang nagsusulat kaugnay ng kanyang pagsusuri sa takbo ng lipunang Pilipino, isa sa tampok na sinulat niya ay ang “Hinggil sa Moda ng Produksyon sa Pilipinas” habang siya ay nasa piitang militar. Ang sulatin niyang ito ang naglinaw na ang ekonomyang Pilipino ay nananatiling atrasado, hindi nag-iindustriyalisa at export oriented-import dependent, salungat sa propaganda ng naghaharing uri at mga galamay nito na umunlad na ang ekonomiya ng Pilipinas.

Mula noong 1987, pumunta si Kas Joma sa Netherlands para sa kanyang European lecture tour, subalit dahil sa pagkansela ni Corazon Aquino sa kanyang pasaporte, naubliga na siyang manatili dito mula 1992.

Habang nasa labas ng bansa, nagpatuloy siya sa pagbibigay tanglaw at gabay sa rebolusyong Pilipino. Gumampan siya ng mahalagang papel sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP bilang chief political consultant, at naging tagapangulo rin ng International League of Peoples Struggle.

Nagpatuloy ang kanyang pagsusulat ng matatalas na pagsusuri sa takbo ng lipunan sa Pilipinas, ng nagpapatuloy na krisis ng imperyalismo at ng sitwasyon sa pandaigdigang kilusang proletaryo at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Nagbigay siya ng maliwanag na pagsusuri hinggil sa globalisasyon at sa atake ng neoliberalismo lalo na sa masang manggagawa at anakpawis.

Ang kanyang mga sulatin, aklat at mga mensahe ay naging mabisang materyales na tumanglaw at gumabay sa rebolusyong Pilipino lalo na ng mga pakikibakang isinulong at haharapin pa ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Sa inabot at sasaklawin pa ng lakas at lawak sampu ng mga nakamit at kakamtin pang tagumpay ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa, patuloy na magiging bahagi nito ang mga aral, gabay at inspirasyon ni Ka Joma.

Iniwan man tayo at namahinga ngayon ang kanyang pisikal na katawan sanhi ng karamdaman, nakatitiyak tayong patuloy na pag-aalabin ng kanyang mga naging ambag na mga sulatin, gabay, at aral ang rebolusyonaryong Pilipino lalo na ang mga bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Sa loob ng mahabang panahon ng kanyang paglilingkod sa sambayanang Pilipino, naihanda na niya ito bago pa man dumating ang araw ng kanyang pagpanaw.

Bago siya tuluyang mamaalam, optimistiko siyang magtatagumpay ang sambayanang Pilipino na habambuhay niyang minahal at pinaglingkuran. Ang dakilang pamana na iiwan niya sa atin, ay ang kanyang adhikain na pawiin ang sistemang sahurang umaalipin sa uring manggagawa, ang ipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino at ihatid ang mamamayang Pilipino sa sosyalismo.

Bilang manggagawa, mamamayan at mga rebolusyonaryong Pilipino na minahal ni kasamang Joma nang lubusan, totoong malaking kawalan sa atin ang kanyang pagpanaw. Tanganan natin itong isang hamon at panghawakan nang mahigpit at matapat na pangakong patuloy na isasabuhay ang kanyang dakilang pamana bilang gabay sa nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino. Tularan natin ang kanyang komunistang katangian na walang sinasayang na oras, walang kapaguran at mapagkumbabang nag-aaral ng lipunan kapiling ng inaaping masang manggagawa at mamamayan. Sa kabila ng katotohanan na siya ay nagmula sa isang marangyang angkan, walang panghihinayang na inialay ang panahon, ang kanyang lakas, talino at lahat ng mayroon siya para sa sambayanang inaapi at sa rebolusyong Pilipino.

 

Mabuhay si Ka Joma! Dakilang Guro, Dakilang Komunistang Pilipino!

Manatiling Pula sa ating alaala ang kanyang dakilang buhay at mga aral!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Isabuhay ang dakilang pamana ni Kasamang Jose Maria Sison sa proletaryado at buong sambayanang Pilipino! Ipagtagumpay ang demoratikong rebolusyon ng bayan na may perspektibang sosyalista na hinaharap!